Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ika-160 anibersaryo ng kapanganakan ni Apolinario Mabini

Speeches 23 July 2024

Maraming salamat sa ating National Historical Commission of the Philippines Commissioner Regalado Jose Jr.

[Magsi-upo po tayo.]

Ang Representante ng Pangatlong Distrito ng Batangas, Representative Ma. Theresa Collantes and the honorable members of the House of Representatives that are here today; Batangas Provincial Vice Governor Mark Leviste [II]; Tanauan City Mayor, Mayor Nelson Collantes; at lahat ng mga kawani ng pamahalaan ng Tanauan; fellow workers in government; ladies and gentlemen, magandang umaga po sa inyong lahat.

Kaisa ako ng sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng ika-sandaan at animnapung anibersaryo ng kapanganakan ng ating minamahal na bayaning si Apolinario Mabini.

Sa araw na ito, inaalala at [pinararangalan] natin [siya bilang] “Ang Dakilang Paralitiko” na nag-alay ng kaniyang makabuluhang buhay para sa ating bayan.

Ipinanganak noong [taong] isang libo’t walong daan at animnapu’t apat sa Talaga, Tanauan, Batangas, lumaki si Mabini sa sadlak na kahirapan bilang pangalawa sa walong anak ng isang tindera at isang magsasaka.

Salat man sa materyal na yaman, pinunan niya ang kakulangang ito sa pamamagitan ng tiyaga, determinasyon, at katalinuhan.

Mahusay niyang ipinamalas ang mga ito sa kaniyang pag-aaral: una, sa makasaysayang paaralan ni Padre Valerio Malabanan sa Tanauan, Batangas, sumunod ay sa Colegio de San Juan de Letran, at ang panghuli ay sa Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila.

Dito siya nag-aral ng abogasya, dala ang kaniyang layuning maipagtanggol ang mga [mahihirap] sa gitna ng matinding pagmamalupit sa ilalim ng pananakop ng mga Kastila.

Sa gitna ng kaniyang pag-aaral, naging kasapi siya ng La Liga Filipina bilang isa sa mga buong-tapang na nagtaguyod ng mga reporma sa panahon ng kolonyalismo.

Ngunit nang pinatay si Rizal, lumahok at sumapi si Mabini sa rebolusyonaryong pwersa ng Katipunan sa [kadahilanang] nawalan rin siya ng paniniwala at pag-asa na magkaroon ng kompromiso sa pagitan ng Espanya.

Sa gitna ng namumuong rebolusyon, tinamaan siya ng sakit [na] polio, at hindi naglaon ay nalumpo ang kaniyang mga binti.

Gayunpaman, sa kabila ng kapansanang ito, hindi [nito] naparalisa ang kaniyang nag-aalab na puso at matatag na diwa.

Ang kalagayan niya ang siyang nagbigay-lakas sa kaniya na gamitin ang talas ng kaniyang isip bilang sandata laban sa kawalang-katarungan, pang-aabuso, at pang-aapi sa mga kapwa Pilipino.

Tinaguriang “Utak ng Himagsikan,” nakapagsulat si Mabini ng ilan sa mga akdang tulad ng El Verdadero Decalogo na nagsilbing gabay ng mga makabayan at rebolusyonaryong Pilipino, habang ang kaniyang Programa [Constitucional] De La Republika Filipina ay isa mga ikinonsiderang maging Saligang Batas sa Kongreso ng Malolos.

At nang maitatag ang ating Unang Republika, nagsilbi siya bilang kauna-unahang Punong Ministro at Ministrong Panlabas kung saan ay ipinamalas niya ang kaniyang malawak na kaalaman, talino, at kakayahan sa pagpapatibay ng ating bagong-tatag na bansa.

Isang siglo at dalawang dekada na ang lumipas mula nang huling masaksikan ng mundo ang kaniyang angking galing, ngunit walang-hanggan [nating pararangalan ang kaniyang] alaala sa paraang nararapat sa kaniya bilang isang tunay na bayaning Pilipino.

Tuluyan din nating ini-ukit ang kaniyang pangalan sa mga pangunahing lansangan ng Batangas, ng Maynila, at sa ibang parte pa ng bansa. [At] maraming tulay, gusali, dambana, at mahahalagang lugar ang naitayo [na] rin [natin bilang] parangal sa ating bayani.

Sa katunayan, sa loob mismo ng sentro ng pambansang pamahalaan, matayog na nakatayo ang kapita-pitagang Mabini Hall o Bulwagang Mabini—ang pinakamalaking gusali sa buong Malacañang—na [sumasalamin] sa natatanging lugar ng bayaning tumulong sa paglatag ng pundasyon ng ating republika.

Nararapat lamang na ipangalan ang mga istrakturang ito sa kaniya dahil dito rin matatagpuan ang mga kapwa ko manggagawa sa Tanggapan ng Pangulo ngayon na maihahambing ang galing, talino, at pagka-makabayan kay Mabini.

Ang kaniyang ipinamanang lakas ng loob ay nabubuhay sa kanila at sa maraming Pilipino na patuloy na nag-aalay ng kanilang husay at talento para sa patuloy na pag-unlad ng Pilipinas.

Tinatawagan ko ang mga kabataang Pilipino ngayon na gawing inspirasyon at halimbawa ang buhay ni Apolinario Mabini upang magpunyagi sa buhay.

Nawa’y higit [na] maunawaan ng mga [nakababatang] henerasyon ang kaniyang mga pilosopiyang pampulitika at panlipunan upang sila ay mahikayat na mag-ambag sa pagsulong ng ating bansa.

Si Mabini ay [nagpapatunay] sa kaisipan na ang bawat isa sa atin ay may kakayahang gumawa ng pagbabago at tumahak sa sariling landas tungo sa tagumpay, sa kabila ng iniindang kalagayan o anumang pagsubok.

Kaya, sama-sama tayong magtulungan upang matiyak na ang [mga] mithiin ni Apolinario Mabini [ay] magpapatuloy sa Bagong Pilipinas—kung saan ang mga mamamayan ay may pagkakataong maging produktibong kasapi ng isang mas makatao at nagkakaisang lipunan.

Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat!

Mabuhay si Gat Apolinario Mabini!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

Maraming salamat po at magandang umaga po sa inyong lahat. [applause]

— END —