Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Inagurasyon ng Antique Airport Development Project
Maraming salamat sa ating Transportation Acting secretary, Secretary Giovanni Lopez.
[Please take your seats.]
Ang – the Civil Aviation Authority of the Philippines Director-General, Director-General Raul Del Rosario; Senator Loren Legarda, of course, who has been the driving force behind this for over ten years. So, congratulations to your success.
Antique Provincial Governor Paolo Javier; Antique Lone District Representative Antonio Legarda, Jr.; San Jose de Buenavista Municipal Mayor Paul Joseph Untaran and the other municipal mayors who are here present; fellow workers in government; distinguished guests; ladies and gentlemen, magandang araw po sa inyong lahat.
Maraming-maraming salamat sa mainit na pagtanggap ninyo sa akin dito sa Antique.
Napakapalad po ninyo dito sa Antique dahil nabiyayaan kayo ng magandang tanawin at masarap na pagkain. Kaya naman po, hangarin ng ating Administrasyon ang pagbubuti ng kalidad ng transportasyon sa inyong probinsya nang marami pang mga kababayan natin at mga turista ang makapagpunta rito.
Batid natin ang pagod, hirap, at abalang nararanasan araw-araw ng bawat biyahero—residente man o turista—sa paglalakbay sa ating bansa.
Madalas, nauubos ang oras, pera, minsan pati na ‘yung pasensya, bago makarating sa pupuntahan. Kaya naman, nagsisikap tayong maitaguyod ang isang bansa kung saan ang paglalakbay ay mas mabilis, maginhawa, at magaan para sa bawat mamamayan.
Upang maisulong ang pangarap na ito, isinagawa natin ang Antique Airport Development Project na magpapabilis sa pagtungo sa Antique at sa iba pang mga lugar sa Western Visayas.
Patunay ito ng ating pagsisikap na makapaghatid ng serbisyong abot-kamay: malinaw, praktikal, at kapaki-pakinabang sa ating mga kababayan.
Ngayong araw, binubuksan natin ang bagong Passenger Terminal Building. Dito, mas maayos ang check-in, mas komportable ang pag-antay, at mas kumpleto ang mga inaalok na serbisyo para sa mga nagbibiyahe.
Itinayo naman natin ang air traffic control tower, apron, taxiway, at administrative building upang maparami ang mabibigyan ng serbisyo ng paliparan.
Sa tulong ng bagong fire station, power house, matitiyak din natin na tuloy-tuloy ang mga operasyon lalo na sa oras ng pangangailangan.
Inaasahan nating malaking ginhawa ang mga ito para sa ating mga biyahero–turista, manggagawa, negosyante, o pamilya.
Bahagi ang Antique Airport Development Project sa mas malawak na modernisasyon para sa buong Western Visayas.
Sa Iloilo International Airport, kasalukuyan nating inaayos ang Passenger Terminal Building, pinapalitan ang dalawang escalator, at pinapaganda ang baggage handling system. Sisimulan na rin natin ang pag-aspalto ng runway upang maging mas ligtas ang buong paliparan.
Sa Roxas Airport naman, sinimulan natin ang pag-aaspalto ng runway noong Oktubre noong nakaraang taon, at uumpisahan na rin natin ang konstruksyon ng control tower ngayong taon.
Marami po kaming ginagawang proyekto para sa inyong rehiyon at sa ating bansa. Nawa po, lahat ng ito ay magdulot ng pangmatagalang pakinabang sa taumbayan.
Umaasa ako na pananatilihin ng DOTr at CAAP ang kalinisan, kaayusan, at organisasyon ng mga pasilidad na ito.
Mayroon pang isang napakahalagang bagay na ibinulong sa atin ng ating secretary na tungkol sa naging costs, kung gaano kalaki ang ibinayad para dito sa terminal na ito. At ang sinabi sa akin, this – the total cost for all of – all of the improvements and the construction was 120 million pesos.
That is – noong sinabi sa akin, medyo nagulat ako, at sabi ko napakamura.
‘Yung tower pa lang, 42 million, 42 million lamang ang ginastos.
Ito ay isang magandang halimbawa na kung saan kung tama ang pinaglalagyan ng pera ng tao, makikita natin, napakarami na kaya nating gawin, mas mabilis, mas mura, at mas maganda. [palakpakan]
Gawin ninyo itong pamantayan para sa ating serbisyo sa mga residente at sa ating mga turista. Tiyakin natin naisasagawa nang maayos ang mga proyekto upang mas mabilis itong mapakinabangan ng ating mga mamamayan.
Sama-sama, itaguyod natin ang isang Bagong Pilipinas kung saan maginhawa ang pamumuhay, maunlad ang pamayanan, at matatag ang ating bayan.
Maraming-maraming salamat po!
Magandang umaga po sa inyong lahat.
[palakpakan]
— END —