Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF) in Legazpi City, Albay
Maraming, maraming salamat po.
Babatiin ko lang at ipapakilala ko po sa inyo ang mga – ating mga Cabinet secretary na aking isinama rito ngayon at dahil iba’t ibang departamento ang kasama sa pagbibigay ng tulong sa ating mga magsasaka, sa ating mga mangingisda pagkatapos ng pagdaan ng bagyo – dalawang bagyo ‘yung Kristine dito ‘yung talagang tumama rito nang husto, mayroon pang Leon.
At ito naman po ay nandito po kasama po natin na mamamahagi ang Department of Agriculture ng tulong para sa ating mga mangingisda at saka ating mga magsasaka. Nandito po from the Department of Agriculture Secretary Kiko Laurel.
Nandito rin po ang ating DILG Secretary, dahil po kailangan na maganda ang koordinasyon ng pamahalaang nasyonal at saka ‘yung pamahalaang lokal para maging maayos ang pagpaabot ng aming mga tulong. Nandito po ang ating DILG Secretary, Secretary Jonvic Remulla.
At siguro ito po itong susunod po na secretary ay kilala na ng lahat dahil siya ang laging nauuna. Kung first responder ang local government unit dito sa mga sakuna ay siguro masasabi natin ay siya ay kasama na doon bilang isang first responder na galing naman sa national government. Sa DSWD po, Secretary Rex Gatchalian.
Nandito rin po ang ating Special Assistant to the President, Secretary Anton Lagdameo; at ang Press Secretary po natin, Secretary Cesar Chavez, nandito rin po; at ang nagiging madalas ko nang makita at makasama ang inyong Acting Governor, the Acting Governor of the Province of Albay Governor Glenda Ong-Bongao; at ang Legazpi City Acting Mayor din Oscar Robert Cristobal at lahat ng mga elected official na nandidito ngayon; ang pinakamahalaga sa kasama natin dito sa araw na ito kayo po mga beneficiary na mga fisherfolk at saka na mga magsasaka; mga minamahal kong kababayan, marhay na aldaw saindo gabos. [applause]
At ako’y nagpapasalamat sa napakainit ninyong salubong muli sa aming pagbalik.
Bagama’t ilang araw na ang lumipas, alam ko pong malaking pasakit pa rin ang iniwan na pinsala ng bagyo sa inyong mga tahanan at pamayanan.
Kaya po naparito ako upang makapagbigay ng tulong para sa inyong muling pagbangon at pagtahak ng panibagong simula.
Mula sa Tanggapan ng Pangulo—katuwang ang DSWD—maglalaan din po tayo ng 50 milyong piso upang matugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan sa tatlong lungsod at 15 bayan ng Albay. [applause]
Sa pamamagitan po nito, makakapaghandog po tayo ng tig-sa-10 libong piso para sa mga magsasaka upang muling maitaguyod at mapalago ang inyong kabuhayan. [applause]
Kasabay ng ating pagtulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Kristine, patuloy nating pinagtitibay ang ating paghahanda laban sa banta ng kalamidad.
Sa bawat ahensya ng pamahalaan, paigtingin ninyo lalo ang inyong pagsusumikap nang sa gayon ay higit nating mapaghandaan ang mga posibleng epekto ng pagbabago ng klima.
Alam nating palakas nang palakas ang mga bagyo at palaki nang palaki ang pinsalang iniiwan nito. Kaya naman, ipinapatupad na natin ang mga makabagong disenyo para sa ating mga kalsada, para sa ating mga tulay.
Sa DPWH, DOTr, DTI, at iba pang ahensya ng pamahalaan, tiyakin ninyong de-kalidad, ligtas, at matibay ang mga materyales na gagamitin sa pagpapatayo ng mga imprastraktura natin. Sa gayon, magtatagal at maaasahan ito anuman ang panahon.
Inatasan ko rin ang DPWH na bisitahing muli ang Bicol River Basin Development Program. Natapos na natin ang Master Plan at Feasibility Study noong Hulyo.
Sa kasalukuyan, isinasagawa na natin ang tinatawag na Detailed Engineering Design. Ibig sabihin dine-design na talaga at ito na hindi na ‘yung konsepto lamang, kung hindi talaga ‘yung dini-drawing na ‘yung ano ‘yung itatayo natin. At inaasahan natin na itong proyekto na ito ay masisimulan sa susunod na taon.
Sa umpisang-umpisa pa lang. Pagdating ng – pagkadating ng bagong taon ng 2025, first quarter ng 2025, mararamdaman na po natin na may nagsisimula na para hindi na tayo naghahabol dahil nababaha ang Bicol River Basin at wala tayong magawa kundi mag-antay bago mawala ‘yung tubig.
Kapag nabuo po natin itong proyektong ito, unang-una, hindi na masyadong babaha; at pangalawa, kung babaha man ay mas mabilis ang labas ng tubig para lahat ng naapektuhan ay matulungan nating kaagad.
Sa usapin naman ng pinansyal na suporta, pinapadali natin ang proseso upang mapabilis ang access ng mga lokal na pamahalaan sa NDRRMC Fund.
Kaugnay nito, binibilinan ko ang DBM na tiyakin na tuloy-tuloy ang pagtugon sa mga pangangailangan ng ating mga ahensya sa pamamagitan ng Quick Response Fund na magagamit sa tuwing may sakuna.
Ang QRF natin ang katotohanan diyan dahil sa dami ng bagyo ay naubos na. Kaya’t ang ginawa natin ay nagtabi ulit tayo ng pondo para mabigyan ulit, malagyan na naman natin ng laman ang QRF natin para sa mga local governments at sa inyong mga pangangailangan.
Hindi tayo magpapatinag sa mga trahedyang ito; bagkus, palalawigin pa natin ang ating paghahanda at bibilisan ang ating pagkilos upang mapigilan ang pag-ulit ng ganitong epekto ng mga kalamidad.
Kaya’t sa pagkakataong ito, hinihikayat ko ang bawat ahensya ng pamahalaan at ang bawat Pilipino: Magtulungan tayo upang matiyak na walang maiiwan sa ating laban kontra sa mga hamong dulot ng pagbabago ng klima.
Sa lahat ng naglalaan ng kanilang panahon, kakayanan, at puso sa pagtulong sa ating mga kababayan— tanggapin po ninyo ang aking taos-pusong pasasalamat. [applause]
Gayundin… Hindi lang po ang mga kawani, hindi lang po ang ating mga kasama sa pamahalaan, gayundin sa pribadong sektor na walang sawang nakikiisa sa pagtiyak ng karapatan at kapakanan ng bawat Pilipino—salamat sa inyong tulong, salamat sa inyong suporta. [applause]
Sama-sama nating itatag ang isang mas handa, masagana, at progresibong Bagong Pilipinas.
Kahit anong hamon ang haharapin natin basta’t tayo’y nagkakaisa at sabay-sabay nating hinaharap at ginagawan ng paraan upang maging maayos ang buhay ng ating kababayan, magtatagumpay din po tayo.
Maraming salamat po at mabuhay tayong lahat! Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]
— END —