Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF) in Isabela

Speeches 22 November 2024

Maraming, maraming salamat. [Magsi-upo po tayo.]

Nandito po ang pinakilala po ng ating butihing mayor ang ating mga kasama na mga Cabinet secretary, kinatawan ng mga kalihim ng iba’t ibang departamento na aming isinasama para makita at silang lahat, ang kanilang departamento ay masama sa ating ginagawa na pagdating, pagparating ng tulong para sa ating mga kababayan. Dahil noong una ‘yung hinaharap natin ‘yung El Niño, ngayon naman puro naman bagyo.

Kaya’t kami’y nandito upang magbigay ulit ng tulong at bawat departamento po ay sila’y may ginaganap na katungkulan para matiyak na ang mga nangangailangan ng tulong sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas ay natutulungan. Nandiyan po ang ating mga Cabinet secretary.

Ang ating butihing ama ng lalawigan, ng lalawigan ng Isabela Governor Rodito Albano; nandito rin po ang Governor ng Quirino, Governor Dax Cua; Apo Vice Governor Bojie Dy; at ang nakapagsalitang alkalde ng Lungsod ng Ilagan Josemarie Diaz at lahat ng ating mga local government officials na nandito ngayon; mga minamahal kong kababayan; at ang pinakamahalaga na ating kasama ngayon kayo po ang mga magsasaka, mga mangingisda na nandito kami para tulungan kayo, kayo po ang pinakamahalaga na ating bisita ngayon dito sa atin, magandang hapon po sa inyong lahat. [applause]

Sa kabila ng makulimlim na mga nagdaang araw, mainit ko pa rin kayong babatiin ng isang magandang araw dahil hindi nawawalan ng magaganda at masasayang ngiti ang mga taga-Isabela.

Mga minamahal kong kababayan, hindi natin maikaila ang tindi ng pinsalang dulot ng mga sunod-sunod na bagyong dumaan sa ating bansa, kasama na kayo rito sa probinsya ng Isabela, sa Cagayan Valley region.

Matapos dumaan ang anim na bagyo simula noong katapusan ng Oktubre – wala pang apat na linggo, anim ang dumaan na bagyo sa atin – batid po ng pamahalaan ang matinding dusa na naranasan ninyo at ang hirap sa pagbabangon mula sa mga naging – mga nasira, hindi lamang ng mga imprastraktura kundi ang hanapbuhay po ng ating – lalo na ng ating mga magsasaka at mangingisda.

Ang inyong pamahalaan ay lagi namang handa na tumulong at samahan kayong makabangon.

Bago pa lang dumating ang bagyo at sa mga araw at linggo pagkaalis nito, nakaalalay na ang lokal na pamahalaan at ang mga iba’t ibang ahensya ng gobyerno para mailigtas kayo sa kapahamakan at manumbalik agad ang inyong pamumuhay.

Bilang karagdagang suporta sa inyong pagbangon, naglaan po ng tigli-limampung milyong piso ang Tanggapan ng Pangulo para dito sa Isabela at sa Quirino Province. [applause]

Ito po ay dagdag dahil po mayroon pong mga ibinibigay na tulong ang iba’t ibang departamento. Ngunit sa bigat ng sakuna at dami ng nangangailangan ng tulong, kami ay naghanap ng pondo – kinuha ko na po sa Office of the President at ito ang ating ibibigay sa ating mga butihing gobernador. [applause]

Mula din sa Tanggapan ng Pangulo, at sa pamamagitan ng DSWD, makakatanggap din ng tigsa-sampung libong piso ang isang libo’t limang daang naapektuhan na magsasaka at mangingisda dito sa Isabela. [applause]

Mamimigay din po tayo ng assistance sa Tuguegarao City at 20 munisipalidad ng Cagayan na labis din na nasalanta ng mga bagyo. Nauna nang natanggap ng isang munisipalidad ang kanilang tulong.

Dahil sa pabago-bagong panahon at paglakas ng mga bagyo dulot ng climate change, ang gobyerno ay nagpupursige na maibsan ang epekto ng mga kalamidad na ito. Sa [gayon], maiiwasan natin ang matinding pinsala sa buhay, ari-arian, at kabuhayan.

Sa kasalukuyan, pinag-aaralan na natin ang mga master plan para sa major river basins sa bansa, gaya ng Cagayan River Basin.

Sinisimulan na rin po natin ang pagsasaayos ng Magat Dam. [applause] Napakaimportante po sa agrikultura ng Pilipinas.

Kasalukuyan din pong nagpapatayo ng iba’t ibang flood control structures katulad ng Tumauini River Multipurpose Project. Hindi lamang ito flood mi – hindi lang flood control po ito, ito rin po ay makakatulong sa patubig ng mga pananim ng ating mga magsasaka.

Para sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan, siguruhin natin na matapos ang mga proyektong ito upang maibsan ang panganib at pinsalang dulot ng madalas na pagbaha.

Sa bawat solusyon, dapat naman ay may agarang aksyon para sa mas malawak na proteksyon.

Nais ko ring gamitin ang pagkakataong ito na muling pasalamatan ang ating mga first responder, lalong-lalo na ang ating mga local government units. Ilang bagyo na ang dumaan pero nariyan pa rin kayo na handang tumulong, hindi alintana ang puyat, pagod, at sama ng panahon.

Saludo ako sa inyong lakas, at tibay, at tapang. Kaya muli, tanggapin ninyo ang aking taos-pusong pasasalamat. [applause]

Dahil diyan, kasama sa aking bilin sa DSWD, at ilan pang mga ahensya ng gobyerno na tiyakin na maaasikaso at naaalagaan din ang kapakanan ng ating mga first responder. Dahil po sunod-sunod po ang bagyo ay palagay ko ‘yung iba ay talagang hapong-hapo na at hirap na hirap na na maipatuloy ang kanilang trabaho, ngunit nandiyan pa rin. At kaya naman ay kami ay inaasahan talaga — alam namin na sila ay talagang maaasahan.

Mga kababayan, alam ko pong mabigat ang inyong iniinda, ngunit sana hindi po tayo panghinaan ng loob.

Hangad ko ang ating sama-samang pagbangon na puno ng pag-asa, pagmamahal, at pagkakaisa.

Muli, maraming salamat. Mabuhay po kayong lahat!

Mabuhay ang Isabela!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]

— END —