Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF) in Laurel, Batangas
Babatiin ko lamang ang mga kasamahan natin, ang ating mga kasama sa miyembro ng Gabinete – ang miyembro ng Gabinete na aking isinama dahil ang pagdadala ng tulong sa mga nasalanta, sa mga naging biktima ng sakuna ay hindi po kaya gawin ng iisang departamento lamang dahil maraming-maraming iba’t ibang pangangailangan. Kaya’t nandito po — halos kalahati ng Gabinete ay nandito po upang tingnan kung ano po ang mga kailangang gawin. At nakita naman po namin ang mga naging problema na dala ng Kristine dito sa inyo – hindi lamang ‘yung sa pagsira ng tulay, ‘yung pagbaba, pagguho ng lupa, pagsira ng mga bahay, at mayroon pa tayong maraming nabawian ng buhay. Kaya’t kailangan po kaming lahat – mula sa akin hanggang sa ating mga opisyal ay kailangan na kailangan ay makita kung ano ba talaga ang sitwasyon ninyo, malaman sa inyo ano ‘yung pangangailangan. Kaya’t nandito po kaming lahat.
Babatiin ko rin ang mga opisyal, mga empleyado, at ang mga tiga-Laurel, nandiyan po. At pasasalamatan ko sa magandang mensahe at nakaka-inspire na mensahe ng ating butihing mayor, Mayor Lyndon Bruce [applause]; sa mga benepisyaryo na mabibigyan natin kaunting tulong upang naman kahit papaano makapagbalik kayo sa dati ninyong buhay; ang ating mga kasamahan sa pamahalaan, sa pamahalaang nasyonal, sa pamahalaang lokal, ay magandang tanghali po sa inyong lahat.
Kami po ay nakikiisa sa inyong lahat na naapektuhan ng bagyong Kristine. Kaya ngayong araw, idineklara natin sa ilalim ng Proclamation No. 728 – ito ngayon ay National Day of Mourning.
Alam po namin na hindi sapat ang mga salita upang maibsan ang sakit na pinagdadaanan ninyo.
Makakaasa kayo na ang pamahalaan ay patuloy na kabalikat ninyo sa pag-ahon mula sa hamong ito.
Ang Tanggapan ng Pangulo, sa pamamagitan ng DSWD, ay magbabahagi ng 60 milyong piso na tulong sa anim na munisipalidad ng Batangas, kasama ang bayan ng Laurel. [applause]
Maghahandog po tayo ng tig-10 libong piso sa mga piling mangingisda at magsasaka para kayo ay makapagsimulang muli.
Sapagkat ang bayan ninyo ay nasa tabi ng Lawa ng Taal, maraming mga mangingisda at mga manggagawa sa aquaculture ang naging biktima ng Kristine.
Huwag po kayong mag-alala, may angkop na tulong na hinahanda sa inyo ang DA na agaran ding ipapadala.
Namahagi rin tayo ng mga materyales para sa pagpapatayo ng bahay mula sa donasyon ng Metrobank. Maraming salamat sa Metrobank sa kanilang tulong na ibinigay. [applause]
Higit pa rito, ating pinagbubuti ang paghahanda sa mga kalamidad. Muli kong uulitin, sa mga ahensya ng pamahalaan pag-ibayuhin ang paghahanda laban sa baha at sa landslide.
Inatasan natin ang DOST na pagbutihin ang kanilang mga warning system.
Nagbibigay tagubilin na rin ako sa mga ahensya na gawing standard operating procedure na ang dahan dahan na pagpapalabas ng tubig mula sa mga dam bago pa man dumating ang bagyo nang maiwasan ang matinding pagbaha.
Nagbigay direktiba na rin tayo sa DPWH, DENR at iba pang mga ahensya na rebisahin ang mga Flood Control Masterplan.
Ito ay upang kayanin ng mga imprastraktura natin ang matinding pagbaha na nangyari kada-isang daang taon, ngunit ngayon ay nagiging mas madalas na.
Isinusulong din natin ang mga makabagong disenyo para sa proteksyon ng mga kalsada at tulay, at tinitiyak na ang mga ito ay maging matibay at angkop sa ating klima.
Ang administrasyong ito ay patuloy din na nagsisikap na mapadali ang sistema at mabigyan ng access ang LGUs sa mga pondo, kagaya ng NDRRMC fund, para makabawi at mapaayos ang mga nasirang kagamitan, pasilidad, o hanapbuhay na dulot ng likas na sakuna.
Ukol naman sa tulay ng Bayuyungan at daan sa Agoncillo na nasira sa bagyong Kristine, ang DPWH ay tinitingnan na ang mga ito. Inaatasan ko rin sila na gawing prayoridad ang pagpapagawa ng mga imprastrakturang ito – na magawa sa lalong madaling panahon. [applause]
Ang plano ng DPWH para may dadaanan habang ginagawa, habang inaayos ‘yung tulay ninyo ay maglalagay sa tabi – sa tabi ng tulay maglalagay po tayo ng spillway. Para kahit papano may madaanan kayo hangga’t matapos namin ayusin ang tulay. [applause]
Pagsisikapan natin ang pagbangon ng Batangas.
Ating titiyakin na tatapusin natin ang mga proyektong imprastraktura sa lalawigan katulad ng Taal Lake Circumferential Road na magkokonekta sa bayan ng Laurel, Talisay, at Agoncillo; pati na [ang] Lobo Malabrigo – San Juan Laiya Road project.
Hindi lang sapat na ang mga proyektong imprastraktura ay matapos ng DPWH sa inaasahang oras.
Kailangan din na ang mga materyales at ang mga pagkakagawa ng mga proyektong ito ay tiyak na de-kalidad, ligtas, at makakatagal sa [pabago-bagong] panahon.
Kaugnay nito, inaatasan ko rin ang DTI na [pagtuunan] ng pansin ang mga materyales at instrumentong gagamitin sa pagpapatayo ng mga ito.
Ang ginagawa po natin sa Batangas gagawin po natin sa lahat ng lugar na niragasa ng Kristine at ng Leon.
Kung gaano kalawak ang pinsala ng mga bagyo, ganoon din ang ating magiging pagresponde.
Kung gaano sila kalakas, ganoon din ang pagsusumikap nating ibangon ang mga bayang nasalanta.
Bagamat matagal nang umarangkada at patuloy ang daloy ng mga tulong sa mga probinsyang tinamaan, pupuntahan ko pa rin sila upang personal na pangasiwaan ang paghatid nito at pag-iinspeksyon ng mga gawain na may kinalaman sa rehabilitasyon.
Pagdating sa kalamidad, hindi po ako makukuntento sa mga ulat na pinapadala sa akin. Ang gusto ko lagi ay personal na matunghayan kung totoo nga na umuusad ang mga pagbagon sa mga nasalantang lugar.
Sa pambansa at lokal na pamahalaan, sa lahat ng bumubuo sa pamayanan, at sa bawat mamamayang Pilipino—ipagpatuloy natin ang pagkakaisa para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng ating mga kababayan.
Nagpapasalamat ako sa lahat ng tumutulong at nagpakita ng kanilang kakayanan para sa kapakanan ng ating kapwa.
Salamat ulit sa Metrobank at iba pang pribadong sektor na nagbigay ng mga donasyon at patuloy na tumutulong sa lahat ng mga naapektuhan ng bagyo.
Sama-sama po tayong magtanim ng pag-asa at magtulungan para sa mas ligtas, handa, at progresibong Bagong Pilipinas.
Maraming salamat po sa inyong lahat! Magandang tanghali po. Mabuhay po ang Bagong Pilipinas. [applause]
— END —