Talumpati ni Pangulong President Ferdinand R. Marcos Jr. sa Kumustahan Kasama ang Huwarang Pantawid Pamilya
Maraming salamat sa ating Kalihim ng DSWD, Secretary Rex Gatchalian. [Magsi-upo po tayo.]
Mga ginawaran sa ating Huwaran Pantawid Pamilya, mga kasama kong lingkod bayan, mga binibini at ginoo, magandang – mahirap sabihin magandang umaga sa inyong lahat dahil ang lakas ng ulan, pero welcome na lang sa Malacañan Palace.
Alam n’yo po, alam natin lahat na ang pamilya ay ang mahalagang haligi ng lipunan.
Sabi nga nila na kapag matatag ang pamilya, matatag ang komunidad, at kung matatag ang komunidad, mas mabilis ang pag-unlad ng ating bansa.
Kaya pakay ng aking administrasyon na walang pamilyang Pilipino ang dapat na maiwanan.
Ito ang dahilan kung bakit natin pinagtitibay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o ‘yung tinatawag nating 4Ps.
Layunin ng programang ito na tulungan ang bawat pamilyang Pilipino na makaahon sa buhay sa pamamagitan ng edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at mga oportunidad sa kabuhayan.
At ngayong araw, kasabay ng ating National Family Week, kinikilala natin ang pinaparangalan nating labing walong pamilya, mula sa iba’t ibang rehiyon, bilang mga Huwaran Pantawid Pamilya.
Ang bawat isa na naririto ngayon ay nagpapatunay na kaya ng pamilyang Pilipino na harapin ang anumang hamon upang magtagumpay.
Kayo mismo ang nagsilbing ilaw at huwaran, hindi lamang para sa mga benepisyaryo ng 4Ps, kundi para sa lahat ng Pilipino.
Ngunit, hindi pa rito nagtatapos ang ating layunin.
Nais pa natin dagdagan ang mga pamilyang may sapat na kakayahan na itaguyod
ang kanilang buhay kaya’t patuloy nating pinapalakas ang 4Ps.
Mga kababayan, kinalulugod kong ibahagi sa inyo ang halos tatlumpu’t anim na bilyong piso na pondo galing sa DPWH na nakuha natin sa flood control projects. [applause]
Itong halagang ito ay ilalaan natin sa mga programa ng DSWD. [applause]
Kasama na rito ang tinatawag na Assistance to Individuals in Crisis Situations o ang pagkakilala ng karamihan ay‘yung AICS, at saka ‘yung Sustainable Livelihood Program.
Dahil sa karagdagang pondo ng AICS program, dadami ang ating mga kababayan na matutulungan sa panahon ng emergency tulad ng madaliang operasyon, pambili ng maintenance o gamot, at iba pang mga gastos para sa pagpapagaling.
Bukod pa rito, palalakasin natin ang mga inisyatiba na makatulong sa mga tinatawag na former combatant bilang mga targeted beneficiary ng Payapa at Masaganang Pamayanan o PAMANA Program sa kanilang Pagbabalik sa komunidad.
At higit pa riyan, magbibigay din ng mahalagang suporta para sa mga benepisyaryo ng 4Ps at kanilang mga pamilya, lalo na sa panahon ng krisis, upang sila ay maging self-sufficient na.
Sa tulong ng mga programang ito, mas marami pa tayong matutulungan na kababayan at pamilya.
Batid ko rin ang pangamba ng maraming pamilya na biglang matapos na lang ang suportang hatid ng 4Ps nang hindi sila nabibigyan ng sapat na kakayahan.
Kaya’t pinag-aaralan natin ang pag-aamyenda ng 4Ps Act upang mas matugunan nang wasto ang sitwasyon ng ating mga benepisyaryo.
Sinisiguro po natin na bawat hakbang ay nakabatay sa masusing pagsusuri, upang manatiling matibay at epektibo ang 4Ps para sa lahat ng mga nangangailangan nito. [applause]
Bilang Pangulo, ipinapangako ko na ako ay magsisikap upang ang bawat pamilya, ang bawat Pilipino ay makakalakad nang may ginhawa at dignidad.
Mga minamahal kong kababayan, kayo po ang dahilan at nagbibigay sa amin ng inspirasyon at lakas ng loob na gawin ang aming trabaho para mabuti – nang mabuti at matapat para matulungan ang aming minamahal na kababayan.
Kaya’t patuloy po tayong magtulungan. Ang tagumpay ng bawat pamilya, tagumpay ng ating Bagong Pilipinas. [applause]
At sa pamamagitan ng inyong sipag at suporta, makakarating din tayo sa mas mabuting kinabukasan.
Alalahanin n’yo po ito, itong ating kaunting pagsasalo ay pagkikilala sa inyong trabaho, sa inyong pagsikap, sa inyong sakripisyo.
Hindi po namin sinasabi na ito’y nangyari dahil sa amin. Hindi po. Nangyari po ito at kayo’y umahon sa inyong buhay dahil sa inyong sipag, dahil sa inyong sakripisyo, dahil sa inyong pagmamahal sa inyong mga pamilya, sa inyong pagmamahal sa ating kababayan, sa inyong pagmamahal sa ating minamahal na Pilipinas.
Kaya’t mabuhay ang pamilyang Pilipino, mabuhay ang Bagong Pilipinas. [applause]
— END —