Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Paglulunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Skills Passport Mobile Application

Speeches 5 February 2026

Thank you to our TESDA secretary, Secretary Kiko Benitez.

The – [Oh, please take your seats.]

The DepEd secretary, Sonny Angara, and the other members of the Cabinet; our CHED chairperson, Chairperson Shirley Agrupis; and San Juan Lone District Representative Ysabel Maria Zamora and the honorable members of the House of Representatives; San Juan City Mayor Francis Javier Zamora; our TESDA educator – I brought my own podium para hindi ako – hindi ako nahirapan nag-ano – [laughter]

Our TESDA educators and learners; my fellow workers in government; distinguished guests; ladies and gentlemen, good afternoon.

Ngayon ay inilulunsad natin ang isa na namang reporma upang mas mapadali ang serbisyo para sa ating mga kababayan.

Ito ngayon ang TESDA Skills Passport Mobile Application. Isang hakbang ng pamahalaan upang mas mapalapit ang kasanayan at oportunidad sa bawat Pilipino.

Sa panahon ngayon, hindi na talaga mahihiwalay ang teknolohiya sa ating mga buhay. Halos lahat, konektado sa internet. Halos lahat may access at gamit ang cellphone.

Pag-aaral, pakikipag-usap, pati trabaho, digital na rin.

Kaya’t gagamitin natin ang teknolohiya at ang pagkakataong ito upang makasabay sa takbo ng panahon at mapalawak ang oportunidad para sa ating mga kababayan.

Likas namang masipag at maabilidad ang manggagawang Pilipino. Ang kailangan lamang ay mas maraming oportunidad upang magamit ang kanilang galing at pagsisikap.

Ang edukasyon at pagsasanay ang puhunan natin para sa isang maunlad na kinabukasan. Kaya todo-buhos ang aking Administrasyon ng pondo at suporta para sa edukasyon. Lagpas sa isang trilyong piso ang inilaan natin para sa edukasyon ngayong taon. [palakpakan]

Patuloy rin natin pinagtitibay ang suporta sa kasanayan at sa pagsasanay.

Sa taong 2026, halos dalawampung bilyong piso ang inilaan na pondo para sa TESDA. [palakpakan]

Ito ang pinakamalaking budget na kanilang natanggap—upang mapalawak naman natin ang mga programa sa scholarships at saka mga skills training.

Ngunit, bukod pa sa pagpaparami ng mga training at scholarship, lalo pa nating pinapadali at pinapalapit ang mga oportunidad sa ating mga kababayan.

Sa pamamagitan ng TESDA Skills Passport Mobile Application, may all-in-one na digital platform na tayo.

Dito makikita ninyo ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa TESDA trainees, scholarship, employment opportunities, TESDA-accredited training institution, at TESDA online training courses.

Mayroon din itong function na tumutulong sa mga gumagamit na planuhin ang kanilang mga pagsasanay.

Para sa ating TESDA scholar, mayroon kayong sariling digital storage kung saan mapapatunayan ang inyong National Certificate at mga training.

Tinanong ko nga kay Sec. Kiko kung papaano ang kung ako’y

employer, papaano ako nakakasiguro na ‘yung mga ipapaki – ipinapakita na sinabing dinaanang training ay totoo – ay ‘yon lahat – lahat ng impormasyon dito nag – ginamit na natin ang blockchain para maliwanag na maganda at totoo lahat ng impormasyon na inyong binibigay.

Mas mapapadali rin ang pag-aaral online, pati ang pag-a-apply sa mga scholarship sa pamamagitan lamang ng iisang aplikasyon.

Bukod dito, mayroon ding online AI assistant na handang tumugon sa inyong mga katanungan anumang oras.

At bilang TESDA certified, magkakaroon kayo ng access sa mga serbisyong mag-uugnay sa inyo sa mga oportunidad sa trabaho.

Maaari rin itong ituring bilang isang job portal site.

Ikokonekta rin nito ang mga estudyante, graduate, manggagawa, at ang industry representative mula sa lahat ng rehiyon ng bansa.

Ang TESDA Skills Passport Mobile App ay isang maaasahang digit – maasahan na magagamit natin sa digital space.

Maliban sa pagtiyak ng integridad at kredibilidad ng mga credentials ng bawat user, protektado pa ito at ang personal na impormasyon.

Mga kababayan, asahan ninyo na kami sa pamahalaan ay hindi titigil sa trabaho upang tulungan na kayo ay guminhawa ang inyong mga buhay.

Patuloy naming sisiguruhin na may sapat na pondo ang edukasyon.

Palalakasin din namin ang pagsulong ng skills development ng bawat mamamayang Pilipino.

Kaya sa ating mga kabataan, TESDA scholar, at sa lahat ng gustong matuto ng mga panibagong mga skills, inaanyayahan ko kayo subukan at gamitin ang TESDA Skills Passport Mobile App.

Nawa’y magsilbi itong tulay para sa mas masagana at mas maginhawang bukas.

Sabay-sabay po tayong kumilos para sa Bagong Pilipinas kung saan ang bawat Pilipino ay may kaalaman, may kakayahan, at may kabuhayan.

Maraming salamat.

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

[palakpakan]

— END —