Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Gawad Agraryo 2025

Speeches 12 September 2025

Maraming salamat sa ating Kalihim ng Agrarian Reform, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella.

[Ilocano] Ay, nag-Ilocano tuloy ako.

Ang – [Magsiupo po tayo.]

Senator Francis “Kiko” Pangilinan who is ready, willing, and able, now that he has returned to the Senate to help us sa lahat ng mga isyu tungkol sa agrikultura. [applause] Kaya’t mabuti mayroon na tayong kasama, kaakibat dito sa Senado.

The San Juan Lone District Representative, Ysabel Maria Zamora [applause]; San Juan City Mayor Francis Zamora [applause].

Kaya pala dito sa San Juan ‘yung mga painting niyo ang tataas eh. Doon sa Ilocos hanggang dito lang ‘yung mga painting namin eh. Dahil ikaw ‘yung mayor, ang tataas ng mga painting para makita mo.

The – ang pinakamahalaga na kasama natin dito ngayon, ang mga awardee at saka beneficiaries ng Gawad Agraryo 2025; mga kapwa kong lingkod-bayan; mga ginang at ginoo… Bagong bago – bago po ang lahat, nais kong batiin, eh pagpasok ko po – paggising ko palang kaninang umaga, ang dami na pong nagpadala sa akin ng happy birthday at nagpapasalamat ako sa inyong lahat.

Pero baka hindi niyo po alam, ang ating Agrarian Reform Secretary, hindi bukas ang birthday, ngayon ang birthday niya, September 12.

Happy Birthday, Conrad! [applause]

Magandang umaga po sa inyong lahat!

Bago pa man sumikat ang araw, gising na ang ating mga magsasaka. Habang tayo’y nagsisimula pa lamang sa ating gawain, sila’y nakayuko na sa bukirin, nag-aalaga ng lupang nagpapasigla sa buong sambayanan.

Sa kabila ng bigat ng kanilang pinapasan araw-araw, nag-aalab pa rin ang kanilang mga pangarap na maipalago ang kanilang ani, maitaguyod ang kanilang pamilya, at mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Sa pagdiriwang natin ngayon ng Gawad Agraryo, binibigyang-pugay natin ang mga huwarang magsasaka, organisasyon, at komunidad na nagpapakita ng sipag, tiyaga, husay, at pagmamahal sa kapwa.

Sa harap ng mga unos, sila’y matapang na ipagpatuloy—at ngayon, sila mismo ang nagsisilbing patunay na [sa] pagsisikap, walang pangarap na hindi kayang abutin.

Ito ang diwa ng Gawad Agraryo: pagkikilala sa galing ng ating mga magsasaka at pagbibigay sana ng inspirasyon para sa iba pang nagnanais sumunod sa kanilang yapak.

Nang itatag ang Gawad Agraryo noong 2008, layunin nitong ipagbunyi ang mga magsasaka at organisasyong nagpamalas ng natatanging kontribusyon sa agrikultura. Sa nakalipas na mga taon, 35 indibidwal at organisasyon ang ating nabigyan nitong award na ito.

Ngayon, paparangalan natin ang natatanging Agrarian Reform Beneficiaries at Agrarian Reform Communities.

Mula sa 45 finalists, maingat nating pinili ang 17 awardee: sampu na Most Outstanding ARBs, tatlong Most Progressive na ARBOs, at apat na Most Progressive ARCs.

Kinikilala natin ang ARBs na mayroong mataas na ani, at higit sa lahat, malalim na malasakit para sa pamilya, sa kapwa, at sa kalikasan. Makakatanggap ang bawat awardee ng plake, medalya, at cash award na nagkakahalaga ng dalawampu’t limang libong piso.

Ipinakita rin ng ating natatanging ARBOs kung paano maging sandigan [ang] isang samahan. Nagbigay sila ng mga maaasahang serbisyo sa kanilang kasapi at nagdala ng kasaganaan sa buong pamayanan.

Binibigyang-pugay din natin ang ARCs na nakatutok sa pangmatagalang kaunlaran. Mula sa pangangalaga sa kalikasan, pamamahala ng lupa at tubig, hanggang sa pagbibigay-buhay sa komunidad, hindi matatawaran ang inyong kontribusyon sa ating kaunlaran.

Bilang pagpupugay, ihahandog natin sa bawat ARBO at ARC ang plake, medalya, at mga proyektong aabot sa pitumpung libong piso.

Sa ating awardee: Kayo po ang huwaran ng pag-asa. Kayo ang nagpapatunay na hindi natitinag ang Pilipino sa harap ng pagsubok. At kayo ang nagsisilbing gabay sa mga kababayan nating nais din magtagumpay kagaya ninyo.

Maraming salamat sa inyong mga sakripisyo upang mapatatag ang pundasyon ng ating lipunan.

Bilang suporta sa lahat ng magsasaka, nagpapatupad ang pamahalaan ng mga reporma upang maibsan ang inyong alalahanin at mapagaan ang inyong trabaho.

Naipamahagi na natin ang halos pitumpung libong Certificates of Land Ownership Award. Patunay ang dokumentong ito na pagmamay-ari na ng ARBs ang mga lupang inaalagaan nila sa napakaraming taon na.

Naipagkaloob din natin ang Certificates of Condonation with Release of Mortgages sa libo-libong magsasaka upang mapawalang-bisa ang mga utang na pumipigil sa kanilang pag-unlad.

Ang halagang dapat sana’y ibabayad sa gobyerno, maaari nang ilaan sa bagong binhi, makinarya, o higit pa, sa mas maayos na buhay para sa inyong mga pamilya.

At para mas maging produktibo ang inyong sakahan, libo-libong makinarya at kagamitan ang ating naibabahagi. Bukod sa pagpagaan ng – para sa pagpagaan sa trabaho ninyo ito, mas malaki na ang oras ninyo para makasama naman ninyo ang inyong mga pamilya.

Mga kababayan, magsisilbi sanang inspirasyon ang pagkikilalang ito upang ipagpatuloy natin ang laban para sa mas maginhawang buhay para sa ating mga magsasaka, mas maraming oportunidad para sa kanila at sa kanilang mga pamilya, at mas maunlad na sektor ng agrikultura.

Hangad kong ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong mga lupang sakahan at pagpapalago ng inyong ani gamit ang aming handog na tulong.

Palalalimin niyo ang inyong kaalaman hinggil sa industriya at gamitin ninyo ang makabagong teknolohiya upang mapalawak pa ang inyong karanasan.

Sama-sama nating itanim ang binhi ng pagbabago upang mas marami pang kwento ng pag-asa at tagumpay ang ating matunghayan sa Bagong Pilipinas.

Ipagpatuloy po natin ang ating mga ginagawa para tulungan ang ating magsasaka upang tiyakin na mayroon po tayong ipapakain sa buong madlang Pilipino.

Maraming salamat po at mabuhay kayong lahat!

[applause]

— END —