Speech of President Ferdinand R. Marcos Jr. “Tara, Basa! Tutoring Program” National Culminating Activity
Maraming-maraming salamat sa ating kalihim ng DSWD, Secretary Rex Gatchalian; nandito rin ang kalihim ng DepEd, Education secretary, Secretary Sonny Angara; ang dalawang mag-BFF na lady mayors – Mayor Lani Cayetano and bagong halal na Makati City Mayor Nancy Binay—BFF forever talaga iyan ha; the beneficiaries and partner-stakeholders of the “Tara, BASA! Tutoring Program,” fellow workers in government, ladies and gentlemen, magandang araw po sa inyong lahat.
Pangarap ng bawat magulang ang magkaroon ng maganda at maaliwalas na buhay ang kanilang mga anak. Naniniwala tayo na ang susi upang maabot ang pangarap na ito ay ang edukasyon kaya’t araw-araw tayo’y nagsusumikap upang maipadala sa paaralan at mabigyan ng pagkakataon ang mga bata para naman matupad ang kanilang mga pangarap.
Ngunit maraming hamon sa sistema ng ating edukasyon – nandiyan ang kakulangan ng classroom, kakulangan ng guro at mga libro. Kaya naman marami sa mga kabataan natin hirap makabasa, hindi makahabol sa kanilang pag-aaral. Tinutugunan natin ang lahat ng mga ito kasama ng DepEd at iba pang mga ahensiya, isa na riyan ang DSWD sa pamamagitan nitong programang “Tara, BASA!” na layuning matulungan ang mga bata na makahabol sa pagbabasa.
Sa ilalim ng “Tara, BASA!” nilinang natin ang husay ng ating mga college students upang maging mga tutor at youth development workers. Bilang tutor, sila ang tumutulong sa ating mga estudyante na gumaling ang kanilang pagbabasa. Kapalit nito, nahasa rin ang mga tutor sa pagtuturo at paglilingkod sa kanilang komunidad.
Kaya alam ninyo po, lahat ng kilala kong teacher, lahat ng kilala kong propesor—isa na doon iyong si First Lady, ang asawa ko, she has been teaching law for I think about 23 years mula noong naging governor pa ako—at lahat ng nakakausap ko na teacher, minsan nagturo din ako, kaya sang-ayon ako dito sa usapang ito that the teachers learn more than the students.
Every time you teach a class, you learn so much more because what you are teaching the students, alam mo na iyon. But, somehow students still find a way to find new things, to find different things that hindi mo naisip dati, hindi pa naituro sa iyo at ang naging estudyante mo, sila pa ang nagtuturo sa iyo. So, it is very much a symbiotic relationship between the teacher and the student and that is why this is such an important program.
Tinulungan din ng “Tara, Basa!” ang mga magulang ng ating mga mag-aaral, ginabayan sila ng mga youth development workers sa pamamagitan ng mga “Nanay, Tatay Session,” at siyempre ang higit na nakinabang dito ay ang mga estudyante natin na nangangailangan ng tulong. Hindi maikaila na ang pagbabasa ay pundasyon ng kaalaman at ng pag-uunlad. At sa tulong ng programang ito, kasama na ang Academic Recovery Program ng DepEd, panatag ako na mapupunan natin ang mga naging pagkukulang sa pagtuturo ng ating mga kabataan.
Sa loob ng dalawang taon mahigit tatlong daan apatnapu’t walong libong Pilipino ang nangangailangan na naabot ng programang ito. Isang programang tumutugon sa problema ng edukasyon at nagbigay kita sa mga college students at magulang, pinag-isipan at ipinatupad nang may malasakit at pagmamahal sa ating kapuwa lalung-lalo na sa ating kabataan. Ito po ang diwa ng “Tara, Basa! Tutoring Program”. Ito ang tunay na diwa ng serbisyo publiko.
Ang tagumpay ng Tara, Basa ay bunga ng pagkakaisa kaya sa magigiting na tutors at youth development workers, ipinapaabot ko ang aming taos-pusong pasasalamat sa inyo. Kayo ang bumubuhay sa programang ito.
Sa atin namang mga magulang, patuloy po ninyong itaguyod ang pagbabasa at pag-aaral ng ating mga anak. Kayo po ang una at pinakamahalagang guro na kanilang mararamdaman at matututunan sa kanilang buong buhay.
Sa ating mga mag-aaral, mga anak, nawa’y maging daan ang programang ito sa tuluy-tuloy ninyong pag-unlad.
Sa ating mga kasamahan sa DSWD at DepEd, paigtingin natin ang implementasyon nitong programang ito, itong “Tara, Basa Program”. Tiyakin natin na mas marami pa tayong maaabot, na mahihikayat at matulungan na ating kababayan.
Ngayong araw, ipinakita natin na kaya nating pagtagumpayan ang anumang hamon kung tapat tayong naglilingkod sa taumbayan at ginagamit natin nang tama ang salapi ng ating bansa.
Nais ko ring batiin ang ating mga guro ngayon dahil National Teachers’ Month. Para sa inyong tapat na paglilingkod at pag-aaruga sa ating kabataan maraming-maraming-maraming salamat.
Madalas ko nang nasabi iyan na talagang dapat ay tulungan natin ang ating mga guro dahil napakasimple lang iyan, ang ating kinabukasan ay ang ating kabataan.
Ang husay ng ating kabataan ay nasa kamay ng ating mga guro kaya’t kailangan talagang suportahan, kailangan talagang tulungan at kailangan pa nating kilalanin na sila ay isa sa mga bayani sa lipunan ng Pilipinas. Ang lahat ng inyong pagod ay magbubunga ng liwanag at pag-asa para sa lahat ng batang Pilipino. Ituloy ang pagbabasa, ituloy ang pag-asa, ituloy ang pagbuo ng mas maliwanag na kinabukasan para sa ating mga bagong Pilipino.
Muli, congratulations! Maraming salamat sa inyong lahat. Mabuhay kayong lahat! Mabuhay ang Bagong Pilipinas! Magandang hapon po sa inyong lahat.