Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Sa Parangal at Pasasalamat sa mga Bayaning Atleta: A Homecoming Celebration for the 33rd Southeast Asian (SEA) Games Athletes
Maraming, maraming salamat at welcome sa ating mga atleta. At nakakatuwa dahil napapanood ko lang kayo sa TV. Mabuti’t nakikita ko kayo nang personal. Congratulations! [palakpakan]
Sa ating PSC Chairman Pato Gregorio; the Philippine Olympic Committee President Bambol Tolentino; PSC Commissioner Olivia “Bong” Coo and the other PSC officials; of course, our First Lady, First Lady Louise Araneta-Marcos; and of course, the most important people here today, our athletes and our [palakpakan] – and those who have brought pride to our country once again; fellow workers in government; distinguished guests; ladies and gentlemen.
Magandang araw sa inyong lahat.
It is always an honor and a joy to be surrounded by high-achieving athletes like we have today. You are a shining example of what can be done with discipline, with commitment, with passion, with sacrifice, and it shows that we can achieve what others might think is impossible.
Pinagdiriwang natin ngayong araw ang dangal, tibay ng loob, at pambihirang kakayahan ng atletang Pilipino.
Noong ika-tatlumpu’t tatlong Southeast Asian (SEA) Games na ginanap sa Thailand, magiting na kinatawan ang ating bansa ng mahigit 1,500 atleta. Ito ang pinakamalaking Philippine Team sa kasaysayan ng Southeast Asian Games
Dala ang bandila ng ating bansa, pinakita ninyo kung ano ang kayang marating ng atletang Pilipino.
At sa pagtatapos ng kompetisyon, hindi naman ninyo kami binigo. Nakuha ng Pilipinas ang ika-anim na ranggo, at kagaya ng nabanggit nga ng ating Olympic Chairman eh dapat mas mataas pa ‘yan. Pero ‘di bale, babawi nga tayo. [palakpakan]
At bukod pa roon, nakamit natin ang 277 medalya—mas maraming medalya kumpara noong nakaraang 2023 at 2021 na SEA Games.
Buong pagmamalaki naming kinikilala ang husay at galing na ipinamalas ninyo.
Ngunit, may medalya man o wala, panalo kayong lahat sa puso ng sambayanang Pilipino. [palakpakan] Maraming salamat.
May mga tagumpay rin na naisulat sa pahina ng kasaysayan ng sports sa Pilipinas.
Kay Alex Eala, binabati ka namin sa nakamit mong gintong medalya sa women’s singles tennis. Ikaw ang kauna-unahang Pilipina na gold medalist sa paligsahang ito matapos ang 26 na taon.
Hangad namin ang iyong tagumpay sa mga susunod pa na kompetisyon na papasukan mo.
Kay EJ Obiena, saludo kami sa iyong ika-apat na SEA Games na gold medal sa men’s pole vault.
You have all proved that success is not accidental. It is earned every time you choose to show up and you choose to rise—again and again.
At sa ating Philippine Women’s National Football Team, sa kauna-unahang pagkakataon na naisama ang women’s football sa SEA Games, kayo rin ang unang nag-uwi ng ginto.
Maraming, maraming salamat sa makasaysayang tagumpay na ito. Ipinakita ninyo ang angking galing at lakas ng mga kababaihang Pilipino.
Tawag nga ito, this is certainly a “herstory” that is one for the books.
Bilang pagkilala sa inyong natatanging tagumpay, mula sa Tanggapan ng Pangulo, tatapatan natin ng kaunting cash incentive na nakalaan sa ating mga nanalong atleta.
Para sa mga gold medalist, may tig-iisa kayong 300,000 piso, for the gold medals. [palakpakan]
Sa mga nag-uwi naman ng silver, may 150,000 piso ang bawat isa sa inyo. [palakpakan]
At para sa mga bronze medalist, may 60,000 naman ang makukuha ninyo. [palakpakan]
Magkakaloob din ang Office of the President ng tig-10,000 piso sa mga atletang nanalo sa ibang palaro bukod sa SEA Games.
Batid nating walang katumbas na halaga ang inyong sakripisyo, ngunit tanggapin ninyo ito bilang simbolo ng pagpupugay at pasasalamat ng mamamayang Pilipino sa inyong kabayanihan.
Nawa ay marami pang kabataang Pilipino ang tumahak sa katulad na landas na inyong nilalakbay. Kaya isinusulong ng pamahalaan ang pag-angat ng kalidad ng sports development sa ating bansa.
Pinapalawak natin ang grassroots and youth sports programs, dinadagdagan natin ang mga kinakailangang pasilidad, at mas pinapalakas pa natin ang suporta sa mga atletang lumalahok sa pandaigdigang entablado.
Ginagawa natin ang lahat ng ito upang hubugin ang mga susunod na henerasyon ng atletang Pilipino—mga kabataang may pangarap, may paniniwala sa sarili, at handang lumaban sa ngalan ng ating bandila.
Higit sa pagkilala at sa mga suportang inyong natanggap, nais kong bigyang-diin ang kahalagahan ng disiplina.
Ang disiplina ay hindi lamang susi sa panalo sa loob ng arena. Ito ay humuhubog sa ating pagkatao—ang mamuhay ng may layunin, magsikap ng may kahulugan, at mangarap ng [may] malinaw na direksiyon.
At sa tuwing pinipili nating kumilos ng may disiplina, sama-sama nating binubuo ang isang bansa na hindi sumusuko—isang bansang patuloy na umaangat, nagpupunyagi, at umuunlad.
Muli, congratulations sa inyong lahat. Maraming, maraming salamat!
Mabuhay ang atletang Pilipino! [palakpakan]
Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [palakpakan]
— END —