Video Message of President Ferdinand R. Marcos Jr. on PBBM Vlog: Protektahan ang Kabataan
Ngayong araw, hindi lamang bilang Pangulo ang aking pananalita, kundi bilang isang ama, bilang kapwa Pilipino, at bilang isang taong lubos na nag-aalala sa kaligtasan ng ating mga anak.
Sa mga nakaraang linggo, nasaksihan ng ating bansa ang ilang nakalulungkot at nakapangingilabot na trahedyang kinasangkutan ng mga kabataang Pilipino.
Sa Tacloban, may mga buhay na nawala sa isang nakagigimbal na insidente ng pamamaril sa loob ng paaralan na kinasasangkutan ng mga estudyante. Sa Cavite naman, dalawang insidente ng paggamit ng patalim at pananaksak sa loob ng paaralan ang naitala sa loob lamang ng isang linggo.
Ayon sa mga paunang ulat, posibleng may kaugnayan sa bullying ang mga pangyayari. Isang bagay na kinakaharap ng maraming kabataan ngayon. Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon.
Ilang araw lamang bago nito, dalawang mahuhusay na student-athlete naman ang nasawi sa pagkalunod habang nasa isang team-building activity. Ang kanilang pagpanaw ay nagdulot ng matinding dalamhati at pati na rin galit, hindi lang sa kanilang pamilya, kundi sa marami nating kababayan. Nakakadurog puso.
Magkaiba man ang mga pangyayaring ito, iisa ang mensaheng ipinapakita nila sa atin:
Kailangang maprotektahan ang ating mga kabataan.
Maprotektahan laban sa karahasan.
Maprotektahan laban sa kapabayaan.
Maprotektahan laban sa panganib.
At maprotektahan laban sa mga tahimik na pinagdaraanan at pasaning dinadala ng marami sa kanila.
Ang paaralan ay dapat maging lugar ng pagkatuto, pangarap, at pag-unladโhindi lugar kung saan nangangamba ang mga magulang para sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Kaya naman inaatasan ko ang ating mga ahensya sa edukasyon, kapulisan, kalusugan, at lokal na pamahalaan na higit pang palakasin ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa buong bansa.
Ngunit hindi sapat ang pagkilos ng pamahalaan lamang.
Dapat manatiling aktibong bahagi ng buhay ng kanilang mga anak ang mga magulang.
Dapat ipagpatuloy ng mga guro ang kanilang tungkulin hindi lamang bilang tagapagturo, kundi bilang mga gabay at tagapayo.
Dapat ring tiyakin ng mga paaralan na mahigpit na nasusunod ang mga panuntunan sa kaligtasanโsa loob man ng silid-aralan, sa mga field trip, training camp, o iba pang gawaing pang-eskuwela.
At bilang isang lipunan, kailangan maibalik ang pagpapahalaga sa buhay ng tao; pagtuturo ng tamang asal, pag-uugali at pag-iisip โ higit pa sa anumang leksyon sa silid aralan!
Sa bawat estudyanteng nanonood ngayon:
Mahalaga ang iyong buhay.
Mahalaga ang iyong mga pinagdaraanan.
At ang paghingi ng tulong ay hindi kailanman tanda ng kahinaan.
Sa bawat magulang:
Huwag maliitin ang halaga ng isang simpleng pag-uusap kasama ang inyong anak.
Minsan, ang pinakamahalagang proteksyong maibibigay natin sa ating mga anak ay ang ating oras, atensyon, at pag-unawa.
Sapagkat ang tunay na lakas ng ating bansa ay nakasalalay sa kaligtasan, kapakanan, at mga pangarap ng susunod na henerasyon.
Maraming salamat po.
Mabuhay ang kabataang Pilipino.
At mabuhay ang Pilipinas.
โ END โ