Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families in Aurora
Maraming salamat sa ating kaibigan. [applause]
[Magsi-upo po tayo.]
Hindi ko na malaman kung anong — paano ko siya tatawagin kung Senator ba o Secretary dahil siya ang papasok sa Secretary ng Department of Education dahil noong umalis po si Vice President Sara, iniisip namin kung sino ba talaga. At kagaya ng kanyang nabanggit ay napakaraming problema at kailangan ayusin sa Department of Education.
Kaya noong naghahanap kami ng kapalit ay ‘ka ko, palagay ko alam ko na kung sino dapat ang ilagay diyan na marunong — marunong at masipag at nakakaunawa sa mga problema at naiintindihan, nauunawan niya kung papaano paandarin ang gobyerno para magawa lahat ng kailangan gawin. Ang ating parating, Senator Sonny Angara na parating na Secretary ng Department of Education. [applause]
Kasama ko rin po ang ibang mga kalihim ng iba’t ibang departamento. Ang lead agency po dito sa ating mga ginagawa, ang Department of Agriculture, nandito po si Secretary Kiko Laurel [applause]; at ang lahat ng ating mga — lahat po ng ating mga nangangailangan ng tulong. Ito pong Secretary po na ito ay kilala po ninyo pero palagay ko nakikita niyo lang siya kapag may bagyo, kapag may baha, pagka naglindol o pumutok ang bulkan. Ngunit, sinabi namin itong dumaan na El Niño, itong tagtuyot, itong kahirapan na dinadaanan ng mga magsasaka at ng ating mga mangingisda ay krisis din ito. Kaya’t sinama po natin at tumutulong po sa atin ang DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian. [applause]
Nandito rin po ang Special Assistant to the President. Siya po’y aming troubleshooter. Ito po si Secretary Anton Lagdameo [applause]; ang ama ng lalawigan ng Aurora, ang ating butihing Gobernador, Governor Reynante Tolentino [applause]; ang Lone District Representative na sinasabi pala sa akin ni Senator Angara ay kasama pala namin noong mag-classmate kami sa House of Representatives noong pareho kaming congressman. Nandoon ka pala sa House din at nagtatrabaho rin. Ang ating Congressman, Congressman Rico Angara [applause]; ang Mayor na ating host ngayon dito, ang Mayor ng Baler, Mayor Rhett Ronan Angara [applause]; at nakita ko po nandito po lahat ng ating mga mayor ng — lahat ng mga mayor ng iba’t ibang bayan; ang pinakamahalaga at pinaka-importante na bisita natin ngayon ay kayo po, ang mga beneficiary ng ating ibibigay, ipapahandog na mga tulong [applause]; aking kasamahan sa pamahalaan; ating mga kaibigan; ladies and gentlemen, magandang umaga po sa inyong lahat; ken dakayo nga tiga-amianan nga ayayatek nga kailyak, naimbag nga bigat yu amin. (At kayong mga taga-norte na minamahal kong mga kababayan, magandang umaga sa inyong lahat) [applause]
Sa bawat umaga dito sa Aurora, bumubungad po ang araw sa kagandahan ng ating mga bukid at dagat, mga obra ng ating Maykapal na siya namang [nililinang] ng ating mga magsasaka at mangingisda.
Subalit ang haring araw na nagpapayabong sa ating mga pananim, ay siya rin ang nagdala ng matinding pagsubok sa atin kamakailan lamang.
Matinding init ang dinanas ninyo dahil sa El Niño na nagdulot ng malaking pinsala sa maraming lugar dito po sa Region 3, at ikinasira [ng] mga pananim na umabot sa mahigit tatlong daan at animnapung milyong piso ang nawala sa hanapbuhay ng inyong mga magsasaka at ang ating mga mangingisda.
At hindi pa man humupa ang dalang hirap ng El Niño, nagkaroon naman tayo ng mga engkwentro sa pagitan ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas at ang mga grupo [sa] Dipaculao at Maria Aurora.
At ang mga insidenteng ito ay [nakaapekto] sa higit tatlong libo at anim na raang pamilya sa labing-apat na barangay sa [mga] nasabing lugar.
Bilang tugon, ang DSWD Region 3 at ang mga lokal na pamahalaan ay [nagbigay] ng relief assistance na nagkakahalaga ng isang milyon at dalawang daang libong piso sa mga apektadong pamilya at indibidwal.
Kaya po kami nagpunta rito ngayon ay upang magbigay ng kaunting tulong sa ating mga magsasaka, mangingisda, at ang kanilang mga pamilya na labis na naapektuhan ng mga nagdaang [tagtuyot].
Bilang pambungad, masaya ko pong ibinabalita sa inyo na magbibigay ang ating Tanggapan — ang Office of the President — ng [tig-sampung] libong piso para sa bawat benepisyaryong magsasaka, mangingisda, at mga pamilya na naapektuhan ng krisis. [applause]
Ang [kabuuang] halaga ng sampung milyong piso para sa isang libong benepisyaryo ay ipapamahagi natin sa tulong ng inyong pamahalaang panlalawigan.
Sa pangunguna ng DSWD, mamamahagi din po tayo ng [tig-sampung] libong piso para sa sampung libong benepisyaryo sa ilalim ng AKAP Program. [applause]
Ang pamahalaang lokal ng lalawigan ng Aurora naman ay mamamahagi [rin] ng [tig-limang] kilong bigas para sa lahat ng dumalo sa araw na ito. Kayo pong lahat na nandito ngayon. [applause]
Ngunit po, hindi natatapos diyan ang tulong na dala namin sa inyo.
Sa pangunguna ng ating Kagawaran ng Agrikultura, magbibigay tayo ng ilang yunit ng traktor, multi-tiller cultivator, pump [and] engine sets, hammer mill, cassava granulator, at ilan pang kagamitang pansaka.
Mamamahagi din tayo ng mga fertilizer discount voucher, rice farmers financial assistance voucher, at fuel assistance card sa ating mga magsasaka.
Isang animal quarantine facility na nagkakahalaga ng sampung milyong piso rin ay ipagkakaloob natin ngayon sa inyong lokal na pamahalaan.
Maglalaan din po tayo ng pondo na nagkakahalaga ng dalawampu’t limang milyong piso na pautang para sa ating mga mangingisda at magsasaka. [applause]
Ang BFAR naman ay magbibigay ng bangka, payaw, tuna handline, bottom set longline, at gill net para sa ating mga benepisyaryong mangingisda. [applause]
At upang maging maayos ang pagbili ng inyong nahuling isda, magbibigay din tayo ng fish vending equipment na nagkakahalaga ng pitumpu’t limang libong piso. [applause]
Hindi po magpapahuli ang DOLE na magbibigay ng halos apat na [raang] libong piso para sa ating mga benepisyaryo ng Integrated Livelihood Program. [applause]
At siyempre nandiyan din po ang TESDA na [naglaan] ng higit isang milyon at pitong daang libong piso para sa scholarships at halos limang daang libong piso para sa training support fund. [applause]
At ngayon naman, na [paparating] na ang tag-ulan, nakahanda na rin po ang inyong pamahalaan sa anumang magiging epekto nito.
Mayroon na tayong naka-pre-position na relief supplies na nagkakahalaga ng higit isangdaan [at] walumpung milyong piso para sa buong Region 3.
Natapos na rin ang Aguang River Flood Control Structure Project sa Baler. [applause] Ito po ay makakatulong upang mapigilan ang matinding pagbaha at malaking pinsala na dulot ng pag-apaw ng Aguang River.
Sa puntong ito, nais ko rin pong ibalita ang ilan sa ating mga proyekto at inisyatibo na ginagawa dito sa probinsya ninyo sa Aurora.
Kabilang sa mga proyektong ito ay ang pagpapa-semento ng daan na nag-uugnay sa mga taniman ng niyog mula sa bayan ng Dinalungan patungo sa iba’t ibang pamilihan sa lalawigan ng Aurora. [applause]
Halos kalahati na rin ang natapos natin sa pagpapagawa ng Dingalan–Baler Road Project na [nagkakahalaga] ng mahigit apat na bilyong piso. [applause]
Ito po ay direktang mag-uugnay sa dalawang tanyag na bayan ng Aurora upang mas mapabilis [pa] ang daloy ng kalakal, transportasyon, at turismo sa inyong lugar.
Isa ring hinahanapan natin ng solusyon ay ang mga inabandonang proyekto ng APECO na nagkakahalaga ng halos walong daang milyong piso.
Sadyang napakalaking kasayangan ang nangyari po rito na sana ay ngayon ay pinapakinabangan na ng mga mamamayan ng Aurora.
Kasalukuyang [inaaksyunan na po ito ng] ating APECO President at CEO na si Gil Taway IV at napagdesisyonan na na itigil at i-rebid [na] ang mga kontrata upang tuluyan nang matapos ang mga proyekto sa lalong madaling panahon. [applause]
Bukod dito, patuloy din ang pagbabalangkas natin sa paggawa ng Baler Airport Development Project. [applause] Mahalaga ito upang maaari nang makatanggap ng mas [malalaking] eroplano at dumami pa ang pasahero na kaya nitong pagsilbihan.
Nito Hunyo lamang, naayos na po ng CAAP ang [pagbili sa] mga lupa na kailangan natin para dito [at] ngayong Agosto nakatakdang ilabas na ang pondo sa mga may-ari ng lupa ng mga ‘yan upang masimulan na ang ating konstruksyon.
Matapos nito, ang pagpapagawa naman ng Passenger Terminal Building ang ating isusunod.
Sa mamamayan ng Aurora, [applause] sana po ay maramdaman naman ninyo ang aming pagkalinga [at] pagmamahal sa inyo.
Muli ko pong [pinasasalamatan] ang ating mga bayani sa agrikultura at pangisdaan dito sa Aurora.
Sa bawat punla [na] inyong tinatanim, sa bawat huli sa karagatan [na] inyong hinahango, binibigyan ninyo ng sigla ang ating pang-araw-araw na buhay.
Nawa’y magsilbing inspirasyon ang mga dala naming tulong upang lalo pa ninyong pag-ibayuhin ang inyong pagtulong sa ating bayan.
Sa ating pagkakaisa, maitataguyod natin ang ating sektor ng agrikultura at pangisdaan upang mapaunlad ang ating komunidad at ang ating bayan.
Bilang isang bansa, tayo ay magsama-sama, tayo’y magtulungan, at magkaisa sa pagtataguyod ng isang Bagong Pilipinas — ang isang Pilipinas na mas matatag, mas maunlad, [at] mas makatao para sa bawat Pilipino.
Mabuhay kayong lahat! [applause]
Mabuhay ang mangingisda ng Aurora! Mabuhay ang ating mga magsasaka ng Aurora! Mabuhay po kayong lahat! Marami pong salamat at magandang umaga po sa inyong lahat.
Dios ti agngina kadakayo amin. [applause]
— END —