Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Mass Oathtaking of Teachers and School Heads in Caraga Region (Delivered by Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr. )

Speeches 24 May 2026

Binabati ko po ang lahat ng mga taga-Caraga Region—isang rehiyong pinagpala sa ganda ng kalikasan at tahanan ng masisipag nating kababayan, tulad po ng ating mga guro at school heads na nanunumpa sa araw na ito.

Matagal ninyong hinihinntay ito. Dahil sa mahabang panahon, alam nating nahihirapan kayo sa bagal ng promotion.

Taon ang hinihintay, ang iba, dekada na, bago magkaroon ng pagkakataong umangat mula Teacher I patungong Teacher III o sa mas mataas pang posisyon.

Dahil limitado noon ang oportunidad para sa career advancement, maraming mahusay na guro ang nananatili sa parehong posisyon.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit natin isinulong ang Expanded Career Progression or ECP System.

Sa ilalim ng sistemang ito, mas malinaw na ngayon ang landas para sa pag-angat ng ating mga guro.

Mayroon nang dalawang direksyon na maaari ninyong tahakin: ang classroom teaching o ang school administration.

Mas pinalawak nito ang mga oportunidad na akma sa inyong kakayahan at piniling trabaho.

Simula noong Agosto 2025 hanggang ngayon, halos 80,000 teachers at school heads sa buong bansa ang na-promote sa ilalim ng ECP System.

Sa bilang na iyan, mahigit 1,500 guro ay mula rito mismo sa Caraga Region.

Kasama na rito ang 91 guro na dating Teacher I ang posisyon. Ang [23] sa kanila—na longest-serving teachers—ay sa wakas na-promote na rin.

Congratulations on your well-deserved promotion. [applause]

At muli ko pong uulitin ang aking pangako noong SONA: wala nang public school teacher ang magre-retire na Teacher I.

Simple lang ang hangarin natin. Gusto naming maramdaman ninyo na ang inyong sipag at sakripisyo ay kinikilala, binibigyang-halaga, at sinusuportahan ng pamahalaan.

Kaya’t marami pa tayong ipapatupad na programa para sa kapakanan ng ating mga guro. Inaprubahan na ang halos 33,000 bagong teaching positions ngayong 2026.

Inaasahang makatutulong itong mabawasan ang teaching backlog sa buong bansa.

Noong April 30, mahigit 60,000 teaching positions ang napunan. Nasa 97.67 percent na tayo, at gagawin natin iyang 100 percent sa lalong madaling panahon.

Para naman makatulong sa pagpapagaan ng trabaho, binawasan natin ang mga administrative paperwork na matagal nang inaangal ng ating mga guro.

Minsan nga raw, parang mas maraming oras pa ang ginugugol para mag-sumite ng papel kaysa gumawa ng lesson plan.

Kaya, nagdagdag tayo ng mga Administrative Officers at Project Development Officers upang mas maituon ninyo ang inyong oras at lakas sa pagtuturo.

Hindi lang mga posisyon ang dinagdag natin, pati na rin ang mga benepisyo.

Hindi lang estudyante ang may summer break, dapat kayo rin.

Kailangan ninyong magpahinga at i-enjoy ang inyong 30 araw na uninterrupted annual vacation service credits.

Ibinigay na rin natin ang PhP10,000 na teaching allowance bilang dagdag suporta sa inyong pang araw-araw na gastos.

[applause]

Pinalawak na din ang coverage ng Special Hardship Allowance para sa mga magigiting nating guro at DepEd personnel na nasa malalayong lugar.

Mga Ma’am at Sir, hinding-hindi ako magsasawang magpasalamat sa inyong pagmamahal, dedikasyon, at pasensya.

Totoo naman na ibang klase ang pasensya ng mga guro. Minsan, sariling magulang na ang sumusuko sa kakulitan ng mga anak nila. Pero ang mga teacher, tuloy pa rin!

Kayo po talaga ang humuhubog sa mga kabataang Pilipino na maging disiplinado, marespeto, at matatag.

Kaya habang kayo ay nanumpa ngayong araw, isapuso ninyo rin ang dakilang tungkulin na hubugin ang kinabukasan ng ating bayan.

Makakaasa kayo na narito ang inyong gobyerno, katuwang ninyo sa pag-angat ng inyong trabaho at ng inyong pamumuhay.

Daghang salamat kaninyong tanan.

Mabuhay ang mga guro at mabuhay ang Bagong Pilipinas!

— END —