Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Pagpupugay 2025, Parangal sa mga Lingkod Bayani (delivered by Executive Secretary Ralph Recto on behalf of the President)

Speeches 28 January 2026

Magandang umaga sa inyong lahat at isang mainit na pagtanggap sa Malakanyang.

Ipinagdiriwang natin sa araw na ito, ang puso ng pamahalaan. Ang mga kawaning tahimik na naglilingkod para sa sambayanang Pilipino at sa bansa.

Sa Civil Service Commission Honor Awards Program, kinikilala natin ang mga kawani ng gobyerno na mahusay sa kanilang tungkulin at huwaran sa prinsipyo.

Hindi namin maikakaila na sa pamahalaan mas madalas nating napapansin ang mga nasa matataas na posisyon.

Ngunit alam naman nating lahat na sa bawat programa na ipapatupad at serbisyong naihahatid, naroroon ang sipag at malasakit ng mga lingkod bayan katulad ninyo.

Sa okasyong ito, tatlong kategorya ng parangal ang igagawad natin para sa 2025 Outstanding Government Workers.

Una, ang Gawad Lingkod Bayan ng Pangulo na ipinagkakaloob para sa mga naghatid ng natatanging kontribusyon na may malawak at pangmatagalang epekto sa kapakanan, seguridad, at yaman ng bansa.

Dito kinikilala natin ang mga inisyatibo na naghatid ng pagbabago. Halimbawa rito ay ang mga programa para sa kabuhayan at kooperatiba ng mga mangingisda.

Gayundin ang mga tumulong sa pagtatayo ng mga sentro ng inobasyon upang palakasin ang mga lokal na negosyo.

Kasama rin dito ang mga muling bumuhay sa ating industriya ng abaka matapos ang mga kalamidad at sakit na sumira sa mga taniman na nagbigay ng pag-asa sa ating mga magsasaka.

Ikalawa, ang Gawad Dangal ng Bayan para sa mga kawani ng gobyerno na nagpakita ng ‘di matatawarang paglilingkod at patuloy na pagtalima sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Kinikilala natin ang mga kawaning tapat sa kanilang gawain. Kabilang dito ang mga lingkod bayan na humigit pa sa kanilang tungkulin. Gaya ng paghahatid ng serbisyo sa mga pinakaliblib na komunidad.

Para rin ito sa mga naglunsad ng mga programang nagligtas ng buhay ng mga ina at sa mga nagtaguyod ng mas maayos na healthcare system sa probinsya.

At ikatlo, ang Gawad Pag-asa na ating ibinibigay sa mga kawani na nagpakita ng natatanging husay sa trabaho at nag-iwan ng kontribusyon na ramdam sa higit pa sa isang ahensya ng ating pamahalaan.

Dito kinikilala natin ang mga proyektong bunga ng dedikasyon tulad na lamang ng paglikha ng mga kagamitang pangkaligtasan para sa mga mag-aaral sa panahon ng lindol at ang pagsulong ng seguridad sa pagkain at makakalikasang kabuhayan.

Kasama na rin dito ang mga nagpalakas sa suporta para sa ating mga magsasaka upang ihanda ang ating mga komunidad sa climate change.

Para sa lahat ng tumanggap ng parangal ngayon, kayo ang patunay na ang diwa ng tapat na paglilingkod ay buhay sa ating pamahalaan.

Sa gitna ng dilim at ingay, kayo ang hibla ng liwanag na nagbibigay pag-asa sa ating sambayanan.

Kayo ang patunay na maraming mabubuting empleyado sa ating pamahalaan.

Kayo ang patunay na hindi kailangan maging tanyag upang tumulong sa bayan.

At kayo ang patunay na anumang antas ng tungkulin, may kakayahan ang bawat isa na maglingkod ng may dangal.

Naniniwala ako na hanggat may lingkod bayang katulad ninyo, mananatiling matatag ang ating Republika.

Sa ngalan ng sambayanang Pilipino, maraming, maraming salamat sa inyong katapatan, sipag, at malasakit.

Patuloy ninyong isabuhay ang diwa ng Bagong Pilipino – disiplinado, mahusay, at mapagmahal sa bayan.

Muli, congratulations sa lahat ng awardees.

Mabuhay ang mga kawani ng gobyerno.

Mabuhay ang Bagong Pilipinas.

— END —