Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF) in Camarines Sur
Babatiin ko po ang ating mga bisita rito. [Magsi-upo po tayo.]
Babatiin ko lamang ang ating mga kasamahan dito na members of the Cabinet na pinangungunahan ng ating Secretary ng Department of Agriculture, Secretary Kiko Laurel; nandito rin po ang ating DILG Secretary, Secretary Jonvic Remulla; at siyempre ito ‘yung pinakakilala ninyo at siya ang gumagalaw at laging nauuna pagka may sakuna at may problema ang ating DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian; at nandiyan din po ang ating Secretary ng – ang aming SAP Secretary ng Special Assistant to the President, Secretary Anton Lagdameo; and our Press Secretary, of course, Secretary Cesar Chavez; ang ating CamSur 2nd District Representative L-Ray Villafuerte Jr.; ang [5th] District Representative naman ng CamSur ay Congressman Miguel Luis Villafuerte; Camarines Sur 1st District Representative, Representative Tsuyoshi Anthony Horibata; ang ating Camarines Sur Provincial Governor Vincen – I will read out your full name — Vincenzo Renato Luigi Villafuerte, happy birthday; lahat ng ating mga local chief executives na nandito; ang pinakamahalaga kayo po mga beneficiary na mabibigyan ngayon ng tulong galing sa Tanggapan ng Pangulo mismo – Office of the President po ang aming dala kasama po natin para tumulong sa mga naging biktima at nawalan ng hanapbuhay dahil sa mga bagyong dumaan; at aking kasamahan sa pamahalaan, national at saka sa lokal; ladies and gentlemen, marhay nga aga sa gabos. [applause]
Narito po ako muli upang personal na maghatid ng mga karagdagang tulong para sa mga kababayan nating lubhang naapektuhan ng Bagyong Kristine dito sa Camarines Sur.
Umaasa ako na sa tulong at suportang iniaabot namin sa inyo ngayon, kayo ay magkakaroon ng sapat na kakayahan upang makabangon muli.
Naglaan po ng 50 milyong piso ang Tanggapan ng Pangulo, na ipapamahagi ng DSWD, sa mga naapektuhan ng bagyo. Makakatanggap ng tig-sa-10 libong piso ang 5,000 magsasaka, mangingisda, at iba pang pamilyang naapektuhan. [applause]
Talaga pong nagpupursige tayo na maibalik sa normal ang kondisyon, sa lalong madaling panahon, ang mga nasirang tahanan, imprastraktura, at kabuhayan nitong bagyo.
Mga kababayan, hindi na po iba sa atin ang madaanan ng bagyo. Ngunit, itong nakaraang hagupit ng Bagyong Kristine, talagang ang lawak ng pinsala.
Tayo po ay nakakaranas na talaga ng epekto ng tinatawag na climate change. Hindi lang po ang Pilipinas ang tinatamaan ng matinding pagbabago ng panahon na ito, kung hindi sa buong daigdig ay nakikita natin ganito rin ang nangyayari.
Kaya kailangan nating gumawa ng masusi at maagap na solusyon upang hindi na muling mangyari ang ganito kalaking pinsalang dala ng mga bagyo.
Nagbigay ako ng direktiba sa bawat ahensya ng gobyerno na gumawa ng mga stratehiyang akma sa ating pangmalawakang – matinding pagbaha at maiwasan na ang ganyang klaseng baha sa kabila ng inaasahang pagbabago ng panahon.
Inatasan ko ang DPWH na muling pag-aralan ang Bicol River Basin Development Program. [applause]
Hulyo nitong taon ay nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways ang updating, ang pagbabago ng Master Plan at Feasibility Study ng Bicol River Basin upang gawin itong akma sa mga hamon ng pagbabago ng klima natin.
Sa kasalukuyan ay inaayos na ang Detailed Engineering Design na inaasahang masisimulan sa first quarter ng susunod na taon.
Next year, ‘pag simula ng — pagpasok ng New Year na 2025 ay masisimulan na natin itong ating mga ginawang plano para hindi na ganito kalala ang pagbabaha sa Bicol River Basin.
Inatasan ko ang DPWH, DENR, at DILG na makipagtulungan, kasama ang lokal na pamahalaan, upang maging integrated at future-proof ang kanilang mga plano at proyekto para sa Bicol River Basin.
Ngunit ang mga proyektong ito ay mababalewala kung hindi naman ito magtatagal, lalo na ngayon na ang kalaban natin ay ang matinding pagbabago ng panahon.
Bakit ko sinasabi ‘yun? Dahil sa buong kasaysayan ng Pilipinas, hindi pa tayo nabuhusan ng ganitong karami, ganitong kabigat na ulan dahil wala naman tayong climate change noon. Ngayon, nandito na po ang climate change.
Kagaya ng aking sinasabi, kung maaari lang papalitan natin ang panahon, papalitan natin ‘yung weather. Ngunit hindi pa natin kayang gawin ‘yun.
Kaya’t paghahandaan na lang muna natin para matiyak na ligtas ang mga tiga-CamSur at lahat ng ating mga kababayan na inaabutan at tinatamaan ng mga malalakas na bagyong ganito.
Kaya sa DPWH, DOTr, DTI, at iba pang ahensya, dapat masiguro natin na ang imprastraktura ay matitibay at pinag-aralan nang mabuti. Suriin ninyo ang mga materyales na gagamitin at mga proseso sa pagpapagawa ng mga ito.
Para naman sa DBM, sisiguruhin na tuloy-tuloy ang pagtugon sa mga ahensya ng gobyerno, sa pamamagitan ng Quick Response Fund, lalo na at may banta pa ng panibagong bagyo.
Sa puntong ito, nais kong muling pasalamatan ang ating mga kasamahan sa ASEAN na nagpadala po ng tulong – kahit tina… Kagaya ng ibang lugar, tinamaan din sila ng bagyo ngunit binigyan pa rin tayo ng tulong. Kaya’t nagpadala sila ng eroplano, nagpadala sila ng gamit. Pati na rin ang pribadong sektor na handang umagapay sa pagpapalawig ng mga proyekto ng pamahalaan.
Mga kababayan, hangad ko na mas patibayin pa ang ating pagkakaisa at pagtutulungan para sa isang maliwanag na Bagong Pilipinas.
Maraming salamat po sa inyong lahat.
Mabuhay ang Bagong Pilipinas! At magandang umaga po sa inyo. [applause]
— END —