Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr sa Pagbisita/Pag-aani ng Palay sa Candaba, Pampanga

Speeches 3 February 2024

Maraming salamat sa ating Kalihim ng Department of Agriculture, ang ating Secretary, Secretary Kiko Laurel.

Andito rin po ang ating Kongresista, Pampanga 4th District Representative Anna York Bondoc;

Ang mayor ng Candaba, Mayor Rene Estacio Maglanque, na nagpapakita ng picture matagal na pala kaming magkakakilala. Pero hindi na tayo nakikilala sa picture na ‘yan. Tumanda na tayo pareho.

Ang ating mga nagsasaka, at ang ating mga kasamahan sa pamahalaan, at lahat ng bisita na dumating ngayon, magandang umaga po sa inyong lahat.

Nagtitipon-tipon po tayo ngayong araw dito sa Candaba, Pampanga upang makiisa sa pag-aani ng palay.

Inaasahan natin na ang okasyong ito ay magsisilbing hudyat sa patuloy na paglago hindi lamang ng industriya ng palay kundi maging sa buong sektor ng agrikultura sa susunod na mga buwan.

Nais kong ibahagi sa inyo ang kahanga-hangang tagumpay ng ating sektor ng agrikultura noong nakaraang taon.

Dahil sa ating sama-samang pagsisikap, nagtamo tayo ng tala ng ani noong 2023 na umabot sa mahigit 20 milyong metric ton ng palay. [Applause]

Ito ay nagpapakita ng 1.5%, isa’t kalahating porsyento, na pagtaas mula sa nakaraang taon o dagdag na mahigit na 300,000 tonelada ng palay ang naidagdag sa nakaraang taon.

Ang pamamahagi ng mas magandang uri ng binhi at pagbibigay ng malawakang suporta sa pataba ay siyang nagbunga ng positibong resulta na ito. [Applause]

[Sumasalamin] ito sa walang sawang dedikasyon ng ating mga magsasaka at sa matagumpay na pagpapaganap ng mga programa ng Kagawaran ng Pagsasaka.

Ngunit, habang tayo ay nagdiriwang ng ating tagumpay, mahalaga rin na kilalanin natin ang mga hamon na ating haharapin.

Andiyan po ang El Niño na kasalukuyang nagdudulot ng malawakang pinsala at perwisyo sa ating mga pananim at sa ating mga magsasaka. Inaasahan nating titindi pa hanggang sa susunod na buwan ng Pebrero.

Tinatayang aabot po ng hanggang Hunyo nitong taon at patuloy na magdudulot ng malaking banta sa sektor ng agrikultura sa nalalabing buwan ng 2024.

Gayunpaman, hindi tayo natatakot; sa halip, buong loob at lakas at sama-sama nating haharapin ang El Niño.

Noong kami ay papunta rito, napapag-usapan namin ni Secretary Laurel ang lahat ng…paano ‘yung mga bagong sistema.

Galing po kami sa Viet Nam at ang Viet Nam, napakalaki po ng ani. Doon po tayo bumibili ‘pag nag-iimport tayo. ‘Pag napipilitan tayong mag-import, karamihan ng importation natin galing sa Viet Nam. Kaya’t noon pumunta kami roon, nauna si Secretary Kiko at pinuntahan at inikot niya yung kanilang mga sakahan at para makita naman kung paano nila ginagawa na ganoon kalaki ang kanilang inaani.

Kaya’t noong  papunta kami dito ay napag-uusapan naming kung papaano dadagdagan ang patubig, hindi lamang dito sa Candaba sa Pampanga, kundi sa buong Pilipinas. Dahil alam naman natin kayong mga magsasaka, nauunawaan ninyo ito nang mabuti na basta’t bigas ang pinag-uusapan, basta’t palay ang pinag-uusapan, ang patubig ang talagang pampaganda para lahat ng lugar na three croppings na. Hindi lamang doon sa…’yung ga rain-fed ngayon two croppings lang. Dito mabuti may three croppings na kayo.

At ang sekreto talaga diyan, ang susi talaga diyan ay ‘yung patubig. Kaya, tintignan po naming ‘yun mga sistema na ginagawa at palagay ko susubukan natin ‘yung solar-powered irrigation.

Maglalagay po tayo ng solar tapos ‘yun ang gagamitin na kuryente para sa mga bomba. At ‘yun naman, tintignan naming ay makakatulong kaagad ito dahil ang iniimport natin siguro what 3.5? Mga 3.5 million tons sa bawat taon.

Kung mabuo mabuo itong aming pinaplano ay lalaki ang ani natin dahil ‘yung irrigation area, 180,000 hectares more or less ang madadagdagan sa irrigable land at makakapag-third cropping ay mga 1.2 million tons, pag nabuo na natin.

Ngunit, sisimulan pa lang natin. Ngunit ‘yan talaga ang sagot sa ating mga nagiging problema. Hindi lamang sa bagyo., hindi lamang sa mga El Niño, kung hindi pati na sa pag-transport ng ating mga ani.

At napag-uusapan din naming pati mga puerto para hindi na malayo ang pinupuntahan para makapag-transport ng inyong sinaka. Kaya’t ‘yan po ang aming pinaplano upang pagandahin pa ang sitwasyon natin sa sektor ng agrikultura.

Patuloy nating palakasin at pag-ibayuhin ang mga tulong para sa mga apektadong lugar at mamamayan.

Ilan sa mga hakbang na ginagawa natin ngayon ay ang paglikha ng mga binhing umaayon sa pabago-bagong klima, gayundin ang pagsasagawa ng climate risk assessments para sa mga nasalantang pamayanan.

Kayong magsasaka ramdam na ramdam ninyo ‘yung tinatawag na climate change. Kaya’t kailangan natin pag-aralin natin ng mabuti kung mayroon ibang mga variety na pinag-aaralan, baka maaaring gamitin kapag masyadong malakas…pagka nabagyo, kapag masyadong malakas ang ulan, kapag naman walang ulan ay umaasa sa ating irrigation.

Patuloy din nating isinusulong ang mga imprastrakturang magpapatatag sa ating mga sakahan sa panahon ng kalamidad.

Kasabay din nito ang pagbibigay sa mga mangingisda at magsasaka ng mga [paalala] at maagang babala upang maiwasan ang matinding pinsala sa mga pananim.

Ngayong taon, palalawakin din natin ang patubig para sa mga sakahan sa pamamagitan ng Philippine, ito ‘yung sinasabi ko, Philippine Solar- irrigation Project na mga Small-scale Irrigation Projects upang mapataas ang produksyon at kita ng ating mga magsasaka.

Ito po ‘yung bawat isang yunit ay makakapagpatubig ng dalawampung ektarya. [Applause]

Siguro mag-aano tayo ng, maglalagay tayo. Libu-libo itong aming pinaplano na ilalagay at iniisip nan ga naming kung papaano sa budget, kung saan kukunin. At lahat noong tinatawag na supply chain, kung saan ang dinadaanan—pag-inaani ninyo, isasakay niyo, pati ‘yung processing.

Nakita naman natin dito, ang ganda-ganda ng rice field Ninyo, pero wala kayong processing. Kaya’t Bulacan pa yata pinapadala, ano? Kaya’t ‘yun ang dapat nating unahin din, ang mechanization, para dito na kayo mag-processing. Ang pinagbibili na ninyo bigas na, hindi na palay. At nasa sainyo ‘yung kaunting kita ay maiiwan dito sa Candaba, maiiwan dito sa Pampanga. Hindi na mapupunta sa ibang lugar. [Applause]

Ganyan ang aming ginagawa dahil small-scale. Marami naman tayong mga halimbawa na Nakita sa iba’t ibang bansa na maaari nating gayahin na bagay naman sa Pilipinas. Ito ‘yung mga bagay-bagay na ‘yan.

At bukod pa rito, naglaan tayo ng tatlumpu’t-isang bilyong-piso sa ilalim ng National Rice Program para sa taong 2024 upang pag-ibayuhin ang ating mga programa tulad ng production support, extension services, research and development, at, siyempre, ‘yung irrigation network services.

Patuloy rin nating gagamitin ang pondo mula sa Rice [Competitiveness] Enhancement Fund upang palakasin ang hanay ng ating mga manggagawa at magsasaka.

Malaking bahagi ng pondong ito ay gagamitin sa pamamahagi ng makinarya tulad ng tillers, tractors, seeders, threshers, rice planters, reapers, driers, at marami pang iba.

Naglaan din tayo ng pondo para sa pagbibigay ng dagdag na puhunan para sa ating mga magsasaka. Ito ay pangangasiwaan ng Land Bank of the Philippines at ang DBP,  Development Bank of the Philippines.

At sa pangunguna naman ng PhilMech, PhilRice, Agricultural Training Institute, at TESDA, pagtitibayin natin ang kasanayan ng ating mga Pilipino sa modernong pagsasaka.

Sa aming palagay, sa mga hakbang na ito, naniniwala naman kami makakamit natin hindi lamang ang pag-angat ng antas ng buhay ng mga magsasaka, kundi pati na rin ang modernisasyon ng sektor ng agrikultura.

Sa ating mga minamahal na nagsasaka, ang inyong dedikasyon, sakripisyo, at sipag ay tunay na nagsisilbing inspirasyon sa ating lahat.

Ang inyong mga kamay—na masigasig na nagbubungkal ng lupang inyong sinasaka—ang siyang nagbibigay ng buhay at sigla sa ating sambayanan.

At ang bawat butil ng palay na inyong tinatanim ang siyang tutubo at magsisilbing haligi ng ating mas matatag at mas masaganang bukas.

Kaya’t asahan ninyo na sasamahan kayo ng ating pamahalaan sa inyong mga pagsisikap, nang makamit ninyo ang lahat ng inyong mga mithiin at mga pangarap.

Ang ating pagtutulungan na mapaunlad ang ating sektor ng agrikultura ay isa lamang sa mga pangunahing hakbang tungo sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas— kung saan walang nagugutom at ang lahat ay masigabong kumikilos para sa mas masaganang kinabukasan.

Mabuhay kayong mga magsasaka! [Applause]

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

Maraming salamat po. Magandang umaga po sa inyong lahat. [Applause]

–END–