Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Sa SubayBAYANI Awards 2025

Speeches 26 November 2025

Thank you to our DILG Secretary, Secretary Jonvic Remulla. [Please take your seats.]

ULAP National President and Quirino Governor Dax Cua; the honorable local government officials who are with us here today; awardees of the 2025 SubayBAYANI Awards; distinguished guests; ladies and gentlemen.

Good afternoon.

Kinikilala natin ngayon ang mga lokal na pamahalaan at ilang DILG Regional Offices na piniling mamahala at gampanan ang kanilang tungkulin nang mahusay, tapat, at may malasakit sa kanilang nasasakupan.

Napatunayan nila ito sa paghikayat sa mamamayan na makilahok sa mga proyekto ng kanilang bayan, lungsod, o probinsya, at sa pagsubaybay sa mga lokal na imprastraktura na pinondohan ng taumbayan.

Kaya naman, sa pagkilala natin sa mga LGUs at DILG Regional Offices (ROs) na binigyan natin ng parangal sa SubayBAYANI Awards ngayong taon, pinatitibay natin na maging likas sa atin ang malinis, bukas, at tapat na pamamahala.

Dahil sa maayos na pagsunod sa mga plano, ipinamalas ninyo ang husay sa paghahatid ng maayos at de kalidad na imprastraktura—mapa-simpleng multipurpose building man o malawakang provincial road.

Ipinakita ninyo na kapag may datos, may basehan.

Kapag may proseso, may direksyon.

At kapag may resulta, may tiwala naman ang taumbayan sa atin.

Tandaan natin na ang mamamayang Pilipino ay nagmamasid at may karapatang pumuna.

At tayong mga nasa gobyerno ang tagapanday at tagahatid ng tunay at maaasahan na serbisyo.

Noong Lunes lamang, inilunsad natin ang DPWH Transparency Portal.

Layon nitong masiguro na ang mga imprastraktura ay nakikita, nasusuri, nababantayan, at napapakinabangan.

Dito, masusundan ng taumbayan ang bawat hakbang ng mga proyekto ng pamahalaan: mula sa procurement process, sa paglalatag ng mga pundasyon, hanggang sa tuluyang magamit ng komunidad ang mga nasabing proyekto.

Inaasahan natin na kapag bukas tayo sa publiko, mas titibay ang kanilang tiwala sa gobyerno [at] mas lalawak pa ang kanilang pakikibahagi sa ating pagbabago.

Maliwanag sa mga kuwento ng Most Significant Change (MSC) stories ang tunay na epekto ng mabuting pamamahala, mga salaysay ng pagbabago.

Ito ang mga aksyong dapat pamarisan, mga aral na dapat ibahagi, at mga tagumpay na dapat ipagmalaki.

Nawa’y magsilbing gabay at inspirasyon ang mga karanasan ng ating mga mamamayan upang umunlad ang ating mga komunidad.

So, to all 126 LGUs who have been hailed as Exemplars, the nine Top Overall Performers, [and] the three DILG ROs who have demonstrated strong collaboration, transparent processes, and proactive efforts: keep up the good work.

Continue to show that the public can trust and rely on their public servants. [palakpakan]

High quality remains our standard. A government worthy of its people does not settle for mediocrity, does not cut corners, [and] does not waver. We strive for excellence because that is what our citizens deserve, and that is what our country deserves.

So, let us prove that when the public has access to government processes, they become more empowered as our partners in promoting accountability.

This is why, and I say this with my firm – as a firm belief, we must further strengthen open and participative governance at all levels.

I thank our partners from the Manila Water Company for your steadfast support in the government’s efforts in participatory governance, citizen engagement, and evidence-based monitoring.

Kasama sa tagumpay ng anumang proyekto ng gobyerno ang mga lingkod-bayan na araw-araw ay nag-aalay ng kanilang oras at talino nang tapat at buong puso.

Kayo po ang magandang halimbawa na matatag pa rin ang puso ng serbisyo publiko sa ating bansa.

Mga kababayan, ang Bagong Pilipinas ay hindi itinatayo ng isang lider lamang, hindi itinatayo ng isang sektor o isang institusyon lamang. Ito ay binubuo ng bawat kawani ng pamahalaan na tapat na naglilingkod sa ating kapwa at bawat mamamayan na handang makibahagi sa mga proyekto ng pamahalaan.

So, once again, congratulations to all our awardees!

Mabuhay ang ating mga SubayBAYANI! [palakpakan]

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

Maraming salamat po. [palakpakan]

— END —