Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Panunumpa ng mga Bagong Halal na Opisyal ng League of Provinces of the Philippines

Speeches 3 September 2025

The Cabinet Secretaries who are here, one former governor; and the LP – of course, the LPP National President and Chairperson Jun Tamayo; the newly-elected and appointed officials of the League of Provinces of the Philippines; my fellow workers in government; ladies and gentlemen, good morning.

Karangalan ko na makasama ko kayong lahat—mga ina at ang mga ama ng mga lalawigan dito sa Pilipinas.

Sa mga bagong opisyal ng League of Provinces, isang malugod na pagbati at panalangin na kayo ay magtagumpay sa inyong tungkulin.

Tulad ninyo, naging gobernador din ako—mahigit isang dekada ko pong pinaglingkuran ang probinsya ng Ilocos Norte.

Napag-aralan ko ang bawat sulok ng lokal na pamahalaan. Sa panahon ng tagtuyot, natutunan ko kung [anong] irigasyon ang kailangang ayusin. Sa panahon ng unos, natutunan ko rin kung anong sektor ang uunahin.

Hindi makakailang kayo rin ang mas nakakaalam sa tuwing may pagsubok na hinaharap ang inyong mga mamamayan—sapagkat kayo ang una nilang tinatakbuhan.

Simula nang maitatag ang LPP noong 1987, nagkaroon ang lahat ng mga lalawigan sa bansa ng iisang tinig para sa iisang adhikain: ang kaunlaran ng bawat Pilipino saanmang panig ng mundo.

At sa mga nakalipas na dekada, naging simbolo kayo ng pagkakaisa, pagtutulungan, at pag-asa para sa mas maliwanag at maunlad na kinabukasan natin.

Noong nakaraang taon lamang, ipinakita ninyo ang lakas ng inyong [paninindigan] sa pamamagitan ng Manifesto of Support.

Pinili ninyong isulong ang matapat na serbisyong publiko sa halip na pagkawatak-watak na hindi nakakatulong naman sa ating mga mamamayan.

Nakikiisa rin kayo sa pamahalaan upang maisulong ang ating mga hakbang sa digitalization.

Mula noon, bumilis na ang proseso, nabawasan ang fixer, at higit sa lahat, napalapit ang ating serbisyo sa ating taong-bayan.

Sa larangan ng agrikultura, itinaguyod na natin ang abot-kayang bigas. Sa tulong – nagawa lang natin ito sa tulong ng mga lokal na pamahalaan, natitiyak natin ang mga benepisyo at subsidiya ay napupunta sa tunay na mga nangangailangan.

Pero hindi po tayo dapat tumigil sa pagsulong. May mga isyung kailangan pang harapin na hindi puwedeng talikuran—lalong-lalo na [ng] mga bagong opisyal ng LPP.

Ngayon, higit kailanman, kailangan ng bansang Pilipinas ang inyong pamumuno upang wakasan ang mga maling nakagisnan.

[Nagsisimula] pa lang ang laban at mahaba pa ang ating tatahakin. Umaasa ako na kasama namin kayo sa bawat hakbang, sa pagsusuri sa mga proyekto, sa pagsasaliwanag sa mga [nagkukubli sa] kadiliman.

Kaya’t hinihikayat ko kayo: Paglingkuran natin nang buong katapatan ang sambayanan; tiyakin natin nasa wasto ang mga proyekto na ipinapatupad ng pambansang pamahalaan at ng lalawigan; at isiwalat natin kung may makikitang taliwas.

Kaya – dahil ang pera ng sambayanan ay pera ng bayan, hindi sa pansariling interes.

Umaasa rin ako na ang LPP ang siyang magbibigay-daan upang higit pang bumilis at humusay ang serbisyo publiko.

Gamitin natin ang mga bagong teknolohiya – ‘yung AI, data analytics, iba pa para paghusayin natin ang ating front line services.

Nais ko ring banggitin na ipinapatupad na po natin ang ating Zero Balance Billing. Pitumpu’t walong DOH hospital na ang kasama.

Sa ilalim ng programang ito, walang babayaran ang mga kababayan natin na naka-confine sa basic o ward accommodation.

Ang aking samo ay maging laganap din ito sa mga hospital sa ilalim ng lokal na pamahalaan.

Kung saan, hindi kailangan maglabas ng pera ang mga naghihirap nating may sakit.

Mga kapwa lingkod-bayan, naririto tayo dahil pinagkakatiwalaan tayo ng taumbayan. Huwag po natin silang bibiguin.

Para sa mga bagong opisyal ng LPP: Magsisilbing gabay. Magsisilbing boses. At higit sa lahat, magsilbi kayong konsensya.

Sa paraang ito, maitatatag natin ang Bagong Pilipinas kung saan ang bawat Pilipino ay may pagkakataong umunlad, may seguridad sa kinabukasan, at may tiwala sa pamahalaan.

Muli, binabati ko ang ating mga opisyal ng LPP!

Maraming, maraming salamat!

Mabuhay kayong lahat!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

[palakpakan]

— END —