Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Opening Ceremony of the 2026 Palarong Pambasa (Delivered by Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr. )

Speeches 24 May 2026

Ngayong taon, 18 rehiyon ang kinakatawan para sa 2026 Palarong Pambansa.

Kasama rin sa pagdiriwang na ito ang mga kinatawan ng National Academy of Sports o NAS at Philippine Sports Overseas.

Hindi lang para sa paligsahan, kundi upang ipagdiwang ang galing, talento, at sipag ng mga kabataang Pilipino.

Kayo ang mga pinakamagagaling na student-athletes sa inyong mga paaralan.

Narinig ko na kilala ang Caraga bilang “land of the brave and fierce people.”

At alam kong ipapamalas ang mga katangiang ito ng bawat atletang kalahok dito, saan mang lugar sila nagmula.

Ang tema natin ngayong taon ay “Unlocking the Future Through Sports.”

Bakit nga ba mahalaga ang sports sa pagpapalago ng ating bansa? Para sa akin, simple lang.

Sa sports, hindi lamang lakas ng katawan ang hinuhubog, kundi ang disiplina, teamwork, respeto, at tibay ng loob.

Pinalalakas natin ang mga School Sports Clubs sa buong bansa bilang pangunahing daan ng pakikilahok sa organisadong sports at pisikal na aktibidad sa ating mga paaralan.

Namamahagi rin tayo ng sports equipment sa mga paaralan upang mas maayos ang training ng ating mga atleta.

Mahigit 6,000 paaralan ang nabigyan ng DepEd ng mga sports supplies at equipment mula 2022 hanggang 2025.

Marami pa tayong bibigyang paaralan ngayong taon.

Sa pagtutulungan ng DepEd at Philippine Sports Commission o PSC, nabuo ang “Grassroots to Gold” Program upang masuportahan ang mga batang atletang Pilipino mula sa paaralan hanggang sa mas mataas na antas ng paligsahan.

Nakikita na natin ang bunga ng mga pagsisikap na ito.

Sa pandaigdigang entablado, pinatunayan ng ating mga mag-aaral na atleta ang kanilang husay at kumpiyansa na makipagsabayan sa mundo.

Noong nakaraang ASEAN School Games sa Brunei, nagpakita ng husay ang ating mga mag-aaral na atleta.

Nakapag-uwi sila ng 43 medalya.

Ilan sa ating mga atleta ng NAS ay nakipagpaligsahan din sa Asian Youth Games, kung saan nagkamit tayo ng medalya sa taekwondo.

[Namayagpag] din ang ating mga kabataang manlalaro sa table tennis noong 2024 World Table Tennis Youth Contender, habang ang NAS swimming team ay nangibabaw sa Asian Open Schools Invitational Youth Swimming Competitions noong 2024 at 2025.

Patunay ang mga ito na kapag sinusuportahan natin ang kabataang Pilipino, kaya nilang makipagsabayan sa mundo.

Bago tayo magtapos, pinasasalamatan ko ang DepEd, ang PSC, mga guro, coaches, volunteers, magulang, at lahat ng tumulong upang maisakatuparan ang Palarong ito.

Sa ating mga kabataang atleta, ito ang hiling ko sa inyo: Mag-enjoy kayo sa paligsahang ito. Ibigay ninyo ang buong puso sa paglalaro.

Lumaban nang may dangal at igalang ang kapwa ninyong atleta.

Sa mga mananalo, nawa’y dalhin ninyo ang medalya nang may kababaang-loob. Maging inspirasyon ninyo ang pagkapanalo para sa mga susunod pang laban.

Sa mga hindi mananalo sa Palarong ito, huwag kayong mawalan ng pag-asa. Ang bawat pagkatalo ay hindi wakas, kundi isang hakbang upang lalo pang tumatag, matuto, at magtagumpay.

Dalangin ko ang tagumpay ng ating mga atleta. Daghang salamat.

Mabuhay ang ating mga atleta!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

— END —