Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. during the Expanded Pambansang Pabahay Para Sa Pilipino (4PH) Milestone Event and Celebration of DHSUD’s 7th Anniversary
Maraming salamat sa ating Kalihim ng ating DHSUD, Secretary Jose Ramon Aliling.
[Magsiupo po tayo.]
Nandito rin po ang ating DTI na secretary, Secretary Cris Roque; at ang ating mga – ang leadership ng Lalawigan ng Rizal. Nandito po First District Representative Rebecca Maria Ynares[applause]; and Rizal Provincial Governor Nina Ricci Ynares-Chiongbian [applause];
Taytay Municipal Mayor [Allan] Martine De Leon; Megawide Construction Corporation President and CEO Edgar Saavedra [applause]; the President of the University of the Philippines, Atty. Angelo Jimenez [applause].
Ito ang pinakamahalaga sa lahat dahil siya ang nagpo-provide ng pondo natin at dito – para dito sa mga malalaking proyekto na ito, ang Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta [applause]; ang General Manager po ng National Housing Authority, Joeben Tai [applause]; ang – isa pa ‘to na sa napakahalaga para – na tumutulong dito sa mga proyekto nating ganito, Social Housing Finance Corporation President and CEO Federico Laxa [applause]; at ang mga pinakamahalaga na bisita natin ngayong umagang ito, ang mga benepisyaryo at stakeholder ng iba’t ibang – na iba’t ibang mga proyekto sa ilallim ng Expanded Pambansang Pabahay Program Para sa Pilipino o ‘yung tinatawag na 4PH, ang ating mga beneficiaries [applause]; ang ating mga kasamang lingkod-bayan, magandang umaga po sa inyong lahat.
Ngayong araw, sabay dito sa ating programa na ito, ginugunita natin ang ika-pitong anibersaryo ng Department of Human Settlements and Urban Development.
Sa bisa ng Republic Act No. 11201, ang kagawarang ito ay itinatag noong ikalabing-apat ng Pebrero 2019.
Siguro tama lang din na tuwing Valentine’s Day ang inyong anibersaryo dahil ang pagbibigay ng maayos na tahanan sa bawat Pilipino ay isang labor of love. [applause]
Alam natin na sa mahabang panahon, hindi naging madali ang pangarap na ito.
Maraming kababayan pa natin ang nangungupahan nang walang katiyakan. Ang iba naman, walang sapat na proteksyon ang tirahan laban sa sakuna.
Ang mga hamon na ito ang patuloy na tinutugunan ng DHSUD.
Mula noon, ang DHSUD ang nagsisilbing pangunahing ahensya ng pamahalaan na responsable sa pamamahala, pagpaplano, at koordinasyon ng mga programa para sa pabahay at urban development sa buong bansa.
Mas lalong naging makabuluhan ang selebrasyong ito dahil sa pag-award natin sa ating mga benepisyaryo ng pabahay mula sa iba’t ibang housing modality sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program o ‘yung 4PH.
Natunghayan natin ang pagkakaloob ng mga symbolic key para sa mga benepisyaryo ng verticalat horizontal housing.
Nagbibigay din tayo ng Certificate of Lot Award at cheque na magagamit ng mga pamilya para sa land at site development sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program o ‘yung tinatawag ECMP.
Iginawad naman natin ang Certificate of Entitlement para sa mga benepisyaryo ng Presidential Proclamation na deka-dekada nang inaantay ang araw na ito.
Sila po ang mga kinatawan ng mga pamilyang natulungan natin na makamit ang pangarap na panatag sa lupang tinitirhan at bagong pag-asa sa bagong tahanan.
Nawa’y alagaan ninyo ang inyong mga bahay at punan ito ng maraming magagandang alaala kasama ng inyong mga mahal sa buhay.
Ang mga tagumpay na ito ay bahagi ng ating masinsinang pagpapatupad ng programa ng pabahay.
Mula Hulyo ng 2022 hanggang Enero ng 2026, tayo ay nakagawa at nakapag-finance ng higit apat na raan at dalawampu’t tatlong libong housing unit.
Malayo na ang ating narating, ngunit patuloy pa rin tayong nagsisikap upang maabot ang ating target na bahay sa mga susunod pa na taon.
Kasabay ng pagpapabilis ng konstruksyon ng mga ito, pinalalakas din natin ang mga mekanismo upang mas maging magaan ang pagkuha ng tahanan.
Dahil sa mga reporma sa Pag-IBIG Fund, naibaba ang interes sa mga housing loan. Mas dumami ang ating mga kababayan na nakikinabang sa mga programang ito.
Sa tulong naman ng subsidy mula sa pamahalaan, mas maraming pamilya na ang may pagkakataong magkaroon ng sariling [bahay].
At hindi – hindi po kami titigil dito.
Ang pagbisita natin sa precast plant na ito ay isang hakbang patungo sa pagbuo ng mga tahanan sa ating bansa, gamit ang makabagong teknolohiya.
Dito po ay ating natunghayan ang isang napakahalagang proseso kung paano mas mapabilis ang produksyon ng mga housing unit.
At layunin natin na ang bawat Pilipino ay magkaroon ng bahay na ligtas, na disente, at abot-kaya.
Gagawin po namin ang lahat ng aming kakayahan upang hindi lamang itong plantang itong nakikita ninyo ngayon kung hindi madagdagan pa at maparami pa upang mapabilis ang konstruksyon at maparami ang aming maibibigay na tahanan.
Kaya akmang-akma ang tema ng anibersaryo ng DHSUD ngayong taon: Seven Years of Continuing Service: Celebrating Our People and Partners in Building Homes, Building Communities, and [Building] Happiness.
Sa Bagong Pilipinas, malinaw na walang pamilya ang dapat mapag-iwanan sa ating pag-unlad.
Kaya patuloy na magtutulungan ang pamahalaan at pribadong sektor upang pabilisin ang produksyon, ayusin ang proseso, at palawakin ang saklaw ng ating mga programa, lalo na ang Expanded 4PH Program.
Bagaman lumipas na po ang Valentine’s Day, ang pag-ibig po natin sa serbisyo ay hindi magtatapos.
Habang may Pilipinong nangangarap ng sariling tahanan, patuloy na kikilos ang pamahalaan upang suportahan ang pangarap na ito.[applause]
Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat.
Mabuhay ang DHSUD!
Happy Birthday ang DHSUD!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
[applause]
— END ––