Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF) in Talisay, Batangas
Sa ating mga kasamahan sa pamahalaan, ang ating mga Cabinet secretary; ang Gobernador, ang ama ng Lalawigan ng Batangas, si Governor Dodong Mandanas; Vice Governor ng Batangas Mark Leviste; ang alkalde ng Bayan ng Talisay Nestor Natanauan na nagbigay sa atin ng napakagandang mensahe; ang mga benepisyaryo ng ating Presidential Assistance na ipamimigay ngayong araw na ito; mga minamahal kong kababayan, isang magandang umaga po sa inyong lahat.
Nais ko pong ipaabot ang aming taos-pusong pakikiramay sa bawat Pilipinong naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Itinalaga natin ang araw na ito bilang National Day of Mourning sa ilalim ng Proclamation No. 728.
Batid namin na hindi madaling maibsan ang sakit na inyong pinagdadaanan, ngunit umaasa kami na sa suportang handog namin ngayon, kayo ay makapagsimula muli.
Mula sa Tanggapan ng Pangulo, magkakaloob tayo ng 60 milyong piso na tulong na ipapamahagi ng DSWD para sa mga munisipalidad ng Batangas, kasama na rito ang Talisay, na lubhang naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Makakatanggap po ng tig-10 libong piso ang mga piling magsasaka at mangingisda na labis na tinamaan ng bagyong ito. [applause]
Layunin natin na hindi na maulit ang pagkawala ng buhay dahil sa kalamidad. Totoo na mas matindi ang mga bagyo ngayon – mas malawak, mas malakas, mas mabilis ang pagbabago.
Kaya inuulit ko ang mga kautusan sa mga ahensya ng pamahalaan. Una, inaatasan ko ang DOST na pagbutihin ang kanilang warning system upang makapagbigay ng napapanahong babala sa mga panganib dulot ng mga bagyo.
Inatasan ko na rin ang DOST at DILG na siguruhin ang tama at maayos na komunikasyon sa mga lokal na pamahalaan upang maging handa naman sila ‘pag parating ang kalamidad.
Patuloy din ang programa ng DILG na Operation Listo na ang layon ay palakasin ang disaster preparedness ng ating mga LGU para sa paghahanda, pagtugon, at pagsubaybay sa mga sakuna.
Upang maiwasan ang pagbaha, lalo na sa mga mabababang lugar, pinag-utusan na natin ang NIA, DOE, DENR at MWSS na unti-untiin ang pagbabawas ng tubig mula sa ating mga dam bago pa man dumating ang bagyo.
Ang NDRRMC at iba pang ahensya ng pamahalaan ay naatasan na rin na suriin ang kanilang mga pamamaraan sa ilalim ng disaster response upang mas mabilis tayong makapaghatid ng tulong sa mga naapektuhang pamayanan.
Ang DPWH ay tinagubilinan natin na pagbutihin ang slope protection design ng ating mga kalsada at tulay nang matiyak na ito ay angkop sa pagbabago ng klima.
Ang Administrasyon po ay pinagsisikapang matapos ang Taal Lake Circumferential Road para sa mabilis na biyahe sa bayan ng Talisay, Agoncillo, at Laurel. Bukod pa rito ay mayroon ding proyekto ang gobyerno na magkokonekta sa munisipalidad ng Lobo at San Juan.
Dahil sa matinding pabago-bagong panahon, ang ating imprastraktura ay dapat masigurong ligtas at angkop sa gitna ng unos at iba pang sakuna. Kaya inaatasan ko na siguruhin ng DPWH na hindi lang ito matatapos sa inaasahang oras, kundi matibay at kalidad din.
Kaugnay nito, ang DTI naman ay kailangan suriin at tiyaking maayos [at] magagandang klase [ang] mga materyales at ibang instrumentong gagamitin para sa mga proyektong ito.
Bukod sa paggunita, nawa ang araw na ito ay magsilbi na hudyat ng pagkakaisa para sa mas matibay na mga imprastraktura at mga programang inuuna ang buhay at dignidad ng bawat Pilipino.
Kanina ay namahagi rin po tayo ng mga kagamitan para sa pagpapatayo ng bahay na galing sa donasyon ng Metrobank. Maraming, maraming salamat sa inyong tulong. [applause]
Sa puntong ito, nais kong pasalamatan ang pribadong sektor kasama na diyan ang Metrobank, mga kawani ng pamahalaan, mga volunteer, mga first responder na nag-alay ng kanilang kakayahan upang makatulong sa ating mga kababayan.
Patuloy nating pagtibayin ang diwa ng bayanihan tungo sa isang Bagong Pilipinas na handa sa lahat ng pagsubok.
Maraming salamat po. Magandang umaga po sa inyong lahat. Mabuhay po ang Bagong Pilipinas. [applause]
— END —