Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Ika-128 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas at Parada ng Kalayaan 2026
House Speaker Faustino Dy and the honorable members of the House of Representatives; Senate President Pro Tem Sherwin Gatchalian; the Dean of the Diplomatic Corps and the Apostolic Nuncio to the Philippines The Most Reverend Charles John Brown and the Excellencies of the Diplomatic Corps; honorable members of the Cabinet; Manila City Mayor Isko Domagoso; AFP Chief of Staff General Romeo Brawner and the Major Service Commanders; PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr.; Philippine Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan; First Lady Louise Araneta-Marcos; my fellow workers in government; other distinguished guests; ladies and gentlemen.
Isang magandang araw po sa inyong lahat!
Sa araw na ito, ginugunita natin ang 128 anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Sa loob ng lagpas tatlong daang taon, naging kolonya ang ating bansa. Sa ilalim ng pamumuno ng dayuhan, dinanas ng ating mga ninuno ang kahirapan, kawalan ng katarungan, at pang-aapi.
Ang pagnanais natin na makamit ang hustisya at pagkakapantay-pantay ang siyang nagtulak sa lahing Pilipino na mag-alsa laban sa pamamahala ng dayuhan.
Sina Tamblot, Sumuroy, Dagohoy, at Diego at Gabriela Silang ay ilan lamang sa mga naunang lumaban sa mga dayuhan.
Ang pag-aalsa sa Bohol, sa Piddig, Ilocos Norte, at sa Cavite ay senyales ng maigting na pagnanais ng ating mga ninuno na maging malaya.
Subalit, dahil sa pagkakahiwalay at kawalan ng iisang layunin, hindi sila nagtagumpay.
Sa ilalim ng Katipunan, nagawa ni Gat Andres Bonifacio at ng mga Katipunero na pag-isahin ang bayan tungo sa isang adhikain at isang laban.
Ipinagpatuloy ni Heneral Emilio Aguinaldo ang pakikibaka. At tangan lamang ang pananampalataya, pagmamahal, at kabayanihan, itinaas ang ating watawat sa Kawit, Cavite na makasaysayang araw noong 1898.
Dito, ipinahayag natin sa buong mundo ang hangarin nating mamuhay bilang isang malaya at nagsasariling bansa.
Mula sa araw na iyon, itinatag natin ang Republika ng Pilipinas. Naitayo natin ang mga institusyong na nagsisilbi sa mamamayan. At nabigyan tayo ng pagkakataong hubugin ang ating kinabukasan.
Matapos ang mahigit isang siglo mula ng makamit natin ang kalayaan, ano na ang nagawa natin sa kalayaang kanilang ipinaglaban?
Sapagkat hindi sapat na lingunin lamang natin ang nakaraan. Kailangang magsilbing pundasyon ang mga aral nito sa ating kasalukuyan at sa ating kinabukasan.
Ang ating kasaysayan ay nagturo sa atin na sa pag-kakaisa lamang makakamit ang kasarinlan;
Na ang tunay na mga pinuno ay yaong nagsasakripisyo ng sariling interes para sa ikabubuti ng bayan;
Na ang kalayaan ay dapat inaalagaan.
Gamitin natin ang mga aral na ito upang mapaunlad ang ating bansa at mapalawig ang ating kasarinlan.
Maraming hamon sa ating kalayaan at kaunlaran. Nandiyan ang mga katiwalian, pagkakakanya-kanya, at kahirapan. Nandiyan din ang mga pandaigdigang kaganapan at banta ng tinatawag na climate change at kalikasan.
Ngunit, sa kabila ng mga ito, nananatili ang aking paniniwala at pag-asa sa galing, sipag, at kabutihan ng ating lahi, ng lahing Pilipino.
Sa maraming pagkakataon, naipakita natin ang ating kakayahan na manindigan para sa tama, na magmalasakit sa kapwa; na bumangon sa harap ng pagsubok.
Lalo na sa panahon ng kalamidad, naipapakita natin ang ating pagkakaisa, pagtutulungan, at ang ating malasakit.
Sa bawat Pilipino, ito ang aking panawagan: Huwag po tayong mapagod na mahalin, piliin, at ipaglaban ang Pilipinas.
Palalimin natin ang ating kamalayan. Maging mapanuri sa katotohanan.
Gamitin natin sa tama ang ating kakayahan, hindi sa masama.
Lumaban nang patas sa araw-araw. Huwag pagsamantalahan ang pinagpaguran ng iba.
At piliin natin ang ikabubuti ng bayan laban sa interes ng iilan.
Kung mananatili tayong tapat sa mga adkihaing ito, makatitiyak tayong magmamana ang mga susunod na henerasyon ng isang bansa na mas matatag, mas makatarungan, at mas maunlad.
Tandaan natin na ang kapayapaan, kasarinlan, at kalayaan na ating tinatamasa sa ngayon ay tinubos ng dugo ng mga nauna sa atin.
Nawa’y magsilbing bigkis ang ating bandila, ang ating Pambansang Awit, at ang ating pagka-Pilipino sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas.
Maraming salamat po.
Mabuhay ang ating mga bayani!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang Republika ng Pilipinas! [palakpakan]
— END —