Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Pagpapasinaya ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Allied Health Sciences Building

Speeches 6 February 2026

Maraming, maraming salamat sa ating butihing mayor ng City of Manila, Mayor Isko Moreno. [Magsi-upo po tayo.]

The honorable members of the House of Representatives who are here with us this morning; Manila Vice Mayor Angela Atienza; Maynila Medical Center Chief OIC Dr. Grace Padilla; the Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) University President Domingo Reyes Jr.; fellow workers in government; other distinguished guests; ladies and gentlemen.

Good morning.

Alam niyo po totoo ‘yung sinasabi ni Mayor na noong nagturo ang First Lady dito, dito sa PLM na siya ay nagturo – siya ay naging propesor sa abogasiya sa inyong Law School. Sa dinamidami – sabi niya sa dinamidami niyang naturuan na mga estudyante sa iba’t ibang eskuwelahan, sabi niya ang pinakamagaling at pinakamasipag na naging estudyante niya ay dito galing sa PLM. [palakpakan]

Dahil – hindi ko na babanggitin ‘yung mga ibang eskuwelahan na naturuan niya pero sabi niya ‘yung mga iba puro anak mayaman ‘yung mga ‘yun, mga spoiled. Dito ang sisipag daw at talagang sineseryoso, dinidibdib nang mabuti ang kanilang pag-aaral. Palagay ko ganoon din ang mangyayari dito sa inyong Med – hindi na, hindi pala Medici – hindi Medical School eh. All the skills and all of the necessary training for all healthcare workers ay dadaan dito. Eh nakakagulat na magkakaroon ng 5,000 – malalampasan nang husto ‘yung 300 noong nakaraan.

Kaya naman napakasaya ko na makapunta dito sa okasyon na ito dahil itong araw na ito isinasagawa ang – isinagawa natin ang groundbreaking ceremony ng College of Allied Health Sciences Building ng PLM.

Ito ay programa ng lokal na pamahalaan na magpapataas ng kalidad ng serbisyong pangkalusugan.

Sa pagtatayo ng College of Allied Health Sciences Building, mabibigyan ng pagkakataon ang nakakabatang henerasyon na aralin ang mga kursong pang-medisina. Sila po ang mga susunod na haligi ng ating sektor ng pangkalusugan.

Sa pagbibigay ng pondo upang maipatayo itong pasilidad na ito, layon ng pamahalaan na mabigyan ng oportunidad ang mga estudyanteng nangangailangan na makapag-aral sa mahusay na unibersidad. Inilulunsad din natin ang bagong science courses dito, kabilang na ang Medical Technologies at Radiologic Technologies.

Higit sa lahat, mahalaga ang programang ito sa paghubog ng mga magagaling na propesyonal sa larangan ng medisina.

Nakakasiguro ako na huhubugin ng eskwelahang ito hindi lamang ang kaalaman at karanasan ng ating mga future na doktor, ngunit pati na ang kanilang prinsipyo at ang kanilang karakter.

At para sa 16 na topnotchers at graduates ng health-related courses, hindi man ninyo naabutan ang bagong gusaling ito, natupad naman ninyo ang inyong pangarap na makapagtapos.

Nawa’y magamit ninyo ang inyong natutunan upang maglingkod sa mga pasyente at mapapagaan ang kanilang pinapasan. Kailangan kayo ng ating bansa.

Hangad din nating maging halimbawa ang proyektong ito upang mapalawak ang sakop at mapabuti ang kalidad ng edukasyon na ating inihahatid sa ating mga kababayan.

Batid natin ang mga pagsubok na pilit hinaharap ng ating mga kababayan. Kulang ang access sa serbisyong medikal. Kulang sa modernong teknolohiya at pasilidad sa mga ospital. Kulang ang mga healthcare center at healthcare worker sa ating mga bayan.

Kaya’t bilang suporta ng pamahalaan, hindi bababa sa 500 bilyong piso ang inilaan natin sa budget ngayon [palakpakan] upang maging mas epektibo ang ating health sector.

Mahigit 427 [bilyong] piso ang nakalaan ngayong taon para sa Department of Health at para sa PhilHealth.

Makakatanggap naman ng higit sa 13 bilyong pisong budget ang specialty hospitals natin. Ito pong mga specialty hospital ay tinutugunan talaga natin dahil nakita natin noong panahon ng COVID, nakita natin na kulang na kulang. Ang mga specialty hospital nandito lamang sa Maynila, nandito lang sa Metro Manila.

At kaya naman ay sabi namin hindi naman tama ‘yun dahil malayo pa ang probinsya, ‘yung mga nagkasakit ay dadalhin pa rito. At kung minsan ay hindi na umaabot. Kaya ang ginagawa po natin ay nagpapatayo tayo… Hindi naman – kahit hindi buong ospital pero mayroon tayong idadagdag sa mga nandiyan na na ospital para mayroon tayong tinatawag na specialty centers.

Halos siyam na bilyong piso ang nakalaan naman para sa DND, ating mga sundalo, at para sa mga pulis, ang PNP hospital, at halos 98 bilyong piso ang para sa mga programa ng lokal na pamahalaan. [palakpakan]

Para naman sa medical scholarships at tuition fee subsidies ng mga estudyante ng SUC, mga SUC, mga State University, naglaan din tayo ng higit isang bilyong piso para tulungan ang ating mga estudyante. [palakpakan]

Upang maisulong ang medical assistance at Zero Balance Billing program sa PGH, halos isang bilyon at apat na raang milyong piso ang budget na inilaan natin sa ospital na ito.

Lahat ng ito ay inaasahang magpapabuti ng serbisyong medikal at magpapalakas ng ating health sector.

Hindi na po natin hahayaang magtiis sa sakit ang ating mga kababayan dahil sa kawalan ng pantustos [sa] pagpapagamot.

Hindi natin hahayaang nahihirapan ang mga pamilya sa mga probinsya dahil sa layo ng kanilang lalakbayin para makarating sa ospital.

Patuloy po nating gagawing prayoridad ang kaligtasan, kalusugan, at kaginhawahan ng ating mga kababayan.

Ngunit magagawa lang natin ito kung patuloy tayong nagtutulungan. Mahalaga ang pakikipag-ugnayan ng ating pamahalaan sa LGUs upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan.

Katulad kanina, bilang suporta ng national government sa Baseco Hospital, nag-abot kami ng 15 milyong piso. [palakpakan] Umaasa kaming magagamit ito sa pagpapaganda pa ng ospital. At nabanggit sa akin ni Yorme ay sabi niya ito ‘yung katumbas nito ay one year supply ng mga gamot. [palakpakan] So at the very least one year tayong hindi na mag-aalala sa suplay ng gamot.

Bibisitahin din natin mamaya ang Ospital – ito nandito tayo sa Ospital ng Maynila Medical Center. Noong nakaraang Setyembre, naitala ng OMMC ang pinakamaraming first-patient encounter o bilang ng mga pasyenteng unang nakapag-konsulta sa ilalim ng ating YAKAP program. Congratulations. [palakpakan]

Patuloy tayong magtatrabaho at ito ay patunay na malayo ang naaabot ng ating serbisyo kung mayroong koordinasyon ang pambansang pamahalaan, ang LGU, iba’t ibang ahensya ng mga gobyerno, mga NGO, at siyempre ang taong-bayan.

Sa puntong ito, nananawagan ako sa ating mga kababayan: Samantalahin ninyo ang mga programang ito upang mapangalagaan ang inyong mga sarili. Bukas po ang mga serbisyong ito para sa lahat—lalo na sa higit na nangangailangan.

Dahil ang kalusugan ninyo—patuloy nating tututukan.

Sama-sama po natin itaguyod ang isang Bagong Pilipinas kung saan ang bawat isa ay kayang mamuhay ng may seguridad, magtagumpay sa kanilang layunin, at makatulong sa pagpapaunlad ng ating minamahal na Pilipinas.

Maraming salamat po.

Mabuhay po ang Bagong Pilipinas! [palakpakan]

— END —