Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Handog ng Pangulo: Financial Assistance to Farm Workers and Distribution of Titles
Maraming, maraming, maraming salamat po!
Maraming salamat sa napakainit naman na salubong na ibinigay ninyo sa akin dito sa Pampanga. At kaya naman pabalik-balik ako dito at lagi para akong umuwi pagka ako’y napupunta dito sa probinsya ninyo. Kaya’t maraming salamat muli. [palakpakan]
Batiin po natin ang mga kalihim ng mga iba’t ibang departamento ng Gabinete. Nandito po ang Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, [palakpakan] na sa kasalukuyan – o matamlay ‘yung palakpak kasi DPWH eh, kaya… [tawanan] Pero kayang-kaya niya. Marami tayong – maraming naiwan na problema na ngayon kailangan niyang ayusin. Pero siguro sa pagkakilala natin sa ating Secretary ay kayang-kaya niyang ayusin lahat ‘yan. Pagmasdan ninyo. Tulungan niyo po siya [palakpakan] dahil marami siyang kailangang gawin.
Nandito rin po ang kalihim ng DENR, ng Department of Environment and Natural Resources, nandito po si Secretary Popo Lotilla. Ang kalihim naman ng DSWD – at ito ay patunay na ang DSWD ay nandiyan hindi lamang pagka may bagyo, pagka pumutok ang bulkan, pagka may lindol, kung hindi pati sa pagbibigay ng assistance sa ating mga kababayan. Nandito po Social Welfare and Development Secretary, Secretary Rex Gatchalian.
At ang ating butihing Provincial Governor, Provincial Governor ng Pampanga, Governor Lilia Pineda; and the Pampanga Vice Governor, Vice Governor Delta Pineda; and all of the other – lahat ng ating mga distinguished guests; at lahat ng ating mga naging – ang pinakamahalaga na nandito ngayong araw ay ang ating mga beneficiaries [palakpakan] dahil po nandito po tayo para ayusin po ang inyong mga dokumento – may mga titulo, may mga patent na po.
Iyong isang nakatanggap nung titulo ay ibinulong sa akin, 33 years na raw niyang inaantay. Kaya – ayan! Thirty-three years na niyang inaantay. [palakpakan] Hindi niyo na kailangan mag-antay pa.
Magandang araw po sa inyong lahat.
Una sa lahat, nais kong iparating ang taos-puso kong pasasalamat sa inyong lahat—sa ating mga magsasaka at manggagawa na patuloy na nagsusumikap para sa isang masaganang bukas.
Sa araw-araw ninyong hirap at pagod sa pagsasaka, pagtatrabaho, at pagtataguyod sa inyong mga pamilya, nandito ang gobyerno para suportahan at alalayan kayo. [palakpakan]
Sa pangunguna ng DENR, nai-turn over na po natin ang mga land patents at titles sa 455 benepisyaryo mula sa Regions I, II, III, IV-A, CAR, at saka sa NCR.
Kabilang din dito ang mga agricultural and residential free patents at special patents.
Mayroon ding 65 benepisyaryo ng Deeds of Sale, mula sa apat na barangay ng Taguig City na idadaan sa Land Management Bureau.
Mga minamahal kong kababayan, ang mga titulo na ito ay pagkilala sa inyong karapatan na magmay-ari [ng] inyong sariling lupa.
Layunin ng Handog Titulo Program na palakasin ang partisipasyon ng mamamayan sa pangangalaga ng kalikasan.
Hindi lang kayo o tayo ang makikinabang sa mga benepisyong ito, pati na rin ang mga anak natin at ang mga susunod na henerasyon na Pilipino.
Mamimigay din ang DENR ng mga seedlings o binhi para sa inyong lahat na narito ngayon. Nakita ninyo po naka-display doon po sa labas.
Nawa’y itanim ninyo ang mga ito dala ang malasakit at pananagutan para sa kalikasan.
Gawin ninyong produktibo ang inyong lupain.
Gamitin ito nang tama para sa bawat pamilyang Pilipino, para sa ating mga komunidad, at para sa kinabukasan ng ating minamahal na Pilipinas. [palakpakan]
Ang responsableng paggamit ng lupa ay magbubunga ng masaganang pamumuhay para sa ating lahat.
Kasabay rin ng pagkakaloob ng lupa ay ang maayos na proseso ng pagrehistro para sa mga benepisyaryo. Sa hangaring ito, katuwang natin ang lokal na pamahalaan, ang LRA, ang Registry of Deeds.
Kasama din natin ngayong araw ang DSWD na namigay ng tig-10,000 piso sa 2,970 benepisyaryo na magsasaka. [palakpakan]
Nawa’y makatulong ito sa inyong pang-araw-araw na pangangailangan.
Mamamahagi naman ang local government ng Pampanga ng mga family food packs para pandagdag-suporta pa sa inyong mga pamilya. [palakpakan]
Mga kababayan, sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng bansa, nananatiling nakatuon ang pamahalaan sa aming mandato at tungkulin na maglingkod nang tapat.
Makakaasa kayo na inaayos natin at itinutuwid ang mga prosesong nagpapabagal at nakakaabala sa ating pag-unlad.
Ang lahat ng ito ay isinusulong namin upang pangalagaan ang karapatan ng bawat Pilipino.
Hinihikayat ko ang lahat na ipamalas natin ang pagiging Bagong Pilipino—responsable, may malasakit, at magkakatuwang sa tunay na pagbabago.
Magtulungan tayong isulong ang isang mas maunlad at makatarungan na lipunan.
Maraming, maraming salamat at mabuhay po kayong lahat! [palakpakan]
Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
Magandang umaga po sa inyong lahat. [palakpakan]
— END —