Speech of President Ferdinand R. Marcos Jr. during Bawat Bayan Makikinabang: Zamboanga Peninsula
Maraming salamat, maraming salamat SAP (Special Assistant to the President] Anton Lagdameo sa inyong pagpakilala, maraming salamat po sa inyong lahat, sa inyong napakainit na salubong na binigay ninyo sa akin ngayong araw.
{magsiupo kayong lahat}
Ako ay natutuwa, kagaya ng sabi ng ating butihing Mayor, napapadalas na ang bisita ko rito sa inyo. Kasi mas Maganda, kasi mas maganda rito, pag pupunta ako dito, hindi kagaya doon sa Maynila, yung mga tao rito nakangiti. Sa Maynila medyo mas mahirap ang buhay siguro doon.
Anyway, andito po kami para ipamahagi ang ating tulong sa ating mga local government, lalong-lalo na sa ating mga barangay. Dahil ito po ay isang programa, nagbuo po kami ng pondo para sa socio-civic development programs.
Ito po ay programa na ating ginawa upang tulungan ang ating mga barangay officials at saka tinutukoy natin ito sa ating mga mag-aaral.
At itong pondo na ito ay gagamitin para sa ating mga magiging tawag Presidential Scholar.
Ito po, ito ipapaliwanag ko sa inyo. Meron po kami, dahil po ako mula nung ako ay naging gobernador, naging gobernador po ako mula nung 1998 hanggang 2007 sa Ilocos Norte.
At yung po ay, ang naranasan ko roon ay sinasabi ko parang hindi masyadong nag-uugnay ang national government at saka ang local government. Kaya sabi ko sayang naman, maraming magagaling sa local government, maraming magaling sa national government, dapat talagang sabay-sabay nagtatrabaho.
Kaya meron po kaming isang programa, yung LGSF, yan naman yung para sa local government support fund. Ito nagbigay tayo ng bigas sa ating mga nangangailangan na kababayan.
Ito naman ay hiwalay na programa ito. Ito talagang naka-direct ito sa ating mga bara-barangay.
Ito pong ginawa namin ay gumawa kami ng programa para bigyan ang bawat barangay ng 200,000 piso, bawat barangay.
Dahil po, nung governor ako, nagrereklamo yung mga barangay chairman namin, sinasabi, pagka hinihingi namin yung share namin, nangyayari na lagi nasasabi nauubos na eh, nauubos yung 10% namin, nagamit na nagkabagyo, nagkasakit, whatever, kung ano.
Hindi mo naman masisisi talagang alam ko naman local government, lagi naghahanap ng pondo yan dahil syempre, kulang lagi eh. Kaya’t sabi ko, bigyan natin pagkakataon naman ang ating mga barangay officials na makapaglabas ng kanilang sariling mga initiative.
Kaya ito po ang ginawa namin. Lahat ng barangay, hindi lang po rito, sa buong Pilipinas, lahat po ng barangay, binigyan po natin ng 200,000 pesos, lahat.
At ang hinihingi lang namin sa ating mga barangay official ay yung kalahati nun ay ibigay natin sa mga scholar. Yung pong mga scholar na yun ay tawag ngayon ay ang Presidential Scholar. Dahil ang kanilang scholarship ay nanggaling sa Office of the President.
Kaya po, so sabi namin, 200,000 ang ibibigay namin sa inyo, yung 100,000, gamitin ninyo para tulungan ang mga scholar natin, bawat barangay ay mamimili kayo ng lima. Limang scholar kada barangay, bibigyan natin ng tig-2,000 piso. At yun ay parang tulong sa kanila.
Ang sabi ko pa nga, mamili kayo yung mga nag-aaral na malapit nang magtapos, pero baka hindi makatapos dahil sila kulang sa pambayad, kailangan magtrabaho, kung ano man.
Kaya ito ay tulong para makapagtapos sila, dahil po napakahalaga ng ating edukasyon para lalo-lalo na para sa ating mga kabataan.
Kaya itong presidential scholar, meron kaming orientation na ginagawa minsan, yan ang lagi kong sinasabi są kanila, ito’y pakinabangan ninyo ng mabuti, yung 20,000 ay bibigay ng Office of the President sa inyo, pakinabangan ninyo ng mabuti, dahil napakahalaga nyan, napaka-importante na maging magandang training ninyo, na magandang pinag-aralan ninyo, meron kayong diploma o meron kayong magandang kaalaman para matulungan ninyo ang sarili ninyo, para sa mga buhay ninyo, para sa mga pamilya ninyo, para sa komunidad ninyo, at sa ganoong paraan natutulungan nyo yung buong Pilipinas.
Aahon tayo kapag magagaling ang mga kabataan na sumusunod sa atin. Sabi ko, kailangan matuto na kayo dahil itong magigiting na local executive na ito, pati na ako isama na natin hindi naman kami forever Eh malapit na kayo na. Kaya dapat handa kayo.
Kaya pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral, pagbutihin ninyo ang pagtrabaho kayo ng mabuti para talagang makakaipon kayo ng maraming kaalaman at maraming karanasan na magagamit ninyo sa inyong mga buhay.
At lagi kong ipinapa-alala sa ating mga scholar, sabi ko nga sa kanila, ang pinakamaganda dito sa aming ginagawa, dahil sa aking pananaw,
Ang edukasyon na ibinibigay ng pamahalaan sa taumbayan, sa mga kabataan, ay hindi ito pribilehiyo, para sa akin, ito ay karapatan.
Kaya”t dapat talagang gagawin ng pamahalaan lahat ng kayang gawin para tulungan ang ating mga estudyante, lahat ng mga mag-aaral. At napakaimportante po niyan dahil lagi kong ipinapalala sa ating mga estudyante, mga scholar, alam niyo, napakahalaga ng magandang marami kayong kaalaman.
At parang biyaya yan talaga na hindi kayang mawala. Hindi mawawala yan. Basta nakapag-aral na kayo, nakapagtapos na kayo, kung ano man ang pinag-aralan ninyo, ay nasa sa inyo yan. Yaman na ninyo yan.
Kahit ano pang mangyari sa buhay ninyo, hindi na makukuha sa inyo yan. Hindi nalulusaw yan, hindi kayang agawin ng kahit sino yan, hindi kayang nakawin ng kahit sino yan, habang buhay nasa sa inyo yan at magagamit ninyo yung kaalaman na yan, yung husay na matutunan ninyo sa mga eskwelahan, magagamit ninyo yan sa buhay ninyo araw-araw. Kaya pagbutihin ninyo.
Kaya sino ba yung mga presidential scholar? Meron ba tayong presidential scholar dito? Ito. O yung mga iba. Yan ang aking sinasabi sa inyo.
Gamitin ninyo nang mabuti itong 20,000 na ibinibigay namin para talagang magtapos kayo at maging magandang pag-aaral ninyo. Mag-aral kayo, magsipag kayo sa pag-aaral, magsipag kayo para sa school ninyo para maraming kayong magiging karanasan at marami kayong matutunan at napakaimportante niyan.
At pagdating ng panahon, alam nyo nung ka-edad ko kayo parang sabi ko, matagal pa yan, hindi pa naman darating yan, magugulat kayo. Hindi na tatagal yan. Nasa sa inyo na, nasa kamay na ninyo ang patakbo ng buong Pilipinas.
Hindi na ang gobyerno, kahit sa private sector, kahit sa public sector, kahit saan. Ito, kayo na ang haharap at kayo na ang hahanapin ng taong bayan para magpatulong kaya dapat ready kayo, dapat handa kayo, dapat marami na kayong alam na gawin, kabisado na ninyo patakbo kung saan man kayong sektor. At sa ganung paraan, marami kayong matutulungan.
Sa ngayon, we have, meron tayong ngayon mga 42,000 plus na barangay, more or less, 42,000 plus. Kung makapagbigay tayo ng ganitong klaseng pondo sa lahat ng barangay at gagawin po natin yan, hindi lang po dito, gagawin po natin sa buong Pilipinas yan. Pag nakapagbigay tayo nitong taon na ito, ang magiging scholar natin ay labis sa 200,000.
200,000 na makakapagtapos ay baka kung hindi sila nabigyan ng tulong, ay hindi sila nakapagtapos napakalaking bagay niyan.
Alam niyo po, pagka nagkaroon ng 200,000 scholars dito sa Pilipinas, ay mararamdaman kaagad na lumalago, gumaganda, umaahon ang ating ekonomiya, gumaganda ang ating mga komunidad, at sa ganoong paraan, hindi lang yung komunidad ninyo, kundi sa buong Pilipinas.
Kaya napakaimportante po nitong programa na ito. Ngayon, yun ang ginagamit po, yung po ang gagamitin doon sa kalahati ng 200,000.
Yung naiwan naman na 100,000, ay nasa sa inyo na yun. Kasi nasa initiative ng ating mga barangay officials pabayaan natin sila dahil ay, lagi kong sinasabi, sa aking pananaw, wala nang mas marunong, mas alam ang sitwasyon doon sa kanilang lugar, kung hindi ang mga local government officials.
Kaya’t bawat barangay, ang eksperto sa barangay, yung mga barangay officials, alam nila yan, kahit saang sulok, kabisado nila, lahat ng tao, kilala nila, at alam nila ang problema. Pero itong pinakamaganda, sabi ko, yun na nga sinabi ko, dapat magbigay tayo, sabi nung pinagusapan namin ito, tinatanong, anong gagawin? 100,000 bibigyan natin ng scholar.
Anong gagawin doon sa 100,000 pa? Sabi ko, pabayaan mo na sa chairman, mga barangay official dyan bahala na kayo, kayo na ang bahala sa inyo gagamitin ang 100,000 na yan.
At may iba-iba yung mga napuntahan, nakapagbigay na po tayo doon sa sinasabi kong 42,000 plus na barangay, nakapagbigay na po tayo halos 20,000 ay napigyan na nito ng tawag na socio-civic development fund. Ito po ay patuloy natin gagawin at maganda ang magiging resulta nito.
Yung ibang pinuntahan namin bumili ng bigas, yung iba bumili ng motosiklo, yung iba, pinagawa yung water system, yung kung ano-ano. Pero nasa sa inyo na yun. Dahil alam niyo eh. Alam niyo, alam niyo. Yan ang sinasabi ko mula nung naging congressman ako, mula nung umalis na ako bilang gobernador.
Sinasabi ko lagi sa mga kasamahan ko, makinig kayo sa local governor, sinasabi ko lagi są kasamahan ko, makinig kayo sa local government, dahil ang inaakala puro problema lang ang dinadala sa amin, hindi kasi kayo nakikinig.
Makinig kayo, nagdadala nga ng problema pero kadalasan may solusyon dahil alam din nila kung paano ayusin ang problema. Kailangan lang ng konting pondo.
Kaya yan po ang ating ginawa para bigyan natin ang ating bawat level. Ito po, meron yung LGSF, nagbigay tayo sa probinsya. Nagbigay tayo sa mga lungsod. Nagbigay tayo sa mga bayan. Ito naman para sa mga barangay.
Para naman ang local government natin ay empowered na meron silang magawa. Hindi lang naghahanap ng pondo lagi wala na, wala silang nagawa dahil wala na hawak na pera, dito po palagay ko basta’t pagandahin po natin.
At sinasabi ko nga sa ating mga local official, tungkol sa LGSF at saka doon sa socio-civic development fund. Ang sinasabi ko, pag maging maganda ang takbo ng programang ito at ng programa doon sa LGSF, kung maganda yan, titiyakin ko sa budget ng 2027, palakihin pa natin ang bibigay natin.
Patunayan natin sa ibang mga ahensya ng national government na magaling din naman ang mga local government. Akala niyo kayo lang, maraming magaling sa local government. Marami akong kilala sikat sa local government.
Kaya’t ito, patuloy natin gawin, ayusin natin, gamitin natin ang tama, tulungan natin lahat ng mga nangangailangan ng tulong.
Alam niyo po, ang isa pang naging polisiya ko, personal na policy, ay sinasabi ko, hindi lang naman ang national government nag uutos sa inyo na ng gawin niyo ito, gawin niyo yan, gawin niyo ito. Nakikinig din kami sa inyo. Kapag may kailangan kayo, kapag may nakikita kayong problema, sabihin ninyo sa amin, sabihin ninyo sa mga local government officials, sabihin mo sa mga barangay officials, sabihin mo sa bawat ahensya ng national government.
Kung kaya namin gawin ang hinihingi ninyo, gagawin namin. Basta hanggat kaya ng pamahalaan makatulong sa inyo sa kahit na anong paraan, ay basta’t sinabi ninyo na kailangan ninyo ito at kaya namin ibigay, gagawin po natin.
Asahan ninyo na ang inyong pamahalaan ay nandito nakikinig sa inyo at kami po hindi walang— ano bang kasabihan ito “ walang iwanan ito” bastat lagi tayong mag uugnay, lagi tayong magandang kooperasyon, palagay ko marami tayong matutulungan, yung mga naghihirap, matutulungan natin, yung mga me problema maaalalayan natin at kahit paano, kahit paano ay maramdaman ang serbisyo na dinadala ng pamahalaan.
Yun lamang po, patuloy nating gawin lahat ito, nandito po ang pamahalaan ninyo nasa tabi ninyo, nasa likod ninyo.
Maraming salamat, magandang hapon po.
END