Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa National Housing Expo 2025

Speeches 23 October 2025

Maraming, maraming salamat sa Kalihim ng DHSUD, ng Human Settlements and Urban Development, Secretary Jose Ramon Aliling sa iyong pagpakilala.

[Magsiupo po tayo.]

Andito po ang iba’t – mayroon po tayong mga kasama rito, nandito po si Secretary Benny Laguesma ng DOLE; nandito po ang mga iba’t ibang Kalihim ng mga iba’t ibang ahensya ng pamahalaan; the heads of the key shelter agencies that are here today para eh ma – mabuksan itong expo na ating ginawa – ng kauna-unahang expo – housing expo na suportado at sponsored ng pamahalaan ng Pilipinas, kaya po ito’y napakalaking bagay po para sa amin. [palakpakan]

Ang pinakamahalaga na kasama natin dito ngayon, ang mga benepisyaryo ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program; aking mga kasama sa pamahalaan; ating mga kaibigan, magandang umaga po sa inyong lahat.

Ngayong araw, muli nating pinagtitibay ang ating pangarap: na ang bawat pamilyang Pilipino na magkaroon ng ligtas, maayos, at sariling tahanan.

Ang pagkakaroon ng sariling bahay ay nananatiling mailap para sa marami nating kababayan.

May mga pamilyang taon nang nangungupahan, palipat-lipat ng tirahan, laging may pangamba na baka sila’y mapaalis sa kanilang tinitirahan.

May iba naman, siksikan na lang sa maliliit na kwarto, nagtitiis para lang may masilungan.

Kaya naman nagsusumikap ang pamahalaan na palawakin ang ating programa, pabilisin ang mga proseso, at palalimin ang suporta sa sektor ng pabahay.

Sa Housing Expo na ito, makikita natin ang bunga ng pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor, at ng mga tinatawag nating housing agency.

Handog dito ang iba’t ibang serbisyo mula sa pagpaplano ng disenyo ng bahay, financial assistance, hanggang sa pagproseso ng housing loan.

Mayroon din tayong programa na Green Lane upang makatulong na climate-resistance o handa sa anumang uri ng hamon ng panahon ang inyong mga tahanan.

Basta’t usaping pabahay, isa sa mga matatag at mapagkakatiwalaang katuwang natin ay ang Pag-IBIG. [palakpakan]

Ngayong taon lang – itong taon lamang, sa pamamagitan ng Pag-IBIG, mahigit limampu’t pitong libong miyembro ang nabigyan ng pagkakataon na makalipat sa sariling bahay o mapaayos ang kanilang tinitirahan. [palakpakan]

Kasabay nito – kasabay nito, halos pitumpu’t limang bilyong piso rin ang naipamahagi na cash loan. Nakatulong ito sa halos tatlong milyong miyembro para tugunan ang kanilang agarang pangangailangan.

Sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program o tinatawag nating 4PH Program, mas marami na ang nabibigyan ng tulong sa pabahay.

Sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund, maaari nang makakuha ng abot-kayang housing loan, kabilang na ang alok na tatlong porsyentong interest rate kada taon para sa mga kababayan nating maliit ang kita. [palakpakan]

Kasama rin ang ating mga mahal na OFW na puwedeng makinabang sa mababang interest ratena ito.

Puwede rin mag-apply ang mga benepisyaryo at graduate ng Pantawid Pamilyang Pilipino or 4Ps na program sa tulong ng ating Expanded 4PH.

Bilang bahagi ng selebrasyon ng National Shelter Month, magkakaloob tayo ng mga Notices of Approval.

Para sa mga pamilyang mula sa Los Baños, Laguna, Lucena City, Iloilo City, Caloocan City na pinagkalooban ng Certificates of Entitlement sa bisa ng isang Presidential Proclamation.

Sa wakas, pormal nang mapapasainyo ang mga lupang matagal na niyong tinitirahan—lupang tunay na maituturing na nasa inyo na.

Ilan lamang – ilan lamang ito sa mga patunay na ang pangarap, basta’t sinamahan ng tiyaga at may suporta mula sa pamahalaan, sa pribadong sektor, lahat ng sektor ng ating lipunan ay kayang maging reyalidad.

Kaya’t maraming salamat sa ating mga katuwang mula sa pribadong sektor, ating mga developer, financial institution, at sa buong sektor ng pabahay. [palakpakan]

Nawa’y lalo pa nating patatagin ang ating paglilingkod upang mas marami pa tayong mga kababayang Pilipino na matutulungan.

Mga kababayan, ang bahay ay hindi lamang istruktura. Sa tahanan unang nahuhubog ang pagkatao, umuusbong ang pag-ibig, at binubuo ang mga pangarap.

Kaya’t hangga’t may mga Pilipinong nagnanais ng sariling tahanan, hindi po titigil ang pamahalaan sa aming pagkilos.

Walang hihinto sa trabaho. Walang maiiwanan sa Bagong Pilipinas. [palakpakan]

Sa pagtutulungan natin, mas mapapabilis ang pagdating ng araw na ang bawat Pilipino ay may sariling tahanang mamahalin at maipagmamalaki.

Maraming salamat. Mabuhay po kayong lahat!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [palakpakan]

— END —