Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa DAR XI Regionwide E-Titles Distribution

Speeches 7 February 2024

Maraming salamat sa ating Pangalawang Pangulo at Kalihim ng Department of Education Sara Z. Duterte. Thank you, Inday. [Applause]

[Please sit down.]

Ang namumuno ng Department of Agrarian Reform at siyang naglalakad dito sa ating mga ginagawa ngayon, ang secretary ng DAR, Secretary Conrad Estrella. [Applause]

Andito rin po ang Special Assistant to the President na anak din ng Davao, Secretary Anton Lagdameo [applause], at ang regional director na narinig natin kanina, Regional Director ng DAR Eugene Follante. [Applause]

Andito rin po ang ilang miyembro ng kabinete at sinama ko para maipakita kung papaano ang ating ginagawa ‘yung sinasabing whole-of-society, whole-of-government, whole-of-nation approach. Ibig sabihin, hindi lamang ang DAR ang nagta-trabaho para sa inyo tungkol dito sa agrarian reform kung hindi ang iba’t-ibang departamento rin ay may ginagawa, mayroong kontribusyon ‘yan kasi – at hindi lang naman ang pagbigay ng titulo kung hindi ang mga kasunod na suporta ay napaka-importante rin kaya’t nandito tayo at ‘yan po ay ang halimbawa ng whole-of-government approach na aming ginagawa.

Fellow workers in government, ladies and gentlemen,

Magandang—tanghali na—tanghali sa inyong lahat. [Applause]

Masaya ako at nakadalaw uli ako dito sa Davao.

Maraming masasayang alaala ang ibinigay ng Dabaweño sa akin at sa aking pamilya sa mga nakalipas na panahon.

Marami ring mga pagkakaibigang panghabambuhay ang nabuo rito. Hindi maaaring mawala sa aking puso ang pagmamahal ng Davao [at] sa mga tao rito.

Kaya naman, [Applause] kaya naman, nagagalak ako na maging bahagi ng mahalagang pagtitipon na ito—na pinangungunahan ng Department of Agrarian Reform— kung saan tayo ay mamimigay— namimigay ng mga titulo sa ating mga magsasaka na matagal nang nag-aantay na magkaroon ng sariling lupa. [Applause]

Matagal ng nagsimula itong proseso na ito dahil nilagdaan ng aking ama ang Presidential Decree No. 27 na naglalayong magdulot ng tunay na kalayaan ng mga— sa mga magsasaka mula sa pagkabihag sa lupa.

Kaya’t [ipinagmamalaki] ko na minana ko ang pagmamahal at pagpapahalaga ng aking ama sa ating mga magsasaka. [Applause]

Kaya naman, mahirap ko mang makita, nakakadurog po ng puso na makita na hanggang ngayon, ang pinakamahirap sa ating bansa ay ang mga magsasaka. Kayo ang nagpapakain sa amin; hindi ninyo mapakain ang pamilya ninyo. ‘Yung nagpapakain, ‘yung nagbubuhay sa buong Pilipinas sa lahat ng mga Pilipino. Ngunit, ang tulong na nanggagaling sa ating pamahalaan, nanggagaling sa ating lipunan ay napakaliit. Kaya’t ito’y papalitan natin.

At hindi na tayo papayag na ang pinakamahirap na hanapbuhay ay ang magsasaka. Mahirap naman talaga, kahit anong gawin natin mahirap ang magsaka. Kaya’t kailangan ng tulong ng ating mga magsasaka— ang lahat ng tulong na maibigay ng pamahalaan, at ang pribadong sektor kasama rin diyan— lahat ng tulong na mabibigay ay ibibigay namin para naman masabi nating maganda ang magiging hanapbuhay ng ating mga magsasaka. [Applause]

Kaya naman, pagka-upo ko bilang Pangulo, ipinaalam ko sa bayan, sa aking unang SONA, na ipagpapatuloy ko at higit na pagbubutihin ang tunay na repormang agraryo na sinimulan ng aking ama.

Sa pakikiisa at tulong ng Kongreso, nilagdaan natin ang batas sa loob ng unang taon ng aking pamumuno—ang New Agrarian Emancipation Act.

Dahil po sa batas na ito, ang pagkaka-utang ng mahigit 600,000 agrarian reform beneficiaries ay hindi na sisingilin pa ng pamahalaan. [Cheers and Applause]

Layunin kong matapos ang pamamahagi ng lahat ng lupang saklaw ng CARP bago matapos ang aking termino.

Kaya’t natutuwa ako na masigasig ang DAR sa pamimigay ng mga titulo. [Applause]

Patunay sa sipag ng DAR ang mahigit na 90,000 titulo na naipamahagi noong 2023, nakaraang taon, lagpas ng 40,000 sa target na 50,000 sana lang na titulo.

Umaasa ako na dadami o dodoble pa sa taon ng 2024. Ang mahigit na dalawang libong titulo na ipamamahagi natin ngayon dito sa Davao ay magandang simula, at simula lamang, para sa 2024.

Ang pamimigay ng titulo sa ating mga magsasaka ay unang hakbang lamang sa pagkamit ng kanilang kalayaan sa kahirapan.

Ang kalayaan sa gutom at kahirapan ng magsasaka, at ang pagsiguro ng sapat na pagkain para sa bawat Pilipino ay hindi makakamit sa pamamagitan ng pagpapamahagi ng titulo o lupa lamang.

Kaya naman ay sinasabi ko na dapat gawing totoo ang kasama sa Agrarian Reform Act.

Ang Agrarian Reform Act po ay hindi lamang nagbibigay ng titulo ng lupa. Patuloy ang suporta pagkatapos dahil nga kung wala namang suporta ang ating mga magsasaka kahit na may hawak na titulo, ay hindi naman kayang magsaka ‘yan.

Kaya’t ‘yung access sa mga processing machine, sa mga… ‘yung ginawa ng Landbank na ginagawang mas streamlined ‘yung access to credit para mas madaling magpautang, at kaya naman ng magsasakang bayaran.

Kaya naman, [ibinubuhos] ngayon ng pamahalaan ang mga serbisyo at ayudang kailangan ng mga magsasaka.

Ilan sa mga ito ang mga libreng punla, abono, at mga kagamitang pansaka.

Kailangan din ng mga karagdagang imprastraktura, kung kaya naman nagpapagawa rin tayo ng mga bodega at kalsadang malalapit sa [mga] sakahan sa pamilihan.

Para hindi tayo—hindi kayo nahihirapan na dalhin ang inyong ani mula sa pinagsasakahan ninyo hanggang doon sa palengke, para mababa pati ang presyo, mas malaki ang kikitain ng ating magsasaka.

Kaya’t inaanyayahan ko po kayong lahat na magtulungan sa pagtataguyod ng kapakanan ng ating mga magsasaka.

Tulungan natin silang makaahon sa kahirapan at mapaunlad ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng mga makabagong pamamaraan, mula sa pag-aararo, pagtatanim, pag-aani hanggang sa pagbebenta sa merkado.

Sama-sama at kapit-bisig po tayo sa pagpapayabong ng agrikultura ng bansa, sa pagkamit ng mas masaganang bukas para sa ating lahat, para sa lahat ng Pilipinas.

Sa aking mga minamahal na Dabaweño—daghang salamat sa inyong patuloy na pakikiisa at sa ating pagsulong tungo sa Bagong Pilipinas! [Applause]

Maraming salamat po. Magandang tanghali po sa inyong lahat. [Applause]

—END—