Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Inagurasyon at Pagkakaloob ng House and Lot Units sa St. Barts Southville Heights
Maraming, maraming salamat sa kalihim ng ating DSHUD, Secretary Jose Ramon Aliling. [palakpakan]
Magsiupo po tayo dahil mahaba-haba po itong speech ko. Pero magpapakain daw si Secretary Aliling pagka natapos na bago – panghapunan ninyo.
Nandito rin po kasama po din natin Laguna 3rd District Representative Loreto Amante; the Laguna Governor Marisol Castillo Aragones-Sampelo; San Pablo City Mayor Arcadio Gapangada Jr.; National Housing Authority General Manager Joeben Tai; ating mga masisipag at magigiting na local government officials; at ang pinakamahalaga na nandito ngayon ang mga benepisyaryo ng ating housing project na ating binuksan ngayong araw; mga kapwa kong manggagawa sa pamahalaan; mga minamahal kong kababayan.
Magandang araw po sa inyong lahat! [palakpakan]
Talaga po kahit medyo maulap nang kaunti napakaganda pa rin po ng araw na ito dahil kasama nang pagbubukas ng mga pintuan sa bagong tahanan ay ang bagong pag-asa para sa napakaraming pamilya.
Sa inyong bahay, may ligtas kayong masisilungan at tahanang mapupuno ng masayang alaala.
Kasama ang DOTr, NHA, at lokal na pamahalaan ng Lungsod ng San Pablo, matagumpay nating naipatayo ang St. Barts Southville Heights Housing Project. [palakpakan]
Sabi ko nga kanila “St. Barts”, napakasosyal pala nung pangalan, kasi pala Barangay San Bartolome ito. [tawanan] Para ano para – ‘yung St. Barts sikat na lugar ‘yan eh. Kaya’t pagagandahin natin itong lugar na ito kagaya nung St. Barts na kinikilala sa buong mundo. [palakpakan]
Bahagi ito ng mas malawak na programa ng gobyerno na magtayo ng bagong tahanan para sa mga pamilya na naapektuhan ng Philippine National Railways South Long Haul Project.
Ang proyektong ito ay may mahigit isang libong housing units – 1099, tama ba? Oo, 1,099.
Ang mga benepisyaryo ng proyektong ito ay mga informal settlers na dating nakatira sa kahabaan ng riles ng tren.
At ngayon, masaya nating ipinagdiriwang na may mas ligtas, mas maayos na tahanan na mayroon kayong mauuwian na.
Ito po ang layunin natin: kasabay ng pagpapaunlad natin sa imprastraktura, ay ang pagginhawa ng buhay ng ating mga kababayan.
Walang iniiwan. Walang isinasantabi. At walang pinapabayaan.
Iyan ang prinsipyo ng ating Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program—pabahay na may dignidad.
Kaya’t dito sa St. Barts ay hindi lang basta pabahay. Hangad nating bumuo ng komunidad na may maayos na tirahan at kumpletong pasilidad.
Sa ganitong sistema, mabibigay natin ang mas maginhawa, mas maunlad, mas komportableng pamumuhay para sa bawat pamilya.
Magkakaroon ito ng elementary school building para sa inyong mga anak. [palakpakan]
Magtatayo rin ng multipurpose covered court para sa pagtitipon gaya ng sports events at iba pang mga aktibidad. [palakpakan]
Magkakaroon din tayo ng health center, day care center, tricycle terminal, at pamilihan.
Kukumpletuhin po natin dahil po ang aming iniisip dati pagka sinabi “housing project,” iniisip lang magtayo ng bahay. Eh nakita naman namin sa tagal ng panahon na hindi sapat na basta’t bahay lang ang itatayo natin.
Saan papasok sa eskwela ‘yung mga bata? Saan mamimili para – saan ang palengke para mamili ng gamit na kinakailangan? Iyon kailangan ‘yun. Pati – pinag-uusapan pati simbahan. Saan magsisimba? Tapos ‘yung may park, mayroong – kung saan ‘pag may birthday party, pagka may barangay event, mayroon silang pagtitipunan.
Kaya po pagka sinabi natin “housing project,” hindi lang po ibig sabihin ay may bahay. Ibig sabihin, isang buong komunidad ang ating binubuo.
Kukumpletuhin ng gobyerno ang lahat ng mga pasilidad na magbibigay ginhawa at magpapatatag sa inyong bagong komunidad.
At para masiguro na tuloy-tuloy ang serbisyo ng pamahalaan sa sektor ng pabahay, nilagdaan ko ang Republic Act No. 12216 o National Housing Authority Act nitong nakaraang Mayo. [palakpakan]
Sa ilalim po nito, magpapatuloy ang paghahatid ng NHA ng pabahay sa susunod pang 25 taon.
Dahil dito, mas maraming tahanan ang maitatayo, mas marami pang pamilya ang matutulungan, at mas maraming buhay ang magbabago.
Ang pangarap at trabaho natin ay hindi natatapos sa isang proyekto.
Kaya naman, inaasahan ko ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na magtulungan sa proyektong ito na bantayan at panatilihin ang kahusayan ng ating nagawa at maayos dito sa St. Barts at sa iba pang mga housing projects na sinisimulan natin.
At sa ating mga minamahal na beneficiary, ngayon ay simula na ng bagong yugto ng inyong buhay—yugto ng pag-asa, pagbangon, at pagbabago.
May tahanan na po kayong matatawag ninyong sarili ninyo, pag-aari ninyo.
Kaya ang pakiusap ko lang sa inyo: alagaan naman ninyo ang mga tahanang ito at mahalin ninyo ang inyong komunindad.
Magtulungan at pairalin ang malasakit sa bawat isa. Panatilihing malinis, ligtas, at maayos ang St. Barts.
Patunayan ninyo na kayo ay ang mga Bagong Pilipino—Pilipinong disiplinado, mahusay, at may pagmamahal sa bayan.
Kaya naman, napakagandang masabi ko, welcome home! [palakpakan]
Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat!
Mabuhay po kayong lahat! Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
Magandang tanghali po sa inyong lahat! [palakpakan]
— END —