Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF) in Oriental Mindoro

Speeches 14 November 2024

Maraming, maraming salamat. Magandang… [Magsi-upo po tayo.]

Babatiin ko lang po ang ating mga kasamahan na nandito upang masubaybayan ang ating pagbigay nang kaunting tulong sa ating mga magsasaka at sa ating mangingisda.

Nandito po lalong-lalo na lead agency po sila ang Department of Agriculture, ang ating Secretary, Secretary Kiko Laurel; ang laging nauuna at siguro ito ang unang nakikita ninyo kapagka nagkaproblema, kapagka nagka-disaster nandiyan po kaagad ang ating Kalihim ng DSWD, Secretary Rex Gatchalian; nandito rin po ang – dahil po lahat po itong ating ginagawa hindi natin maaaring gawin kung hindi maganda ang ugnayan ng national government at saka ng local government at ang nagtitiyak na magandang nga ang ating pag-coordinate kasama ng local government, nandito po ang Kalihim ng DILG, Secretary Jonvic Remulla; at ang ama ng lalawigan ng Oriental Mindoro Governor Bonz Dolor.

Alam niyo po masasabi ko si – hindi pa siya governor noon eh, congressman pa po ako. Iyong ating butihing gobernador — siguro ikaw ang pangalawa na nagsabi sa akin noong congressman ako, “tumakbo kang senador.”

Noong una niyang sinabi sa akin ‘yun, sabi ko, “hindi, wala pa sa oras dahil one term pa lang ako ng congressman.” Siya nagsasabi, “hindi tutulungan kita. Marami tayong kasama. Hindi mo lang nalalaman at maraming susuporta sa’yo.” Sabi ko, “sige, tingnan natin baka naman kakayanin.”

At mula noon. At ako’y tumakbo ng senador ng 2007. Bago pa noon, napupunta na siya sa opisina ko doon sa Roxas Boulevard, kung maalala mo. At pumupunta siya doon at lagi niya sinasabi, “ito ‘yung nagawa natin, ito ‘yung mga nakausap ko, ito ang ating mga magiging kasamahan para sa national” dahil congressman nga ako noon.

Ika ko, “sige tuloy-tuloy natin.” Mula noon, totoo nga ang kanyang pagkasabi at maraming nadala na naging kaalyado natin. Kaya naman noong dumating ang panahon noong 2007, lumakas na ang loob ko at tumakbo ako ng senador.

Kaya’t may ano – malaking pananagutan mo Gov. Ikaw ang nagdala sa akin sa national government. [applause]

Ngunit pasasalamat ako sa’yo bilang gobernador at bilang personal na kaibigan sa lahat ng naitulong ninyo sa aking paghahanap ng magandang paraan upang mapaganda ang buhay ng ating mga kababayan at mapaganda ang Pilipinas.

Nandito rin po ang kinatawan ng Unang Distrito ng Oriental Mindoro Congressman Arnan Panaligan; at ang kinatawan ng Pangalawang Distrito ng Oriental Mindoro ay ang isa pang – nako, matagal ko ng – matagal ko ng masyadong kaibigan ito. Mahahalata ang mga edad natin kapagka kinuwento ko talaga.

Pangulo pa ang aking ama, eh kami ni congressman, governor, marami nang pinagdaanan itong kaibigan natin ay siya talaga ay nandoon at kasama namin. Minalas lang tayo nang kaunti at nagkaroon tayo ng disgrasya at nawala ‘yung ating isang kaibigan at iyong kapatid.

Pero mula noon ay talagang magkaibigan na kami at kahit noong… Kasama na rin ‘yan noong tumakbo ako ng senador. Kahit hindi namin kapartido lumapit sila sa akin pati ‘yung kapatid mong yumao si Jun. Lumapit sa akin pinuntahan din ako at sinabi, “hindi, tutulungan kayo namin, hindi na bale ‘yung party politics ay kami nandiyan kami kasama mo.” Kaya’t nagpapasalamat ako sa… Ang ating – ang kinatawan ng Ikalawang Distrito Alfonso Umali.

Mga opisyal at empleyado at mga mamamayan ng Pinamalayan sa pamumuno ng Alkalde Aristeo Baldos Jr.; ang ating mga kasamahan sa pamahalaan; at lalong-lalo na ang pinakamahalaga na nandito ngayon, ang mga benepisyaryo ng ating mga ibibigay na tulong ngayong araw, [applause] the beneficiaries for the PAFFF or the Presidential Assistance; ang minamahal kong kababayan, magandang araw po sa inyong lahat.

Narito tayo ngayon upang mamahagi ng tulong para sa mga magsasaka, mangingisda, at mga pamilyang apektado ng mga bagyong nagdaan dito sa Oriental Mindoro.

Sa kabila ng hirap at hamon na dulot ng bagyong Kristine at Leon, muling ipinakita ng ating mga kababayan ang diwa ng bayanihan at pagkakaisa. Ngunit, batid kong marami pa ang kailangan nating gawin upang makabangon muli sa mga [pagsubok] na ito.

Ang inyong lakas sa kabila ng ganitong hirap ay nagbibigay sa amin ng determinasyon upang patuloy na kayo’y silbihan nang [buong] puso.

Mula sa Tanggapan ng Pangulo, magbabahagi kami ng tulong pinansyal na nagkakahalagang 10 libong piso sa halos limanlibong benepisyaryo. [applause] Ito po ay para matulungan pa kayo sa iba pang mga pangangailangan.

Mga kababayan, ang pamamahagi ng tulong na ito ay tanda ng ating panata sa isa’t isa—na kahit anong mangyari, tayo ay laging magtutulungan. At ang pagbangon mula sa ganitong sakuna ay nakasalalay sa bawat isa sa atin.
Simula nitong nakaraang buwan, sunod-sunod na bagyo ang ating naranasan. Apat na magkakaibang bagyo na sabay-sabay na namuo sa West Pacific, kasama rito ang bagyong Marce, Nika, ngayon ‘yung Ofel.

Hindi man natin mapipigilan ang pagtama ng mga bagyong ito sa bansa, maaari naman tayong gumawa ng mga hakbang upang maibsan ang epekto nito.

Makakaasa kayo na ang pamahalaan ay narito para matulungan kayo na makabangon sa mga ganitong pagsubok.

Ngunit, maliban pa rito, kailangan din namin ang inyong kooperasyon at suporta para magtagumpay ang mga hakbang na makakapagpatatag sa inyong komunidad laban sa sakuna.

Inatasan ko na ang DILG at DENR na hikayatin ang ating lokal na pamahalaan na gamitin ang geohazard map ng DENR-Mines and Geosciences Bureau upang magsilbing gabay sa mga landslide-prone at masyadong maraming baha na lugar.

Hinihimok ko rin ang ating mga kababayan na sumunod sa mga babala ng inyong lokal na pamahalaan para sa inyong kaligtasan.

Lalo na po roon sa mga kinakailangang lumikas; batid namin na mahirap maiwan ang inyong bahay, mga pag-aari, ngunit huwag na pong mag-atubili na lumikas kung ito ay sasalba sa inyong buhay.

Para naman sa DPWH, DOTr, DOST, DTI, at ibang pang ahensya at lokal na pamahalaan, inuulit ko po, pag-aralan at suriin nang mabuti ang ating mga kalsada, tulay, at iba pang istruktura upang matiyak natin ang de-kalidad, ligtas, at handa na itong mga istrukturang ito laban sa pababago ng panahon.

Ang sabi ko nga, ang bagyo ngayon iba na. May mga flood control tayo pero dahil sa mas madaming tubig na dulot ng pag-ulan, hindi na nakakayanan.

Kaya inatasan ko na rin ang DPWH, ang DENR, at iba pang ahensya na rebisahin ang Flood Control Masterplan upang makasabay sa patuloy na paglakas ng mga bagyo.

Sabay-sabay tayo na lumaban at magsumikap para mas maayos ang ating kinabukasan.

Sa ating pagtutulungan, alam kong darating ang araw na ang mga hamon na ito ay magiging bahagi ng ating kwento ng tagumpay.

Bago ako magtapos, malugod kong binabalita na naisabatas na nga – kagaya ng binalita sa atin ni Governor – ang “Araw ng Oriental Mindoro” na ipinagdiriwang tuwing ika-labinlima ng Nobyembre. [applause]

Ang ating diwa ng bayanihan ay magsisilbing liwanag na magpapakita ng daan tungo sa pagbangon at kaunlaran—para sa inyong probinsya at para sa isang Bagong Pilipinas.

Maraming salamat sa inyong lahat. Mabuhay ang sambayanang Pilipino! [applause]

— END —