Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Pagkakaloob ng CHED UNIFAST Scholarship at Opisyal na Paglunsad ng E-CAV

Speeches 12 September 2025

Thank you to our Commissioner on Higher Education or our Chairperson to the – on Commission on Higher Education, Chairperson Shirley Agrupis. [Oh, please take your seats.]

Pasay City Lone District Representative Antonino Calixto; Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano; the officials and the staff of the Commission on Higher Education; the officials and the staff of the state universities and colleges; to our CHED UniFAST Scholarship recipients; my fellow workers in government; other distinguished guests; ladies and gentlemen.

Magandang araw po sa inyong lahat. [palakpakan]

Edukasyon ang isa sa pinakamahalagang susi tungo sa isang mas magandang kinabukasan. Ngunit, marami pa rin sa ating mga kababayan ay hindi ito nakakamit.

Batid ko ang bigat ng pasanin ng bawat pamilyang Pilipino.

Karamihan sa mga mga magulang, kailangan magdesisyon kung saan ilalaan ang kanilang maliliit na kita. Sa pagkain ba, sa gamot, sa matrikula?

Kung maraming anak na pinapaaral, kailangan magpasya kung sino ang patatapusin at sino ang pahihintuin.

Hindi na dapat dumating sa punto na kailangang pumili ang ating mga magulang. Walang kabataan din ang dapat maapektuhan ang pag-aaral dahil sa kahirapan.

Kaya naman, gumagawa tayo ng mga hakbang upang maipagpatuloy ng estudyante ang kanilang pag-aaral.

Dahil ang pananaw ko po rito ay ito po ang edukasyon po ay hindi po pribilehiyo; ito po ay karapatan ng bawat mamamayang Pilipino. [palakpakan]

Sa ngayon, nagbibigay ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education o ‘yung tinatawag na UniFAST ng full o partial tuition at school fee assistance sa mga kwalipikadong estudyante sa state at CHED-recognized local universities and colleges sa buong bansa.

Dahil dito, milyon-milyong pamilya ang natutulungan at nabibigyan ng ginhawa. Hindi na nila kailangan sagutin ang halaga ng tuition. Mababawasan ang pangamba ng mga magulang at mas malaya nang makapag-aral ang ating mga estudyante.

At para naman sa mga estudyanteng nangangailangan ng dagdag suporta, mayroon na tayong Tertiary Education Subsidy.

Sa ilalim nito, makakatanggap sila ng hindi bababa sa P20,000 bawat taon para sa kanilang matrikula, pamasahe, libro, pagkain, at iba pa.

May dagdag pang P5,000 na grant para sa mga persons with disability, at hanggang P8,000 na reimbursement para sa degree program na may licensure examination.

Bunga nito, inaasahan nating mas maraming mga estudyante ang mananatili sa paaralan at makakapagtapos ng kanilang pag-aaral. Gagaan din ang pasanin ng inyong mga magulang.

At magiging mas malakas ang ating mga komunidad dahil ang mga nagtatapos bilang guro, nars, inhinyero, ay magiging haligi ng ating pag-unlad.

Ito ang dahilan kaya nagsisikap tayo, itong Administrayon, na magkaroon ng college graduate ang bawat pamilyang Pilipino.

Sila ay nagbibigay ng kaalaman at talento upang itaguyod hindi lamang ang kanilang kinabukasan, kundi na rin pati ang kinabukasan ng ating bansa.

Ladies and gentlemen, our assistance to our students proves that the returns are immeasurable when the government invests in people. When we strengthen education, we also strengthen our workforce and we forge a better future for our economy, for our country.

Kaya ito ang aking direktiba: Palawakin pa natin ang saklaw ng UniFAST. [palakpakan]

Tiyakin natin na malinaw ang guidelines na naipapaalam ito sa mga magulang at mag-aaral bago pa magsimula ang pasukan. Paigtingin natin ang paglalabas ng tamang impormasyon at anunsyo upang hindi malinlang ang mga aplikante sa maling balita.

So, I now call on all state and local universities and colleges, private higher education institutions, local government, and our partners: continue to work with us.

I also call on Congress to help us strengthen UniFAST so that we can implement it fully as intended in the letter of that law. [palakpakan]

Kasabay ng pagpapatibay sa ating mga programang pang-edukasyon, pinapaigting din natin ang gamit ng teknolohiya.

Kaya ating inilulunsad ngayon ang Electronic Certification, Authentication, and Verification o eCAV System. Ito ay isang digital platform kung saan mas mabilis, mas madali nang makukuha ng aplikante ang kaniyang academic records gaya ng diploma, transcript [of records], at iba pang mga certificate.

Ibig sabihin, hindi na kailangang bumiyahe nang malayo pa. Sa pamamagitan ng eGovPH Super App, maaari nang makakuha [ang] estudyante o bagong graduate ng academic credential para sa kanilang job application.

We will continue to build our competitiveness through education and ensure that Filipinos can compete with the best in the world.

So, let us strengthen both the eCAV and UniFAST as pillars of inclusive and modern education here in the Philippines.

Naniniwala ako na sa bawat batang natututo, may pamilyang umaangat. Sa bawat pamilyang umaangat, mas nagiging matibay ang ating ekonomiya, at sa ganoong paraan, nagiging mas matibay ang Bagong Pilipinas.

Maraming, maraming salamat. Mabuhay kayong lahat. [palakpakan]

— END —