Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Turismo Asenso Loan Awarding Ceremony
Maraming, maraming salamat sa ating Tourism Secretary, Secretary Christina Frasco sa iyong pagpakilala. [Magsiupo po tayo.]
Ang ating butihing Trade and Industry Secretary, Secretary Cris Roque; ang Small Business Corporation President and CEO Robert Bastillo; siyempre ang pinakamahalaga rito ‘yung mga nakatanggap ng Turismo Asenso Loan Program [palakpakan] kayo ang pinakamahalaga dahil kayo ang nangunguna dito sa programang ito. Kaya sa magiging halimbawa ng inyong gagawin dito sa — itong sa programa natin na Asenso Loan ay malalaman, magkakalat ‘yan sa lahat ng iba’t ibang MSMEs sa turismo para malaman nila na may ganitong klaseng programa at ‘pag naging successful ay mas lalo pang madadagdagan ‘yan dahil siyempre we always — as they say, we always invest in success. My fellow workers in government; ladies and gentlemen.
Magandang umaga sa inyong lahat!
Isa na ang turismo sa mga haligi ng ating ekonomiya. Nagdadala ito ng kabuhayan at pag-unlad sa libo-libong maliliit na negosyo saan mang sulok ng ating bansa.
Sa bawat “Welcome at Mabuhay” na sinasambit ng tour guide, sa bawat lutong-bahay sa karinderya, at sa bawat serbisyong may ngiti, nariyan kayo—ang ating mga lokal na negosyante sa turismo. Kayo ang bumubuhay sa industriya ng turismo at tumutulong sa paglago ng ating mga komunidad.
Kaya naman, patuloy ang pamahalaan sa pagsulong ng mga programang sumusuporta sa inyo.
Isa na rito ang Turismo Asenso Loan Program na bunga ng pagtutulungan ng Department of Tourism at Department of Trade and Industry, katuwang ang Small Business Corporation.
Layunin ng programang ito na gawing mas abot-kamay ang puhunan para sa mga MSMEs sa turismo.
Ngayong araw, ipinagkaloob natin ang loan packages sa siyam na tourism-related MSMEs mula sa NCR at saka sa Region 4-A.
Sa pamamagitan ng mga loan na ito, matutulungan natin ang ating mga MSMEs na sila’y:
Mapalago ang inyong mga negosyo.
Mapahusay ang kalidad ng serbisyo upang maipakita ang tatak ng ating ipinagmamalaki na Filipino hospitality.
Higit sa lahat, makakapagbigay ng mas magandang kinabukasan para sa inyong pamilya at komunidad.
Kaya patuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang nagbibigay ng oportunidad sa ating mga MSMEs.
Ang ilan sa mga ito ay Negosyo Centers, Go Lokal!, Tourist Rest Areas, at mga trade fairs na tumutulong sa promosyon ng ating mga lokal na produkto.
Layunin ng mga ito na gawing simple, abot-kaya, at epektibo ang paghahatid ng serbisyo at pagbebenta ng produkto.
Kaya naman, sa DOT, DTI, at SBCorp., tiyakin ninyong abot ang Turismo Asenso Loan Program at iba pang tulong sa buong panig ng bansa.
Palawakin pa ang impormasyon ukol dito, gawing simple ang proseso, at tiyakin na maraming MSMEs ang makikinabang, lalo na ang mga nasa malalayong lugar.
Sa ating mga tourism workers at stakeholders—mula lungsod hanggang malalayong isla—kayo ang dahilan kung bakit pinapalakas natin ang suporta para sa mga maliliit na negosyo sa turismo.
At sa mga lokal na komunidad, sa industriya ng sining, sa mga hospitality providers—saludo naman kami sa inyong lahat.
Dahil sa inyo, mas lumalalim ang paghanga at pagkilala ng mga turista sa mga ipinagmamalaki natin dito sa Pilipinas.
Ngayon, mas pinipili na ng mga turista ang mga aktibidad na mas makabuluhan—mga karanasang mas malapit sa lokal na kultura at pamumuhay. What they call this is experiential tourism. Hindi lang maaari nakaupo lang sa beach at nagpapa-araw o basta kumakain lang nang kumakain at nag-iinuman lang. Kailangan mayroon silang pinupuntahan. May makita silang bagong kultura. Mayroon silang makitang lugar na hindi nila nakikita sa ibang lugar. Pero para sa atin mga Pilipino, ang pinakamahalaga na maramdaman nila at maranasan nila ang hospitality ng Pilipino. Alam naman natin iyan ang ipinagmamalaki natin sa lahat. At siguro baka magtampo sa akin ang mga kaibigan kong dayuhan, pero sa palagay ko tayo lang mga Pinoy ang may ganyan.
Babiyahe ang pamilya sa mga hindi pa nila napupuntahan, titikman ang mga pagkaing kilala sa lugar, at maglilibot sa mga bayan at lokal na merkado.
Sa ganitong mga paglalakbay, mas nauunawaan at mas hinahangan ng mga turista ang kwento ng bawat lugar.
May kahulugan ang bawat koneksyon sa mga taong nakakasalamuha, sa mga pagkaing bago sa kanilang panlasa, at sa mga tanawing bihira nilang masilayan.
Kaya, sama-sama nating ipagmalaki ang ganda ng Pilipinas, hindi lamang sa ating tanawin, kung hindi higit sa lahat sa talento, sipag, at galing ng bawat Pilipino.
Maraming, maraming salamat at mabuhay sa ating mga MSMEs!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
Magandang umaga po sa inyong lahat! [palakpakan]
— END —