Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF) in Pangasinan
Maraming, maraming salamat sa ating mga bisita ngayon. [Magsi-upo po tayo.]
Nandito po kasama po natin kagaya ng pag-iikot namin ay lagi kong sinasama ‘yung mga iba’t ibang miyembro ng Gabinete para makita nila kung ano ang maitutulong ng kanilang mga departamento sa ating mga ginagawa dahil nga…
Ito nagsimula po itong Presidential Assistance nagsimula po ito dahil sa El Niño. At wala, talagang natuyot lahat, kaya’t kailangan nating tulungan ang ating mga magsasaka at saka ang ating mangingisda.
Kaya’t unang-una po ang isinama ko po Department of Agriculture Secretary Kiko Laurel; nandiyan din po para maganda ang koordinasyon sa gitna ng national government at saka ng local government nandito po ang Secretary ng DILG, Secretary Jonvic Remulla; at saka ang laging first responder ng national government sa pagka may sakuna, pagka may disaster eh siya po ang nauuna galing sa national dahil ang nauuna naman talaga lagi ang mga local. Pero pagka nakapasok na ang national, siya po ang nauuna ang ating DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian.
Dahil sa bagyo, umikot po, galing po kaming Isabela, galing po kaming Nueva Vizcaya para tingnan kung ano ang nangyari dito sa nakaraan na si Pepito na dumaan doon sa mga lugar na ‘yun para tingnan kung ano ang mga nasira sa ating imprastraktura at kung ano ang mga kailangang ayusin at baguhin. Nandito po ang ating Secretary ng DPWH, Secretary Manny Bonoan.
Ito po siguro kilala na ninyo at hindi ko na kailangan ipakilala, ang ating DAR Secretary, Secretary Conrado Estrella. Dahil din po sa bagyo ay ganyan din po tinitingnan po ng ating Secretary of Energy kung ano ang gagawin para maibalik ang kuryente sa mga lugar na sa ngayon ay wala pang kuryente dahil maraming naging problema: nagbagsakan ang mga poste, nasira ang mga wiring. Kaya’t nandito po ang Department of Energy Secretary, Secretary Popo Lotilla.
Ang kinatawan ng Ika-limang Distrito ng Pangasinan Ramon Guico Jr.; ang kinatawan ng Ika-tatlong Distrito ng Pangasinan Rachel Arenas; Gobernador ng Lalawigan ng Pangasinan Ramon Guico III; at ang Bise Gobernador ng Pangasinan Mark Ronald Lambino; Alkalde ng Bayan ng Lingayen Leopoldo Bataoil; at iba pang mga lokal na punong ehekutibo na nandito na ating kasama; lahat ng mga opisyal, mga mayor na nandito, nakita ko ‘yung mga ibang mayor ng Pangasinan ay nandiyan: mga board member, barangay officials; at lahat po ng aking kasamahan sa pamahalaan; at ang pinakaimportante na kasama natin dito ngayon ay kayo po ang mga beneficiary dito sa ating ibinibigay na Presidential Assistance. [applause]
Mga minamahal kong kababayan, magandang araw po sa inyong lahat.
Nagtitipon tayo hindi lamang upang magbigay ng tulong sa ating mga mamamayan, kundi upang maghatid ng suporta at pag-asa para sa lahat ng naapektuhan ng magkakasunod na bagyong tumama sa ating bansa.
Sa nagdaang mga linggo, naramdaman natin ang hagupit ng kalikasan na dulot ng climate change o pagbabago ng klima.
Ngunit kasabay nito, nasaksihan din natin ang diwa ng ating bayanihan. Sa bawat puso na nagmamalasakit at sa bawat kamay na tumutulong, malinaw ang ating mensahe: Sa harap ng unos, hindi tayo nag-iisa.
Sa puntong ito, nais kong pasalamatan ang ating mga ahensya, lokal na pamahalaan, organisasyon, at indibidwal na patuloy na ibinibigay ang kanilang makakaya upang mabilis na maihatid ang tulong sa mga nangangailangan.
Higit sa lahat, taos puso akong nagpapasalamat sa ating mga first responder na hindi alintana ang panganib, masiguro lamang ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga kababayan.
Iyan po ang ating mga first responder, ‘yung mga local na official, ‘yung ating mga LGU executives, ‘yung ating mga iba’t ibang departamento ng probinsya at ‘yung mga national offices na nandito sa probinsya na tumulong din sa – naging first responder din ay maraming, maraming salamat. Dahil alam ko naman ay patuloy ang – patuloy ang inyong trabaho dahil eh nagbago na nga ang klima ngayon.
Dati pagka may bagyo – pagdaan ng bagyo, saka tayo papasok at gagawin natin lahat: magbibigay tayo ng relief goods, magbibigay tayo ng tulong. At pagkatapos niyan, babalik na kami, uuwi na kami ng Maynila.
Ngunit ngayon, dahil sa dalawampu’t tatlong araw na nakaraan, dumaan ang anim na bagyo. Kaya’t wala pong pahinga, wala pong mga tulog ‘yan, ‘yung iba hindi na kumakain dahil sa dami ng trabaho ng – para maihatid ang tulong sa mga nangangailangan. Kaya’t maraming, maraming salamat. At ‘yung pagod at ang sakripisyo ninyo ay maraming nasalba na tao at maraming natulungan na tao na naghihirap dahil sa mga – na mga nasalanta dahil sa mga bagyo.
Ngayong araw, ihahatid natin ang suporta at malasakit para sa mga magsasaka, mangingisda, at kapos-palad na pamilyang Pangasinense na labis na naapektuhan ng mga nagdaan na bagyo.
Sa pangunguna ng Tanggapan ng Pangulo, maglalaan tayo ng tigsa-sampung libong piso para sa limang libong magsasaka at mangingisdang benepisyaryo. [applause] Layunin nitong maging unang hakbang upang makaahong muli ang inyong mga kabuhayan.
Kasama ng Department of Agriculture, kasama ang DSWD, at DOLE, titiyakin din natin na matutulungan ang bawat pamilyang naapektuhan ng bagyo upang manumbalik ang sigla ng inyong pamumuhay.
Kaugnay nito, inaatasan ko ang ating mga ahensya at mga lokal na pamahalaan na lalo pang paigtingin ang pagtugon sa pangangailangan ng mga Pangasinense.
Inaatasan ko naman ang DHSUD, ‘yung ating Housing, at ang DSWD na maging masigasig sa paghahandog ng pansamantalang tirahan para sa mga pamilyang nasalanta.
Makakaasa rin kayo na hindi natatapos sa panandaliang solusyon ang aming hatid.
Titiyakin po namin doble, triple pa ang ating paghahanda at pag-iingat sa harap ng mga kalamidad na lalong pinalalakas ng tinatawag na climate change.
Bilang panimula, hinihikayat ko ang lahat na gamitin ang ating kaalaman, materyales, at pondo upang mas maging handa tayo anuman ang pagsubok na dumating sa atin.
Tulad ng mga geohazard maps – ito pong geohazard map ito ang mga ginagawa ng DOST, nung PAGASA itong mapa para maipakita kung saan dadaan ang bagyo. Ano ang mga lugar ang maaaring tamaan. Kailangan po ito’y pinamimigay po natin para sa ating mga local officials para po makapaghanda. Ito ay para gabayan ang mga lokal na pamahalaan sa pagtiyak ng kaligtasan sa mga lugar na kanilang sinasakupan.
Sa wastong paggabay at paggamit ng impormasyon na ito, maiiwasan natin ang malalang pinsala ng mga sakuna, lalong-lalo na ang pagkawala ng buhay.
Dahil po sa ganitong klaseng sistema, maipagmamalaki po natin dito sa nakaraang Pepito sa buong Pilipinas, hindi po tayo nagkaroon ng casualty — ni isang Pilipino hindi namatay dahil sa ating paghanda para sa pagdating ng bagyo. [applause]
Para naman sa ating mga magsasakang labis din na naapektuhan ng nakaraang sakuna, patuloy tayong lumikha—kasama ng mga siyentipiko—ng makabagong kagamitan sa pagsasaka na matibay at angkop sa pagbabago-bagong panahon.
Makakaasa rin kayong may nakahanda tayong lagi na buffer seed at iba pang assistance nang sa gayon ay matulungan namin kayo sa pagpapalakas muli ng inyong sakahan.
Inaatasan ko na rin ang Department of Agriculture, sa pakikipagtulungan sa ibang sangay ng pamahalaan, na siguraduhing matulungan ang mga apektadong magsasaka at mga mangingisda.
Mga kababayan, ang laban na ito ay laban nating lahat. Hindi kayang harapin ng pamahalaan ang hamong ito nang nag-iisa.
Naniniwala ako na, sa pakikipag-kapwa at pagtutulungan ng bawat Pilipino na sabay-sabay, na kapit-bisig, ay magtatagumpay din tayo.
Muli, hinihingi ko ang patuloy ninyong pakikisama at kooperasyon.
Sama-sama nating itayo ang isang Bagong Pilipinas na mas ligtas, mas handa, mas maunlad—isang bansang may malasakit, pakikipagkapwa, at pagkakaisa.
Maraming, maraming salamat.
Mabuhay ang Pangasinan!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]
— END —