Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Ceremonial Turnover of the National Housing Authority (NHA)-Balanga City Low-Rise Housing Project

Speeches 9 April 2024

Maraming salamat sa ating DHSUD Secretary, Secretary Acuzar.

[Please take your seats.]

Ang NHA General Manager na syang namahala dito sa proyektong eto, GM Joeben Tai; [applause] andito rin po ang ating kasama as House of Representatives at sa matagal na, ayoko nang sabihin ang lahat nang pinagsamahan natin, mahahalata yung mga edad natin, Bataan Second District Representative Albert Raymond Garcia; at ang ama ng probinsya ng Bataan, the Province of Bataan Governor, Jose Enrique Garcia III; ang ating alkalde, Mayor Francis Anthony Garcia, at ang pinakamahalaga na bisita natin dito ngayon ang mga beneficiaries ng Low-Rise Housing… NHA Balanga City Low-Rise Housing Project. My fellow workers in government, other distinguished guests, ladies, and gentlemen, magandang umaga po sa inyong lahat. [applause]

Maraming salamat sa inyong mainit sa pagtanggap. Hindi lang sa init talaga pero— ngunit napaka-init ng pagtanggap ninyo sa akin dito Balanga City, Bataan.

Nagagalak ako na personal na masaksihan ang pamamahagi ng dalawang daan at labing-anim na pabahay sa ating mga benepisyaryo.

Para sa kaalaman ng lahat, ang NHA-Balanga City Low-Rise Housing Project ay bahagi ng ating patuloy na pagsisikap upang bigyan ng maayos na tahanan ang bawat mamamayang Pilipino.

Ang mga low-rise buildings na ito ay tinayo gamit ang mga makabagong teknolohiya, kaya naman ang bawat pamilyang maninirahan dito ay makatitiyak sa tibay at katatagan nito.

At pinaguusapan natin ‘yung low-rise, ay ‘yung susunod nating gagawin, ito three-story ito, ang susunod na gagawin lima na, so, mid-rise na ang tawag diyan. [applause] Para makarami tayo.

Isa sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya ang magkaroon ng sariling tahanan.

Ito marahil ang pinakamahalaga, lalo na para sa mga kababayan nating nakatira sa mga mapanganib na lugar.

Bahagi ng katungkulan natin na mailikas sila muna sa delikadong lugar tulad ng mga daluyan ng ilog. Nagsikap po ang gobyerno na mabigyan sila ng maayos at ligtas na tahanan na matatawag nilang sarili.

Ang mga benepisyaryo natin ngayon dito sa Balanga ay inilikas natin mula sa kahabaan ng ilog ng Talisay.

Sa loob ng maraming taon, humarap kayo sa peligrong dala ng pagtira sa tabi ng ilog. Kaya narito tayo upang bigyan ng lunas ang kanilang suliranin.

Kayo ngayon ay maninirahan sa sariling bahay na ligtas, de-kalidad, at komportable.

Ngayon pa lamang po ay binabati ko na ang ating mga benepisyaryo ng “congratulation” sa pagsisimula ng panibagong yugto ng inyong buhay! [applause]

Ito pong pabahay ay handog ng pamahalaan para sa inyong pamilya.

Mahalin at ingatan natin itong mabuti upang magsilbi itong pundasyon ng inyong mga pangarap at magagandang kinabukasan.

Nawa’y inyo rin pagyamanin ang komunidad dito upang sabay-sabay kayong umuunlad at gumiginhawa.

Narito ang inyong pamahalaan, lalong-lalo na ang lokal na pamahalaan ng Balanga, ang panlalawigang pamahalaan ng Bataan, upang gabayan kayo sa lahat ng oras.

Makakaasa ririn po kayo na lahat ng sambayanang Pilipino, sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program o ‘yung tinatawag naming 4PH program, patuloy ang pagpupursige ng pamahalaan upang mabigyan ng maayos na tahanan ang ating mga kababayan.

Ngunit ito talaga, alam ninyo po ay kahapon galing po ako sa Bacolod. At kami naman ang may— ‘yung mga Agrarian Reform beneficiaries. At nabanggit ko roon, sinabi ko sa lahat ng katungkulan ko bilang pangulo ‘yan na— sabi ko ‘yan na yata ang isa sa paborito kong katungkulan.

Dahil sa tagal nang nagantay ng ating mga Agrarian Reform beneficiaries ay sa wakas— ay nagantay sila ng 30 taon, sa wakas ay nabigyan na sila ng titulo.

Ngayon, idadagdag ko na rin na isa sa mga pinaka-paborito kong katungkulan ay dumating dito sa ganitong klaseng mga proyekto upang masasabi natin na ang pamahalaan ay talagang nagbibigay ng serbisyo sa taong bayan, sa pamamagitan ng ganitong klaseng mga pabahay, hindi lamang dito sa Bataan kung hindi isa buong Pilipinas, [applause]

Sa pangunguna ni DHSUD Secretary Jerry Acuzar at ang GM ng NHA Joeben Tai, tiyak naman ako na makakamit natin ang mga layunin natin.

Marami pa tayong ipatatayong bahay kaya inaasahan ko ang inyong patuloy na suporta at pagsusumikap.

Muli, binabati ko ang ating mga benepisyaryo at hangad ko ang ikauunlad ng inyong pamumuhay.

Sama-sama tayong tumungo sa isang maliwanag at masaganang Bagong Pilipinas.

Maraming salamat po at mabuhay po kayong lahat! [applause]

—END—