Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Sa Graduation Ceremony of the Bangsamoro Police Basic Recruit Course (BPBRC) Batch 2023-01 Classes Alpha-Bravo “BAKAS-LIPI”

Speeches 29 April 2024

Thank you to our DILG Secretary, Secretary Benhur Abalos Jr.

[Before we proceed, the troop commander will give the order of tikas pahinga.]

[Please, take your seats.]

The DBM— our DBM Secretary, Secretary Amenah Pangandaman; and the other cabinet secretaries who are here today; Maguindanao del Norte Lone District Representative Bai Dimple Mastura, [there you are]; our friends from the Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao, headed by Chief Minister Al Haj Ahod Ebrahim; [applause] Armed Forces of the Philippines Chief General Romeo Brawner Jr.; [applause] Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua; [applause] Parang Municipality Mayor Cahar Ibay, Mayor Ibay; National Police Training Institute Director, Police Major General Ritchie Medardo Posadas; [applause] Police Regional Office BARMM Director, Police Brigadier General – Prexy Tanggawohn; [applause]

The most important group here present today, the graduating Class of Batch 2023-01, Classes Alpha-Bravo BAKAS-LIPI, and their proud parents and family members; [applause] my fellow workers in government; distinguished guests; ladies and gentlemen, magandang umaga po sa inyong lahat!

Sa lahat ng ating mga magiging graduates, magandang umaga sa inyo. Alam ko na matagal na ninyong inantay itong araw na ito.

At pinaghirapan ninyo ang training na alam ko naman na hindi madali. Kaya’t congratulations sa inyong lahat.

Sa mga bumubuo ng Bangsamoro Police Basic Recruit Course Batch 2023-01 Classes Alpha-Bravo,

Kasalo ako sa inyo ng mga mahal sa buhay sa kasiyahang nararamdaman nila sa araw na ito.

Kabilang din ako sa inyong mga kasamahan na ipinagmamalaki ang tagumpay na inyong nakamit ngayon.

Kaisa ako ng mga kapwa ninyong lingkod-bayan na ikinalulugod ang pagpasok ninyo sa serbisyo publiko.

Higit sa lahat, kasama ko ang sambayanang Pilipino sa tuwa at pasasalamat sa inyong nalalapit na paglingkod sa ating bayan.

Siyanga pala, napakaganda ng pangalang napili ninyo para sa inyong hanay.

BAKAS-LIPI, or “Bangsamorong Kapulisan, Sandigan ng Lipunang Pilipino.” [applause]

sigurado ako na ang inyong mga buhay ay maihahambing sa mga nakikita lang ng iba sa pelikula.

Mga istoryang masasabing kapana-panabik, mga maaksyon, minsa’y nakaka-kaba, at laging siksik ng aral.

Ngunit sa huli, kahit anong paglarawan ang maisip ng tao, walang sinuman ang makapapantay sa kuwento ng inyong muling pagbangon.

Sa dami ng pinagdaanan ninyo, lahat kayo, sa kanya-kanyang paraan, oras, at pagkakataon—ay pinili ang kapayapaan, katarungan, at pagkakasundo.

Tunay na malaking karangalan ang nakamit ninyo, ngunit kaakibat nito ang mabigat na pasanin na responsibilidad na nangangailangan ng matinding pagsisikap.

Ang inyong misyon ay higit pa sa paglilingkod at pangangalaga sa mga kababayan natin.

Kayo ang tutulong sa pagsusulat ng isang bagong yugto para sa Bangsamoro, tungo sa mas tahimik at matiwasay na kinabukasan.

Kaya ang inyong pagsasanay at pagtatapos ngayong araw ay higit pa sa pagtupad natin sa mga obligasyong na nakasaad sa Bangsamoro Organic Law.

Ito ay ang pagsasakatuparan natin sa hangaring maranasan ang tuluy-tuloy na kapayapaan at pag-uunlad.

Napakalaki ng nakasalalay sa inyong bagong katungkulan dahil nasa kamay ninyo ang pagkamit ng ating patuloy na tagumpay.

Simula ngayon, kahit saan man kayo italaga, kayo ay kinatawan ng kaayusan at pagbabago na layon nating ipamana sa ating mga anak.

Mahirap ang daang tatahakin ninyo, ngunit natitiyak kong magiging mas madali ito kung tatanggapin at [aalalahanin] ang apat na puntong iiwan ko sa inyo.

Una, kayo ay natanggap dahil sa inyong karakter at hangaring makapag-ambag sa ikauunlad ng Bangsamoro.

Ang ibig sabihin nito, anuman ang inyong pinag-hirapan at natamasa, ang inyong integridad pa rin ang susi sa inyong tagumpay.

Sikapin ninyong tuparin ang manatiling pundasyon ng inyong trabaho at serbisyo mula ngayon.

Pangalawa, tapang at determinasyon ang siyang nagtulak sa inyo upang harapin ang linggo-linggong pagsasanay.

Ngayon na magsisimula na, na magsuot ng uniporme at magsilbi sa bayan, tiyak na dodoble ang pagsubok sa mga katangian ninyo.

Sa pagharap ninyo sa mga bagong hamon, gawin ninyong inspirasyon ang inyong tungkulin sa mamamayan.

Isapuso at isa-isip ninyo ang imahe ng inyong rehiyon at ating bayan na may seguridad at kaayusan.

Pangatlo, ngayong dala-dala na ninyo ang bagong kaalaman tungkol sa pagpupulis at sa batas ng BARMM at ng Pilipinas, hindi dapat ito natatapos ang pagpapa-unlad ninyo sa inyong mga sarili.

Patuloy ang— patuloy na paglinangin ang inyong kakayahan at kasanayan nang tumaas ang kalidad ng inyong serbisyo.

At ang pinakamahalaga, siguraduhing umuunlad rin ang inyong pag-unawa sa inyong kapwa at sa mundo.

Hindi kailanman natatapos ang pagsulong at pagpapabuti, kaya kailangang maging masigasig kayo sa pagtuklas ng pangangailangan ng taumbayan.

Sa pamamagitan nito, kayo’y magiging tunay na modelo ng ating mga mamamayan.

Ika-apat at pang-huli, hangga’t tunay at tapat kayo sa inyong mga tungkulin bilang miyembro ng kapulisan, buong-buo ang aking suporta sa inyo. [applause]

Magkatuwang tayo sa pagsisikap na mabigyan ang bawat Pilipino ng payapa at masaganang buhay.

Naniniwala ako na sa paglago ng Bangsamoro, yayabong din ang buong bansa. Mas madali nating makamit ang ating hinahanap na Bagong Pilipinas.

Muli, binabati ko ang bawat isang nagtapos ngayon, ang mga kaakibat na ahensya at mga kinatawan nito, at ang buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Magandang umaga po sa inyong lahat.

Muli, congratulations sa ating mga graduate at maraming salamat po.

—END—