Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Inagurasyon ng Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project

Speeches 23 July 2026

Maraming salamat sa ating NIA Administrator, Administrator Eddie Guillen.

[Magsiupo po tayo.

Ang Palawan 3rd District Representative, Representative Gil Acosta; ang Pinoy Workers Partylist Representative Karl Josef Legazpi; Aborlan Municipal Mayor Lito Tito; ating mga benepisyaryo mula sa sektor ng agrikultura; ang mga minamahal nating mga magsasaka; ating mga kasama sa lingkod-bayan; mga ginang at ginoo.

Magandang umaga po. Naimbag nga bigat kadakayo amin. [palakpakan

Tuwing napupunta ako sa Palawan, lagi akong napapahanga sa tunay na ganda at yaman ng ating minamahal na Pilipinas.

Dahil dito sa inyong lalawigan ang ilan sa pinaka-magagandang dagat, kabundukan, at lupain na ipinagmamalaki natin at kinikilala na sa buong mundo

Kabilang dito ‘yung Underground River sa Puerto Princesa, gayundin ang mga sikat na isla sa El Nido at sa Coron.

At higit sa likas na yaman, ipinagmamalaki natin ang sipag at tiyaga ng mga taong nagbibigay-buhay sa lupa at sakahan, gaya ng ating mga magsasaka na kasama natin ngayon upang pasinayaan ang pagbukas ng Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project.

Isa itong proyekto na matagal ninyong hinintay at bunga ng ating pagtutulungan.

Sa panahon ngayon, lalo na sa gitna ng tagtuyot o El Niño, hindi na puwedeng umasa lang tayo sa pagdating ng ulan dahil nagbabago pati ang panahon. Dati alam na natin kung kailan darating ‘yung ulan, kailan titigil, kung kailan dadaan ‘yung bagyo.

Dahil nga ‘yung naririnig natin at nababalitaan nating climate change, pabago-bago. Hanggang Disyembre nagbabagyo na ngayon. Kung minsan ‘yung tagtuyot nagsisimula Enero pa. Kaya talagang kailangan na kailangan ang mga irrigation project na ito

At para naman hindi pabago-bago ang ating ani, hindi pabago-bago ang kita, at may seguridad ang bawat pamilyang umaasa sa pagsasaka.

Kaya naman, mahalagang maihatid ang tubig sa mga bukirin upang patatagin ang kabuhayan ng ating mga magsasaka. Iyan ang layunin ng proyektong ito.

Isa na rito ang Ibato-Iraan SRIP. Ito ang pinakamalaking irrigation project dito sa Palawan at ang kauna-unahang reservoir-type irrigation system sa buong isla. [palakpakan]

Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng sapat at maaasahang suplay ng tubig sa buong taon para sa mahigit isang libong ektarya ng lupang sakahan dito sa Aborlan.

Nasa mahigit 420 farmer beneficiaries ang direktang makikinabang sa proyektong ito. Nandito ‘yung ating mga namumuno ng mga association at saka mga cooperatives. At kayo ang mag-aalaga dito at kayo ang magpapatakbo para mabigyan natin ang ating mga magsasaka ng sapat na tubig kahit na hindi pa dumadating ang ulan.

Inaasahan natin ang mas maraming sako ng bigas, mas masaganang ani ng gulay, at mas malaking kita para sa ating mga magsasaka.

Higit pa sa mga ito, hatid din ng proyekto ang kapanatagan ng loob, kasiguruhan sa patubig, at pag-asa sa mas magandang kinabukasan para sa bawat pamilyang umaasa sa sakahan.

Hangad natin na magamit ang reservoir nang pangmatagalan.

Layunin din nitong gawing mas panatag ang inyong loob sa bawat panahon ng taniman—tag-ulan man o tagtuyot.

At hindi dito natatapos ang ating mga hakbang.

Kasabay ng pagpapalawak ng mga irrigation projects sa buong bansa, ginawa din nating mas moderno ang ating mga sistema sa pagsasaka.

Dito sa Palawan, nagpapatayo tayo ng mga solar-powered pumps na gumagamit ng AI – ‘yung tinatawag na artificial intelligence – AI-satellite assisted monitoring at fertigation system.

Ito po ang mga sistema – tinitingnan po ng satellite na lumilipad sa taas at kinukunan at sinasabi sa atin kung saan ‘yung… Kung titingnan, kinukunan ‘yung sakahan, sasabihin sa isang lote, sa isang area, mapapakita dito tuyo, dito kailangan dagdagan ng fertilizer, dito kailangan bawasan ng fertilizer, dito pahingahin muna. Iyan ay nakakatulong po ‘yan.

Ang ating mga solar-powered na pump, na bomba para sa irrigation ay bomba pa rin kagaya ng ginagamit natin noon ngunit solar-powered na. Kaya wala na hindi na kailangan ng kurudo, hindi niyo na kailangan alalahanin kung saan kayo kukuha ng pampatakbo ng inyong mga bomba dahil sa araw kinukuha ang kuryente para patakbuhin ang mga solar pump na ‘yan.

Kaya inaasahan ko ang matatag na pagtutulungan ng NIA at ng Ibato-Iraan Farmers Irrigators Association.

Alagaan, ingatan, at paunlarin natin ang imprastrukturang ito.

Kayo po ang kasangga namin sa pagpapanatili at pagtatagumpay nitong proyektong ito.

Makakaasa po kayo na katuwang ninyo ang pamahalaan sa pag-aayos ng mga sistema, at kayong mga magsasaka ang nagbibigay-buhay dito.

Maraming, maraming salamat sa inyong lahat.

Mabuhay ang ating mga magsasaka.

Mabuhay ang Palawan.

Mabuhay ang Bagong Pilipinas. [palakpakan]

— END —