Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 2026 National Irrigation Administration-National Confederation of Irrigators Association (NIA-NCIA) General Assembly at Inspeksyon ng NIA Command Center

Speeches 24 February 2026

Maraming salamat sa ating NIA Administrator, Administrator Eddie Guillen.

[Please, magsiupo po tayo.]

The Office of the Executive Secretary, Ex-Officio Chairman, Usec. Erwin Sta. Ana; ang National Confederation of [Irrigators] Association, NCIA President Remy Albano; officials and employees ng National Irrigation Administration; ang ating mga magsasaka; ang mga benepisyaryo; at lahat ng mga tumutulong para sa ating irrigation development na nandito kasama natin ngayong umaga; ang aking mga kasama serbisyo publika – publiko; ladies and gentlemen, magandang umaga sa inyong lahat.

Nais kong pasalamatan ang National Confederation of Irrigators Association o ‘yung NCIA sa patuloy ninyong suporta sa ating layunin na magkaroon ng sapat na patubig ang ating mga sakahan, na tama – sa tamang panahon, tungo sa isang masaganang ani.

Bukod sa pagtalakay sa mga programa at proyekto ukol sa irigasyon, nais ko rin pong marinig ang inyong mga kwento, hinaing, at panukala upang lalo pa natin mapabuti ang sektor ng agrikultura.

Naniniwala ako na ang mga polisiya ng gobyerno ay mas magiging epektibo kapag ito’y nakaayon sa mga pangangailangan ng mga taong aming pinaglilingkuran. Kaya – kaya po iyon—ang ating mga magsasaka at ang ating mga irrigator.

Alam naman natin lahat na matiyaga, maparaan, at magaling ang mga ating magsasaka. Ngunit kailangan nitong sabayan ng malinaw na plano at tuloy-tuloy na suporta mula naman sa pamahalaan.

Maraming hamon hinaharap ng ating sektor ng agrikultura. Nariyan ang pagbabago ng klima, ang pagtaas ng presyo ng produksyon, at mga suliranin dulot ng kalamidad.

Ilang bagyo at tagtuyot ang ating pinagdaanan na. Tuwing kulang ang patubig o sira ang irigasyon, naaantala ang pagtatanim at bumababa ang inyong kita.

Batid ko din na lagpas 30 porsyento pa ng mga irrigable land ang kailangan pa natin malagyan ng patubig.

Kaya’t nananatiling malinaw ang prayoridad ng itong – nitong Administrasyon: Patatagin ang produksyon ng pagkain, itaguyod ang kapakanan ng bawat magsasaka, at palawakin ang irigasyon sa buong bansa.

Upang ipagpatuloy ang mga magagandang nasimulan at maisakatuparan ang mga nakalatag na plano na naglalaan – naglalaan tayo ng higit animnapu’t tatlong bilyong piso para sa mga programang pang-irigasyon. [palakpakan]

Inaasahan natin na ang pondong ito ay makakatulong sa rehabilitasyon ng mga lumang pasilidad, pagsasaayos ng mga sirang kanal at irrigation system, at ang pagpapalawak ng mga lugar na maaaring mabigyan ng serbisyo ng irigasyon.

Tulad na lamang ng ginawa natin sa Talavera River Super Diversion Canal Siphon sa Nueva Ecija. Pansamantalang tinigil ang irrigation delivery noong Disyembre ng nakaraang taon upang isagawa ang rehabilitasyon.

Sa unang pagsusuri, matapos na daw ito sa Marso 1 ng taong ito. Malapit na.

Ngunit, dahil tinutukan natin at pinaigting ang trabaho, nagawa na ito February 1 pa lang natapos. [palakpakan] Isang buwan mas maaga kaysa sa target.

Ipinapakita nito na kapag may pangangailangan ang ating komunidad, hindi tayo nagpapaliban ng ating binibigay na serbisyo.

Naglaan din tayo ngayong taon ng halos 300 bilyong piso para sa buong sektor ng agrikultura. [palakpakan]

Ang pondong ito ay nakalaan para sa mga binhi, farm-to-market road, post-harvest facilities, cold-storage facilities, pataba, at iba pang programa para sa kapakanan ng ating mga magsasaka.

Isa po sa mga na-develop na pataba sa tulong ng UP at Agrispecialist, Inc. ay ang biofertilizer at balita ko po na nabigyan po kayo ng pataba na ito kanina.

Eh sana po ito’y makatulong sa inyong pagsasaka at sa inyong pag-ani pagdating ng panahon.

Malaking tulong ang patabang ito sa pagpapalaganap ng makabagong paraan ng pagsasaka.

Kaugnay nito, malaking tulong ang hatid ng mas modernong Command Center ng NIA na ating titingnan mamaya.

Noon, mano-mano at mabagal ang pagkuha ng mga datos. Kapag may problema sa dam o daluyan ng tubig, kailangan pang mag-antay ng ulat kung ano man ang kalagayan ng tubig. Minsan, nalalaman lang kapag nasira na ang pananim.

Ngayon, binago natin ang sistema.

Sa loob ng Command Center, real-time.

Ibig sabihin, kung – habang nangyayari ay mababantayan ang kalagayan ng mga dam, ang lebel ng tubig, at ang galaw ng panahon.

Sa pamamagitan ng telemetry. Ibig sabihin eh tina-transmit kaagad ang mga impormasyon dito sa Command Center natin dahil satellite-fed monitoring – kasama na ang satellite-fed weather monitoring, dahil po nagpalipad po tayo ng satellite at nasa taas natin at ‘yun ay ating ginagamit upang tingnan kung ano ‘yung kalagayan ng mga taniman natin.

Mas maaga ngayon nating natutukoy kung kailan magpapakawala ng tubig, kailan dapat maging handa sa pagbaha, at kailan dapat magbigay ng babala sa ating mga komunidad na magiging apektado.

Sa tulong ng mga makabagong teknolohiya tulad ng AI-based, Artificial Intelligence-based crop monitoring at ‘yung tinatawag na smart weather forecasting systems, mas natitiyak tayo na nakabatay sa tamang datos ang ating mga proyekto para sa mga sakahan at irigasyon.

Nagbabago po ang ating mga – ang klima at kung saan dumadaan ang ulan, saan dumadaan ang bagyo.

Dati po noong bata pa tayo eh alam natin, basta may bagyo, alam na natin kung saan pupunta. Doon sa mga iba’t ibang lugar. Pagka kami… Ako governor ako doon sa Ilocos Norte, pagka sasabihin, may darating na bagyo, alam na namin kung saan nababaha, alam na namin kung saan dadaanan ‘yung tubig.

Nagbago na po lahat ‘yun. Kaya’t kailangan maganda ang koleksyon natin ng datos. Kailangan pinapakinggan natin ang mga magsasaka dahil kayo ang unang nakakaalam kung ano ‘yung mga pangyayari sa mga lugar ninyo.

Ang lahat ng ito ay makatutulong sa ating mga magsasaka at irrigators upang magkaroon ng tamang impormasyon na mabigyan ng proteksyon ang kanilang ani at ang kanilang komunidad.

Makikinabang din dito ang bawat Pilipinong umaasa sa sapat at abot-kayang pagkain para sa kanyang pamilya.

Gayunpaman, anumang makabagong teknolohiya ang ating ilunsad, nananatiling nakasalalay ang lakas ng sektor ng agrikultura sa ating mga magsasaka.

Kayo po ang katuwang ng pamahalaan. Kayo ang nakakaalam ng pangangailangan sa lupa. At kayo ang kasama namin sa pagbuo ng mga solusyon.

At sa patuloy nating pagpapalakas ng sistemang ito, may responsibilidad ang bawat isa sa atin.

Sa mga kawani ng NIA at mga katuwang sa NCIA, huwag nating bibiguin ang ating mga magsasaka.

Ngunit salamat din sa ating mga eksperto at dalubhasa mula sa akademya at sa pribadong sektor sa patuloy ninyong pananaliksik at suporta sa sektor ng agrikultura.

Mas uunlad ang sektor ng agrikultura kung magkakaisa tayong kikilos nang may dedikasyon at may disiplina.

Sama-sama natin itaguyod ang mas masagana at mas likas-kayang sakahan sa buong bansa upang masabi natin lahat ng ating mga kababayan ay may food supply.

Lahat ng ating mga kababayan ay kayang pakainin ang kanilang mga pamilya at ang lahat ng ating magsasaka ay may maganda hanapbuhay.

Maraming salamat po at mabuhay tayong lahat!

[palakpakan]

— END —