Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Pamamahagi ng AKSYON Fund Assistance sa OFWs at mga Pamilyang Naapektuhan ng Nagdaang Bagyo sa Pampanga
Magandang umaga po.
Maraming salamat sa ating kalihim ng Department of Migrant Workers, Secretary Hans Cacdac. [Magsiupo po tayo.] [tawanan]
Pagka nakatayo kayo sa isang oras kong speech talagang gugutumin kayo. Mapipilitan si Nanay magpakain sa inyong lahat ng hapunan.
Nandito rin po kasama po rito natin ang ating Secretary ng TESDA, Secretary Kiko Benitez. [palakpakan] Ang TESDA po ang gumagawa po ng mga training at nagtuturo sa ating mga manggagawa ng mga bagong teknolohiya. Kaya napakahalaga po na sila’y kasama rito sa ating pagbigay ng tulong sa pamilya ng ating mga minamahal na OFW.
Ang Overseas Workers Welfare — OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan. [palakpakan] Na ganoon din, ang trabaho po niya ganyan din po. Alalayan, alagaan, at bigyan ng tulong lahat po ng ating mga OFW kahit saan po sa buong mundo.
At ang ating provincial governor, Governor Nanay Pineda. [palakpakan] At provincial vice governor, Vice Governor Delta Pineda. [palakpakan]
Ang mga minamahal nating OFW; ang mga lingkod-bayan natin; at ang mga bisita nandito ngayon; at ang pinakamahalaga na nandito na kasama natin ngayon, kayo po mga benepisyaryo dito po sa AKSYON program na ating ginagawa. [palakpakan]
Magandang umaga po. Magandang tanghali na po sa inyong lahat.
Sa tuwing nakakasama ko ang ating mga kababayang OFW, hindi ko maiwasan na humanga sa kuwento, matuwa sa kuwento ng inyong mga pagsisikap.
Hindi biro ang inyong pinagdadaanan—malayo sa pamilya habang nagtatrabaho sa ibayong lugar para sa kinabukasan ng kanilang mga mahal sa buhay.
At kapag may mga problema o mga pangyayari sa inyong pamilya dito sa Pilipinas, may kalamidad kung sakali, o talagang doble or triple pa ang inyong hirap sa pag-aalala.
Kaya’t narito naman kami upang maghatid ng tulong at magbigay ng suporta, lalo na para sa mga kababayan nating lubos na naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha.
Bilang tugon sa matinding pinsala ng mga nagdaang habagat at bagyo, magbibigay ang Department of Migrant Workers ng tulong sa pamamagitan nitong AKSYON Fund.
Tatlong libong benepisyaryo mula sa mga apektadong lugar sa Pampanga ang makakatanggap ng tigli- 5,000 piso bawat isa bilang tulong sa inyo. [palakpakan]
Hindi lang po, mayroon pang mga benepisyo, kung tawagin ay hindi cash, kundi non-cash benefits.
Layunin din po ng AKSYON Fund – maghatid ng legal assistance, medical assistance, financial assistance, emergency assistance para sa ating mga OFWs at sa mga pamilya ang ating OFWs. [palakpakan]
Ito ay aktuwal na tulong lalo na sa mga sandaling walang ibang matatakbuhan.
At dahil sadyang malapit kayo sa puso ko, ang Tanggapan ng Pangulo ay magbibigay din ng karagdagang tigli-5,000 piso para na tulong sa inyo. [palakpakan]
Alam niyo po, pagka pinag-uusapan po ang OFW, ‘yung mga ibang mga kababayan natin na hindi nakakapagbiyahe, na hindi nakikita ang mga ginagawa ng ating OFW, lagi kong pinapaalala sa ating mga kababayan.
Pagka ako ay bumabiyahe, nakikita naman ninyo nakikilala ko mga presidente, ‘yung mga hari, mga prime minister.
Lahat sila, lahat sila, ang unang – ‘pag pinakilala ako, “This is Ferdinand Marcos, the President of the Philippines,” ang unang sasabihin sa akin, ang gagaling ng mga Pilipino worker doon sa bansa namin. [palakpakan]
Napakasipag, napakabait, napakahusay, napakadaling turuan. Ang gagaling pa mag-Ingles.
Iyon ang mga advantage natin at hanggang ngayon, kaya’t lagi, naghahanap lahat lang po ng pinupun — lalo na sa Middle East. ‘Pag pumupunta po ako doon, ‘di siyempre sasabihin nila, magwe-welcome sila. Sasabihin na naman nila kung hindi sa Pilipino, ayun — naririnig ko ito sa Saudi, sa UAE — pagka sabi nila kung hindi sa Pilipino, hindi gumanda ang bansa namin ng ganito. Dahil sa Filipino workers ay nandito sa Amerika ‘yung ating mga medical workers.
Sa iba’t ibang lugar kahit saan ka pumunta. Pati caregiver natin, ay lahat po ay kinahahangahan ang Pilipino.
Kaya naman po ay ipinagmamalaki po natin ang ating mga Filipino workers. At hindi lang ipinagmamalaki upang malaman ng buong mundo kung gaano kayo kagaling, ay hindi lamang pagpapakilala kundi ang pagtulong kagaya nitong mga programa ng AKSYON Fund galing sa DMW.
Hindi po dito nagtatapos ang ating pagkikilos. Mahalaga ang maagang tulong, ngunit higit na kinakailangan ang mga pangmatagalang solusyon. Hindi lang ‘yung minsanan.
Kaya gumagawa po tayo ng mga hakbang na magsisilbing tulay tungo sa mas matatag na kinabukasan.
Kanina lamang nalagdaan na ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Migrant Workers, sa DOLE, sa TESDA, at sa OWWA, kasama ang mga local government unit at Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga.
At sa ilalim ng kasunduang ito, magpapatupad ang mga kasaping ahensya, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Pampanga, ng mga programa laban sa illegal recruitment at human trafficking.
Ito ang magsisilbing proteksyon para sa ating mga kababayan bago pa man sila makaalis ng bansa.
Ngunit, hindi sapat na may programa lang. Kailangan ang malinaw na koordinasyon at sabay-sabay na pagkilos ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Kasama ko ang DMW sa hangaring magtagumpay ang kasunduan na ito at lahat ng mga programang makakatulong sa ating mga OFWs.
Dito sa Pampanga, ating ipapatupad ang MOA, isang simbolo ng pagtutulungan ng local government, kasama na ang national government laban sa illegal recruitment at sa human trafficking. Inaasahan ko na magiging maganda ang resulta ng kolaborasyong ito.
Para sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan na nandito ngayon: Gawin nating normal ang mabilis, maayos, at makataong serbisyo.
Sa bawat desisyong ating gagawin, lagi nating iisipin kung papaano natin mapapaglingkuran ang ating kapwa Pilipino na may dignidad at malasakit.
Magsilbi tayong solusyon, hindi dagdag na pampahirap.
At para naman sa mga minamahal nating OFWs: Hindi matutumbasan ng anumang salita ang aming pasasalamat sa inyong sakripisyo, sa inyong pagmamahal sa inyong mga pamilya, sa inyong mga kababayan, at sa inyong minamahal na Republika ng Pilipinas. [palakpakan]
Hindi… Lagi natin napapag-usapan ‘yung remittance ay malaking itinutulong sa ekonomiya.
Ngunit hindi lang ‘yun, higit po sa remittance lamang, kayo rin ay nagpapadala ng pag-asa at dangal para sa sambayang Pilipino. [palakpakan]
Kaya naman ay ginagawa ng pamahalaan ang aming makakaya upang patuloy kayong suportahan sa loob at sa labas ng bansa para sa inyo at sa inyong mga mahal sa buhay.
Kaya’t magtulungan po tayo upang mabuo ang isang maunlad, makatarungan, at progresibong Bagong Pilipinas.
Maraming salamat!
Mabuhay ang ating mga bayaning OFW! [palakpakan at hiyawan]
— END —