Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Fisherfolk and Families Affected by the Oil Spill in Cavite
Baka sabihin niyo wala akong pakisama sa inyo. Kaya sige, dumaan na ako sa putik. Naaawa ako kay Mayor. Puting-puti ‘yung sneaker niya. Iyong akin, itim. Pero hindi na bale, dinaan ko na rin sa putik.
[Magsi-upo po tayo.]
Maraming salamat sa ating Kalihim ng Department of Agriculture, Secretary Kiko Laurel; andito rin po, kasama po rin natin ang Secretary ng DILG, Secretary Benhur Abalos na matagal na — siguro mga isang linggo na itong hindi natutulog at maraming ginagawa at sa mga issue ng mga pulis at siguro nababalitaan ninyong lahat ‘yan; andito rin po ang anak ng Cavite, Senator Bong Revilla Jr. [applause]; ang isa pang pinagmamalaki ng lalawigan ng Cavite, Senator Francis Tolentino [applause]; at ang ating mga representante ng Cavite, the First District Representative Jolo Revilla III [applause]; sa Second District Lani Mercado- Revilla [applause]; sa Third District naman Adrian Jay Advincula [applause]; at sa Fifth District, Representative Roy Loyola [applause]; Sixth District Representative [Antonio] Ferrer [applause]; and the Seventh District Representative Crispin Diego Remulla [applause]; and the [Eighth] District Representative Aniela Bianca Tolentino [applause]; nandito rin ang ating mga Party List Representative, AGIMAT Party List Representative Bryan Revilla. [applause]
At ‘yung ating rabble-rouser, sasabihin ko na at ang ating — ang ama ng lalawigan ng Cavite na matagal nang nagseserbisyo at matagal ko nang kasama.
Actually, ang katotohanan ang pagsasama ng Remulla at saka ng Marcos, matagal na, sa aming mga ama. At sila’y naging napakalapit dahil nagkakasundo sila doon sa kanilang mga iniisip para pagandahin ang Cavite, para pagandahin ang Pilipinas. Nagkataon kami rin ng mga sumunod na Remulla, kasama na rin diyan si Secretary Boying ngayon na Secretary ng DOJ, at ang inyong Gobernador, Governor Jonvic Remulla. [applause]
At ang Mayor na nasira ang bagong sneaker na puti, General Trias City Mayor, City Mayor Luis Ferrer IV [applause]; andito rin po ang iba’t iba na mga alkalde ng iba’t ibang bayan na nagre-represent at sinamahan ang ating mga iba’t ibang benepisyaryo na makakatanggap na ating hinahandugan ng kaunting tulong dahil nga dito sa ating niraranasan na kahirapan, na krisis at pabali-baliktad na panahon. Kaya po ay nandito po kami at sa inyo pong lahat, pinakamahalaga na nandito. Hindi lamang kami mga opisyal kung hindi talaga ang pinakamahalaga na nandito, lahat po ng mga benepisyaryo na mga mangingisda at saka ang ating mga magsasaka. [applause]
Magandang umaga po sa inyong lahat. Tayo po… Magandang umaga pero ang lakas ng ulan pero hindi na bale at ‘yan… Maalala naman ninyo, noong nakaraang anim na buwan, tayo naman ay nagdadasal, “sana umulan, sana umulan.” Nasagot naman ‘yung mga dasal natin.
Narito naman tayo ngayong araw, kasama ang ating mga kababayang mangingisda at kani-kanilang mga pamilya dito sa Cavite, upang mag-abot ng tulong na magpapa-siglang muli sa inyong kabuhayan sa gitna ng sunod-sunod na insidente ng oil spill.
Ayon sa datos, mahigit dalawampu’t limang libong pamilya mula sa probinsya ng Cavite ang naapektuhan ng mga pangyayaring ito mula sa paglubog ng tatlong barko sa Bataan nitong nakaraang Hulyo.
Mahigit tatlumpu’t tatlong libong mangingisda ang naperwisyo ng nasabing trahedya, samantalang mahigit dalawang daan at limampung milyong piso ang nawala sa kanilang kita.
Labis man ang epekto nito sa inyong lalawigan, ako ay naniniwala na sa tulong ng bawat isa, tayo ay makakaahon mula sa pagsubok na ito.
Sapagkat ang Cavite ay tahanan ng ating mga makasaysayan at magigiting na bayani tulad [nina] Emilio Aguinaldo, Mariano Trias, at Mariano Alvarez.
Dumadaloy sa inyong mga ugat ang lahing palaban sa hamon ng buhay.
Isa itong malaking bahagi ng inyong [pagkakakilanlan at] simbolo ng inyong [paninindigan].
Ang Cavite ay tahanan din ng ating mga magsasaka at mangingisda — na malaki ang ambag sa ating agrikultura at ekonomiya ngayon.
Sa araw na ito, [ipinaaabot] ko ang aking taos-pusong pasasalamat at suporta sa mga mangingisda na naririto, kasama ang inyong mga pamilya na kaagapay ninyo sa araw-araw.
At ako’y — nasabihan lang ako ni ating Secretary, Sec. Kiko Laurel ng DA na mula ngayon ay maaari nang mangisda. Wala ng oil spill. Puwede nang ituloy ang inyong hanapbuhay. [applause]
Asahan po ninyo na ang pamahalaan ay gumagawa ng mga hakbang upang [maibsan] ang pinsala na naidulot ng mga insidenteng kagaya nito.
Hangad namin na ang Presidential Assistance na aming handog sa bawat apektadong mangingisda ay makakatulong sa inyong pagbangon at magbibigay ng panibagong pag-asa.
Sa pangunguna ng BFAR, makakatanggap ang ating mga mangingisda ng labing-walong milyong piso na halaga ng tulong, kabilang na ang post-harvest equipment, training, [at] tulong pinansyal para sa gasolina.
Ang DSWD naman ay nakapag-abot na ng halos pitumpung milyong pisong halaga ng ayuda para sa mga apektadong pamilya.
Naglaan din kami ng tatlong milyong pisong standby funds at higit isang daang milyong pisong halaga ng pagkain [at] non-food items.
Kasangga rin ninyo ang DOLE na nagbigay ng mahigit walong milyong [pisong] tulong para sa mga apektadong kababayan natin sa Tanza at sa Naic.
Sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program, sinisikap namin na mabigyan ng trabaho ang ating mga kababayang naapektuhan at lubos na nangangailangan.
[Nagsagawa] naman ang DOH ng konsultasyon sa buong rehiyon. Patuloy din ang DOH sa rapid health risk assessment at water testing sa mga nasalantang lugar upang matiyak na ang mga residente na ligtas sila at maayos ang kalusugan sa kabila ng oil spill.
Sa ngayon, iniimbestigahan na natin ang paglubog ng mga barko upang makakalap tayo ng sapat na impormasyon [at] mapanagot ang mga [nagkasala] ayon sa batas.
Titiyakin din natin na makakatanggap ng karampatang kompensasyon ang mga naapektuhang mamamayan. [applause]
Masaya akong ibinabalita na matagumpay na nating napigilan ang pagtagas ng langis mula sa mga barkong ito, partikular ‘yung Terranova, nang hindi na ito makapinsala sa ating kalikasan.
Nasimulan na rin ang ating operasyon para sa tuluyang pag-recover ng langis mula sa nasabing barko at inaasahang [matatapos] natin ito sa lalong madaling [panahon].
Ang estimate ng ating Coast Guard, kasama ‘yung mga salvor, ay sa kanilang pananaw, sa kanilang pagkalkula ay dalawang linggo daw ‘yan, ang tatagal ‘yung pagsipsip nung langis doon sa barko.
Naumpisahan na ito mga four days ago, siguro mga 10 days na lang matitira. Pagkatapos ng sampung araw ay masasabi natin, nasipsip na lahat ng langis, puwede nang subukan na i-recover ‘yung barko na ‘yan. Palulutangin nila ulit at dadalhin nila sa ibang lugar. Kung mayroon pang natirang langis doon, saka doon kukunin.
Kaya’t naging maayos naman ang ating pagsagot at pagtugon dito sa krisis na ito at marami namang tumulong sa atin.
Hindi lamang ang ating Coast Guard. Hindi lamang ang ating DOST, ang ating DENR, kung ‘di rin po ang mga international na… Mayroong mga organisasyon po na ganun, mga NGO na kapag may oil spill ay lalapit at tumutulong, tinuturuan tayo kung ano ‘yung mga teknolohiya, ano ‘yung mga gamit na para mas maganda ang ating magawa.
Kaya’t ‘yan po ang ginawa natin. Kaya’t ang una naming inaasikaso ay na maging secure ‘yung barko, kaya’t ‘yun ang inuna. Kaya’t lahat noong mga tumutulo, lahat noong mga lumalabas na langis ay linagyan natin, kinoveran (cover) po natin lahat ‘yan. Iyan ang una, kaya tumagal bago nasipsip.
Ngayon nagsisipsip na tayo. Kaya’t ngayon, ayun na nga, umabot na rin tayo sa araw na masabi natin, maaari na naman na ang ating mangingisda ay mangisda ulit.
Patuloy naman ang ating pag-kumpuni at pag-aayos ng manhole at air vents sa Jason Bradley na kabilang [sa] paghahanda para sa ating refloating operation. Palulutang nila ulit.
Isinasagawa na rin ang seawater siphoning, ‘yun na nga sa barkong Mirola 1, kasabay ng pagtatakip sa mga butas ng katawan nito.
Mga kababayan, kasabay ng pagbibigay namin ng tulong sa mga komunidad, asahan din po ninyo na patuloy ang inyong pamahalaan sa paghahanap ng solusyon sa mga problemang dinulot ng pangyayaring ito.
Nagsisikap din kami na bigyan kayo ng panibagong lakas at pag-asa upang malampasan ang dagok na ito, matugunan [ang pangangailangan] ng nakakaraming Pilipino, at mapalakas muli ang industriya ng pangingisda sa Cavite.
Magiging kaagapay ninyo ang Administrasyong ito sa pagpapalawak ng inyong kaalaman at kasanayan sa pangingisda at sa paghihikayat pa sa kabataan na makilahok sa pagsulong ng inyong sektor.
Bukod sa bayanihang ating nasasaksihan ngayon, nawa’y magsilbing paalala rin ang mga pangyayaring ito upang bigyan natin ng angkop na atensyon ang ating kapaligiran at mga likas na yaman.
Sama-sama nating pagtatagumpayan ang mga hamon ng buhay at bigyan ng katuparan ang ating mga pangarap, sapagkat walang maiiwan at walang mahuhuli sa Bagong Pilipinas.
Maraming salamat po! [applause]
Mabuhay po kayo, ang ating mga mangingisda!
Mabuhay ang Cavite!
Maraming, maraming salamat po!
— END —