Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Mass Oath-taking Ceremony of Newly Promoted and Newly Hired Education Personnel of Department of Education (DepEd) Region II

Speeches 2 October 2026

Maraming, maraming salamat sa ating Education Secretary, DepEd Secretary Sonny Angara. [Magsi-upo po tayo.]

Babatiin ko po ang favorite son ng Isabela, ang ating House Speaker, House Speaker Bojie Dy; the Isabela 4th District Representative Congressman Joseph Tan; Isabela 1st District Representative Tonypet Albano; Santiago City Mayor Alyssa Sheena Tan-Dy; and ang pinakaimportante na bisita natin dito sa okasyon na ito, ang ating mga newly promoted and newly hired education personnel and teachers of DepEd Region II; [applause] nandito rin ang ating butihing mayor ng Echague Mayor Faustino “Inno” Dy and the other members of local government units; my fellow workers in government; beloved residents of Santiago City.

Naimbag a bigat kadakayo amin. (Magandang umaga sa inyong lahat.)

Napakagandang pagkakataon na nagtitipon tayo habang ipinagdiriwang ang National Teachers’ Month. Kaya, Happy National Teachers’ Month po sa inyong lahat. [applause]

Alam ko, mula mismo sa aking pamilya, kung gaano kalaki ang katungkulan na pasanin ninyo araw-araw. Ang aking asawa ay tatlong dekada na na nagtuturo. Ang aking ina at lola ay primary school teachers naman. Nakita ko kung papaano sila magmahal ng kanilang mga estudyante.

Masarap sa pakiramdam na makasama kayo ngayong araw, ating mga guro. [applause]

Hindi na po mabilang kung ilan ang mass oath-taking ng mga guro at school heads na ating dinaluhan. Pero sa bawat pagkakataon, hindi talaga ako nagsasawa.

Lalo na kung ang ipinagdiriwang natin ay isang mahalagang tagumpay ninyo: ang inyong pag-angat sa inyong propesyon. [applause]

Noon, kapag pumasok ka bilang Teacher I, aabutin ka ng sampu hanggang dalawampung taon bago ka pa makarating ng Teacher III. Mula naman sa Teacher III hanggang Master Teacher I, ganoon din katagal.

Kaya nangako ako sa ating mga guro: hindi na tayo papayag na mayroong guro na magre-retire bilang Teacher I. [applause]

Dahil sa aming pananaw, hindi naman tama na ibinibigay ninyo ang napakalaking bahagi ng inyong buhay sa pagtuturo, tapos hindi kayo uunlad sa inyong propesyon.

Kaya sa pamamagitan ng Expanded Career Progression o ECP System, dinadagdagan natin ang mga pagkakataon para kayo ay ma-promote at umangat sa inyong napiling larangan.

Base sa ating huling tala noong Setyembre, lagpas walumpu’t dalawang libong guro at school heads na sa buong bansa ang na-promote. Well deserve naman bawat isa dyan. [applause]

Ngayong araw, 4,125 naman ang guro at ibang education personnel dito sa Region II ang nanumpa sa inyong mga bagong posisyon.

Patuloy po rin ang suporta namin sa inyo. [applause]

Binawasan natin ang administrative work at pinabuti ang benepisyo ng ating mga guro.

Nakikita na natin ang bunga ng lahat ng ito at ng inyong pagsisikap. Napapag-usapan at nakakatiyak naman ako na nabalitaan ninyo, sa PISA 2025, tumaas ang score ng Pilipinas sa Reading, sa Science, sa Mathematics kumpara noong 2022. [applause]

Kaya, marami pong salamat sa lahat ng ating mga guro, ating mga principal.

Kasabay ng pagpapahusay natin sa kalidad ng edukasyon, mahalaga na matiyak na ligtas ang ating mga paaralan.

Nakakabahala at nakakalungkot ang mga nangyayari sa seguridad sa ilang mga paaralan sa ating bansa.

Kaya patuloy tayong nakikipagtulungan sa mga guro, magulang, at komunidad upang mapanatiling ligtas ang ating mga kabataan.

Mamaya, pupunta kami sa Patul Elementary School para sa rollout naman ng Kaagapay Program dito sa Region II. Makakatulong ito sa mga magulang upang makilala ang senyales ng bullying, abuse, online risks, at iba pang banta sa kaligtasan ng kanilang mga anak.

Sa ating mga teacher, mahalaga ang tulong ninyo upang matugunan natin ang hamong ito. Hindi lamang kayo nagtuturo ng aralin, kayo ang gumagabay, nag-aalaga, at tumutulong humubog sa kinabukasan ng kabataang Pilipino.

Kaya asahan ninyong patuloy kayong susuportahan ng Administrasyon na ito. [applause]

So, to all our newly promoted teachers and school heads, congratulations muli sa inyong lahat!

Agyamanak unay kadakayo amin. (Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat.)

At muli, congratulations at Happy National Teachers’ Month sa inyong lahat!

Mabuhay ang ating mga guro! Mabuhay ang Bagong Pilipinas. [applause]

— END —