Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Paggunita ng Araw ng mga Bayani
Thank you to our National Defense Secretary, Secretary Gilbert Teodoro. [Please be seated.]
The Executive Secretary, Secretary Luc Bersamin and the members of the Cabinet here present; His Excellency, the Most Reverend Charles Brown and the most esteemed members of the Diplomatic Corps; honorable members of Congress; National Historical Commission of the Philippines Chairperson Regalado Jose Jr.; Taguig City Mayor Maria Laarni Cayetano; and the heads of all the different services; and the Philippine National Police Chief Nic Torre; Philippine Coast Guard Commandant Ronnie Gil Gavan; the Philippine Army Commanding General Antonio G. Nafarrete and other Major Service Commanders; fellow workers in the government; and our beloved veterans; ladies and gentlemen; distinguished guests.
Magandang araw po sa inyong lahat!
Noong taong 1898, ipinagpalit ng isang ginang na guro mula Iloilo ang simpleng buhay upang ipaglaban ang kalayaan ng bansang Pilipinas. Siya si Teresa Magbanua o Nanay Isa, ang tinaguriang Visayan Joan of Arc.
Sa kabila ng kanyang pribilehiyong makakuha ng mataas na edukasyon at maging maestra, mas pinili niyang itaguyod ang mga karapatan ng bawat Pilipino.
Sa gitna ng panganib at sa bawat pagsubok, hindi siya sumuko. At hanggang sa kanyang pagtanda, patuloy siyang naging sandigan ng mga sundalo at gerilyang lumaban para sa bayan.
Isa lamang siya sa libo-libong Pilipino na nagbuwis ng buhay, seguridad, at kabuhayan para sa kalayaang ating tinatamasa.
Ngayong Araw ng mga Bayani, binibigyang-pugay natin ang mga Pilipinong hindi naisulat ang pangalan sa mga pahina ng kasaysayan ngunit naging mitsa at apoy na bumuhay sa ating kasarinlan.
Kinikilala rin natin ang mga Pilipinong tapat na naglilingkod, nagmamalasakit, at nagmamahal sa bansa.
Sila ang nagsisilbing paalala sa ating lahat na ang kabayanihan ay nananalaytay pa rin sa ugat ng bawat isa sa atin.
Likas na sa Pilipino ang pagiging tapat, ang paglilingkod, at ang pakikipag-kapwa. Nakikita natin ito sa ating mga magsasaka, mga mangingisda, mga guro, healthcare worker, ating mga manggagawa.
Ang kanilang araw-araw na paglilingkod sa kabila ng mga hamon ay patunay na buhay pa rin ang diwa ng kabayanihan.
Para sa bayan. Sa tuwing may ginagawa tayong hindi para sa ating sarili kundi para sa ikabubuti ng ating kapwa Pilipino, ito ang sinasambit natin.
Kahit minsan, ginagawa nating biro, ngunit masarap sambitin—para sa bayan.
Gayunpaman, may iilan pa rin sa atin ay mas pinipili ang sariling interes at kapakanan kaysa sa bayan at sa kapwa Pilipino.
Kasabay ng paglipas ng panahon ay ang pagsibol ng mga bagong hamon na kailangan nating harapin.
Hindi lang pagpapalakas ng ating depensa ang kailangan nating tutukan upang maalagaan ang ating kalayaan. Kailangan din nating labanan ang banta ng katiwalian at pang-aabuso ng kapangyarihan sa ating lipunan.
Dahil hindi lamang salapi ang kanilang ninanakaw, kundi pati ang kalusugan, pangarap, at kinabukasan ng mga susunod na henerasyon na Pilipino.
Kaya’t hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang maliliit na panlilinlang. Sapagkat kung paulit-ulit ito ay pinapalampas natin, unti-unti nitong sinisira ang ating lipunan nang hindi natin namamalayan.
Bilang Pilipino, may pananagutan tayo sa ating bansa na maging mas mapanuri sa mga mali, na isiwalat ang panloloko, at panindigan ang alam nating tama, kahit hindi ito madali.
Ito rin ay pagkakataon upang gisingin ang kamalayan ng kabataan tungkol sa kanilang tungkulin sa bayan.
Gabayan natin sila upang maging mas mapanuri sila sa mga suliranin sa ating lipunan.
Kung hindi natin maihahanda ang kabataan sa pagtatanggol sa ating kalayaan, ipinagkakanulo natin hindi lamang ang sakripisyo ng ating mga bayani, kundi pati na rin ang kinabukasan ng ating bansa.
At sa hangaring ito, ito ang pangako ng inyong pamahalaan: Hindi namin kayo iiwan.
Pananagutin namin ang lahat ng sangkot sa anomalya at katiwalian. Ilalabas natin ang buo at pawang katotohanan. At titiyakin nating hindi na mauulit ang kawalan ng respeto at malasakit sa taumbayan.
Kaya’t magtulong-tulong tayo upang labanan ang korapsyon. Labanan ang pang-aabuso sa tungkulin. Labanan ang pagyurak sa ating karapatan.
Sapagkat ito lamang ang paraan upang matamasa natin ang mas maunlad, mas makatarungan, at mas matatag na Bagong Pilipinas.
Mabuhay ang ating mga bayani!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Maraming, maraming salamat po. [palakpakan]