Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Inagurasyon ng Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project (SRIP)

Speeches 22 June 2026

Maraming salamat sa ating NIA Administrator, Administrator Eddie Guillen.

[Please sit down.]

Bohol First District Representative, Representative Geesnell Yap; Bohol Provincial Governor Erico Aristotle Aumentado; Mabini Municipal Mayor Ongie Grace Bernales-Lim; Alicia Municipal Mayor Marciano “Junjun” Ayuban; and other local chief executives present today; sa ating mga benepisyaryong magsasaka; mga kapwa kong lingkod-bayan; mga minamahal kong kababayan, maayong buntag sa inyo tanan!

Nagpapasalamat po kami sa inyong mainit na pagtanggap sa amin dito sa Bohol.

Sa tuwing ako’y bumabalik dito, lagi akong namamangha sa likas na yaman na taglay ng inyong probinsya. Bukod pa riyan, labis din akong humahanga sa walang kapantay na sipag ng ating mga magsasaka.

Tungkulin namin sa pamahalaan na pantayan ang sipag ninyo. Kaya’t gumagawa kami ng mga pasilidad at nagbibigay ng mga kagamitan upang matiyak na hindi masasayang ang inyong pagod at ang inyong sakripisyo.

Kaya’t ngayong araw, ating ipinagdiriwang ang pagpapasinaya ng Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project dito sa Bohol.

Ito ay isa sa ating mga mahahalagang hakbang upang tulungan ang mga magsasakang matagal nang umaasa – umaasa lamang sa ulan upang [mapalago] ang kanilang mga pananim.

Kapag pabago-bago ang panahon, matagal ang tagtuyot, o kulang ang ulan, kayo ang naapektuhan. At higit pa rito, mas pinalala pa ng pagbabago ng klima ang kanilang – ang inyong mga panganib at pangamba.

Ayon sa ating datos, malaki ang posibilidad na makakaranas ang bansa ng matinding El Niño na maaaring tumagal hanggang sa susunod pa na taon, 2027.

Kaya’t sa ilalim ng Administrasyon, ating itinaguyod ang mga SRIP—mga small – small irrigation project na ganito. Kabilang nito sa Mabini–Cayacay upang mapataas ang kita ng ating mga magsasaka at maging mas matatag naman ang laban sa sakuna.

Halos dalawang taon na ang nakalipas mula nang magpunta ako sa Bohol upang maghatid ng tulong sa ating mga magsasaka at mga mangingisda.

Sa aking talumpati noon, ibinahagi kong malapit na matapos ang Mabini-Cayacay at na – Irrigation Project. Ang aking muling pagbisita ngayon ay patunay sa ating pangakong natupad sapagkat natapos na rin natin itong Mabini–Cayacay SRIP noong nakaraang Nobyembre.

Sa pamamagitan ng proyektong ito, masusuportahan ang irigasyon sa 530 ektarya na sakahan sa limang barangay sa Mabini at Alicia dito sa Bohol.

Dahil sa sapat na suplay ng tubig, inaasahan nating tataas ang ani, lalo na ng palay at mga high-value vegetable crop. Dagdag pa diyan, mula sa dalawang beses sa isang taon na pagtatanim, puwede nang magtanim ang ating mga magsasaka nang three – tatlong planting sa isang taon.

Sa kabuuan, mapapakinabangan ito ng higit na 700 magsasaka mula sa Mabini–Cayacay Irrigators’ Association at tiyak na makakatulong ito sa lokal na suplay ng pagkain.

Kasabay nito, mababawasan ang kanilang pangamba sa epekto ng El Niño, sapagkat may maaasahang pagkukunan ng tubig para sa mga pananim.

Kaisa ang National Irrigation Administration, patuloy ang pagpapatupad ng mga patubig na proyekto upang maisulong ang agrikultura sa Bohol.

Nariyan ang Bonot-Bonot na irrigation project sa Buenavista na higit 84 na porsyento na ang natapos at ang Hibale irrigation project sa Danao na nasa 44 porsyento na ang naisagawa.

At ipinapatupad din natin ang Molinao Dam Improvement Project sa Pilar; ang Catungawan irrigation project sa Guindulman; at ang Mandaug irrigation project sa Calape.

Sa tulong ng mga proyektong ito, inaahasan nating mabibigyan ng serbisyong patubig ang libo-libong ektarya ng sakahan at matutulungan ang higit sa 2,400 na magsasaka.

Ipi – papunta kami rito, nag-uusap kami ni Gov., eh ipinangako ngayon ni Administrator Guillen na ‘yung Bonot-Bonot, kailan matapos? Ha? Ah, tatlong buwan? Apat na buwan?

Oh sige, narinig niyo lahat ‘yan ah? ‘Pag hindi natapos ng tatlo, apat na buwan, tawagan – tatawagan natin lahat si Admin Eddie.

Bilang tugon sa banta ng El Niño, pinayuhan na natin ang ilang magsasaka na magtanim ng high-value commercial crop gaya ng pakwan, ng luya, ube, mani, at talong—imbes na palay na nangangailangan ng mas maraming tubig.

Kasabay nito, patuloy ang paglalaganap ng mahalagang impormasyon na –sa pangangalaga sa ating mga pasilidad ng irigasyon.

Higit sa lahat, itinataguyod natin ang makabagong pamamaraan sa pagsasaka na angkop sa klima—gaya ng paggamit ng solar pump at water reuse o recycling sa mga lugar na madalas maapektuhan ng tagtuyot.

Hindi maisasakatuparan ang lahat ng ito kung wala ang tulong ng ating mga magsasaka.

Kayo ang nagbibigay-buhay sa ating mga pananim. Higit pa riyan, kayo ang nagbibigay-sigla sa bawat pamilyang Pilipino.

Sama-sama nating itatag ang isang mas masagana, mayabong, at maunlad na Bagong Pilipinas para sa lahat.

Mabuhay ang ating mga magsasaka!

Daghang salamat kaayo.

Thank you very much.

Magandang umaga po.

[palakpakan]

— END —