Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Groundbreaking of Naga City’s Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Project
Thank you very much. [Please take your seats.]
Maraming salamat sa ating Human Settlements and Urban Development Secretary, Secretary Jerry Acuzar; the father of province – I just like saying it – [Gov. Villafuerte: Thank you, Mr. President.] tinutukso ko ‘yung inyong governor kasi sinasabi ko “the father of the province” naninibago ako kasi noong una ko siyang nakilala batang-bata pa ito, ngayon father na siya ng kanyang probinsiya [applause], our good Governor, Governor Luis Raymond Villafuerte; the Camarines Sur 5th District Representative Migz Villafuerte; the members of the Cabinet who are here with us today; Naga Mayor Nelson Legacion; ang ating mga Sangguniang Panlungsod na miyembro na pinamumunuan ng ating Bise Mayor, Naga Vice Mayor Cecilia De Asis; ang mga benepisyaryo ng Naga City sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Project; and my fellow workers in government; other distinguished guests; ladies and gentlemen; marhay na hapon saindo gabos [applause]
Buong galak po ang ating pagsalubong sa araw na ito upang pasinayaan ang proyektong pabahay dito sa Barangay Balatas sa Lungsod ng Naga.
Sa lugar na ito, itatayo natin ang pitong gusali na binubuo ng higit isang libo at isang daang (1,100) matitirhan.
Bukod sa mga gusali na ipapatayo dito, titiyakin natin na ang mga naninirahan dito ay magkakaroon ng sapat na oportunidad upang makapag-hanapbuhay at kumita.
Gagawa din tayo ng mga paraan upang mapalapit ang pamilihan, paaralan, at pagamutan. Ngunit itong trabaho na ito sinasabi ko sa inyo, sinasabi ko sa Mayor ninyo at ‘yung mga ibang aming project na ginagawang housing dahil nga human settlement ang ginagawa namin, kami ang naglalagay ng palengke, ng bilihan, kami ang maglalagay ng eskuwelahan. Dito nagawa na ninyo. [applause] Kaya nasa amin na lang ‘yung pabahay. [applause] Kaya’t pagka ganyan ay maganda ang pagbuo ng tinatawag na human settlement ay magiging masigla at produktibo ang ating sisimulang pamayanan.
Ang proyektong ito ay bahagi ng tuloy-tuloy at walang tigil na pagsisikap ng inyong pamahalaan upang matupad ang mga adhikain natin sa ilalim ng 4PH Program ng ating bansa.
Sa katunayan, nalagdaan na ng Department of Human Settlements and Urban Development ang walumpu’t tatlong (83) Memoranda of Understanding at apat (4) na Memoranda of Agreement sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Napakahalaga itong ganitong klaseng kasunduan sapagkat mas unti-unti na nating mabibigyang katugunan ang matagal na nating hangarin na magkaroon ng maayos at ligtas na tirahan para sa ating mga mamamayan.
Bukod dito, patuloy ring nagsasaliksik ang ating pamahalaan kung paano pa natin mapapalawak ang mga programa para sa tiyak na pabahay.
Pinag-aaralan din natin kung papaano natin mapopondohan nang sapat ang mga proyektong kagaya nito.
Tinitingnan pa natin ang posibilidad na paggamit ng mga bakanteng lupa ng estado upang palawigin ang programang pabahay, alinsunod sa mga batas at alituntunin ng ating bansa.
Kaya naman, muling tinatawagan ko ang DHSUD na tuparin ang kanilang mandato, sa pamamagitan ng paglikha ng mga estratehiya at polisiya na [makapagtatatag] ng maayos, mura,
[at] matibay na pabahay para sa mga Pilipino.
Bagaman maganda ang ating simula sa pagsulong ng adhikaing ito, hinihikayat ko pa rin lahat kayo na lalo pang magsikap upang tuluyan na nating matugunan ang kakulangan ng pabahay dito sa ating bansa.
Tuklasin ninyo ang iba’t ibang paraan na maaari nating sundin tungo sa pagtatayo ng sapat na mga pabahay para sa lahat dito sa Pilipinas, gaya ng pakikipagtulungan sa ibang ahensya
[ng] pamahalaan, gayon din sa pribadong sektor, at ang isang mahalagang kasama natin, ating ka-partner dito sa ating mga proyekto, ang ating mga LGU.
Bukod sa DHSUD, pinaaalalahanan ko rin ang mga lider ng lokal na pamahalaan na makiisa sa ating mga pambansang programa hinggil sa pabahay.
Tiyak magiging matagumpay tayo sa pamamagitan ng inyong suporta, partikular sa paglalaan ng mga lupang pagtatayuan ng pabahay at maging sa paglalaan ng pondo.
Kaya naman, tinatawagan ko rin ang lokal na pamahalaan ng Naga na makipag-ugnayan sa mga contractors at iba pang mga organisasyong katuwang sa pagtatatag ng proyektong ito, upang masiguro na ang lahat ng mga dokumentong kinakailangan ay maipasa sa oras at hindi maantala ang pagpapagawa nito.
Pero masasabi ko na very progressive dito sa Naga ay siguro imbes na ako’y maghikayat sa local leadership ng Naga ay ipapakita natin sa mga ibang LGU kung papaano ang isang paraan [applause] para maging matagumpay at maayos ang ating proyekto.
Nais ko ring gamitin ang pagkakataong ito upang igiit sa DHSUD, at sa ating mga LGU, at iba pang ahensya na maging matapat at bukas sa inyong mga transaksyon, lalong-lalo sa mga gawaing may kaugnayan sa pabahay.
Bilang pangwakas, tandaan natin na maging sa wikang Filipino, ang salitang “tahanan” ay hindi lamang isang lugar, kung hindi ang isang sagradong espasyo kung saan tayo ay tinatanggap nang lubos at minamahal nang totoo.
Kaya inaanyayahan ko po kayong lahat na makilahok at makiisa sa programang ito at sa iba pang adhikain ng inyong pamahalaan na naglalayong pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino.
Sa ating pagkakaisa at pagtutulungan, nakakatiyak ako na makakamit natin hindi lamang ang tagumpay kundi maging ang ating hangaring magkaroon ng isang mas matatag at maunlad na Pilipinas sa mga susunod na taon.
Dios mabalos po saindo gabos! [applause]
— END —
SOURCE: PCO-PND (Presidential News Desk)