Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF) in Cavite

Speeches 14 November 2024

Maraming, maraming salamat po.

Babatiin ko po ang ating mga kalihim ng iba’t ibang departamento ng national government. Siyempre uunahin natin ang anak ng Cavite na kanina nung pinapakilala ang governor ng Cavite biglang tumayo dahil naninibago pa siya sa bago niyang katungkulan. Siyempre ang ating DILG, DILG Secretary Jonvic Remulla. [applause] Kaya pala hindi ka natatalo rito masyado kang ano eh. [laughter]

Ang ating Department of Agriculture Secretary, Secretary Kiko Laurel; ang DSWD, DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian; ang kasama din natin nandito po ang ating Senador, Senator Francis Tolentino; at ang – ito naninibago, ako rin pareho kami ni Gov. Jonvic – tingnan mo Sec., Sec. Jonvic – pareho kami naninibago pa rin ako, Gobernador ng Cavite Athena Bryana Tolentino; ang Bise Gobernador Shernan Jaro; ang Kinatawan ng Ika-pitong Distrito ng Cavite Crispin Diego Remulla; Kinatawan ng Ika-walong Distrito ng Cavite Aniela Bianca Tolentino; ang kinatawan ng Agimat Party-list Bryan Revilla; mga opisyal at mga empleyado at ang mamamayan ng Bayan ng Tagaytay – ah hindi lungsod na – ang Lungsod ng Tagaytay sa pamumuno ni Abraham L. Tolentino; sa lahat ng kasama ko sa pamahalaan; lahat at ang pinakamahalaga na kasama natin dito ngayon ang mga benepisyaryo kung kanino tayo ay mamamahagi nang kaunting tulong ngayong araw na ito, mga beneficiaries ng ating Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk; lahat ng ating mga kaibigan; mga minamahal kong kababayan, magandang tanghali po sa inyong lahat. [applause]

Nakikita na po natin ang dulot ng bagyo at sakuna na pinalala ng tinatawag na climate change. Alam natin ang bawat unos na dumadaan ay nag-iiwan ng bakas sa ating sambayanan at pamayanan.

Kaya’t mas pinaigting natin ang paghahanda, ang pagbuo ng mas matatag na mga sistema, at ang pagbibigay ng tulong sa mga kababayan nating tinamaan ng mga nagdaang bagyo.

Ngayong araw, nandito po tayo upang maghatid ng tulong sa ating mga Caviteño at Caviteña—mga kababayan nating labis na naapektuhan ng mga nakalipas na bagyo.

Sa harap ng hamong ito, nauna nang naglaan ang Tanggapan ng Pangulo ng tulong pinansyal para po sa inyo. Ang mahigit apat na libo at dalawang daang magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng bagyong Kristine at Leon ay pagkakalooban ng 10 libong piso upang muling makabangon at mapalago ang inyong mga kabuhayan. [applause]

Patuloy ang ating pagsusumikap maibalik sa normal ang kalagayan ng mga Caviteño at mga karatig na probinsya ng Calabarzon.

Kasama sa aming hakbang ang pamamahagi ng tulong sa mga lubos na naapektuhan ng bagyo sa pamamagitan kasama po ang DSWD, kasama po ang DOLE.

Walang humpay din ang ating pamahalaan sa pagbabantay sa mga bagyo at epekto nito. Napansin nga natin na karamihan ng pinsala ay dulot ng lakas ng hangin, pagbaha, at ang pagguho ng lupa.

Kaya’t inatasan ko ang DPWH, ang DTI, ang DOST, kasama ang mga lokal na pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan ng bawat gusali at istruktura. Tiyakin natin na ligtas at de-kalidad ang mga pasilidad laban sa pagbabago-bago ng panahon.

Inaatasan ko rin ang lahat ng ahensya at lokal na pamahalaan na maging puspusan pa sa paghahanda laban sa mga [paparating] na kalamidad pa upang maiwasan ang pinsalang dinanas natin sa mga nakalipas.

Tungkulin nating ihanda ang ating bansa, pagyamanin ang ating makabagong estratehiya, at siguruhing ligtas ang ating mga kababayan.

Nagbigay tagubilin na ako sa DILG at DENR na hikayatin ang mga lokal na pamahalaan na gamitin ang tinatawag po na geohazard map na binubuo ng DENR-Mines and Geosciences Bureau ng sa ganoon ay makapagsilbing gabay sa mga landslide-prone at bahain na lugar.

Kasabay nito, inuutusan ko ang DPWH, DENR, at iba pang mga ahensya na muling suriin ang ating mga Flood Control Masterplan upang kayanin na natin – ng ating imprastraktura ang tumitinding pag-ulan at pagbaha.

Dito po sa Cavite ay ipinapatupad natin ang Cavite Industrial Area—Flood Risk Management Project. Inaasahan natin na sa tulong ng proyektong ito na matatapos sa 2029, maiwasan na ang matinding pagbaha sa San Juan River Basin at sa Maalimango Creek Drainage Area sa Cavite.

Sa DPWH, siguruhin natin na matapos ito sa lalong madaling panahon at siguruhin natin na maganda ang kalidad nito upang kayanin ang mga pagbaha na dulot ng climate change.

Mga minamahal kong kababayan, sa kabila ng mga pagsubok na ating pinagdadaanan, nawa’y pumaibabaw ang ating pagkakaisa at pakikipagkapwa. Hinihikayat ko kayong lahat na manatiling matatag, magtulungan po kayo, at huwag mawalan ng pag-asa—dahil ang pamahalaan ay kasama ninyo sa bawat hakbang ng inyong pagbangon.

Sama-sama natin itaguyod ang isang maunlad at nagkakaisang Bagong Pilipinas, kung saan walang Pilipino ang naiiwan sa oras ng pangangailangan.

Maraming, maraming salamat sa inyong lahat. Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]

— END —