Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families in Tawi-Tawi

Speeches 23 May 2024

Maraming salamat sa ating butihing Speaker… [cheers and applause]

[Please take your seats.]

Maraming salamat sa ating Speaker sa kanyang pagpakilala.

Andito rin po ang ating mga kasamahan sa iba’t ibang departamento na tumutululong dito sa ating pagbigay ng ayuda, nagbigay ng TUPAD, magbibigay ng iba’t ibang tulong at tayo po ay kailangan — marami po tayong kailangang gawin.

Kaya po sinasama ko po rito, nandito po ang ating DA Secretary, Secretary Kiko Laurel [applause]; nandito rin po ang DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian [applause]; kasama din po natin ang Secretary ng Department of Interior and Local Government, Secretary Benhur Abalos [applause]; ang ating namumuno ng peace process dito sa southern Philippines, the Presidential Adviser to the President on Peace Reconciliation and Unity, Secretary Charlie Galvez [applause]; ang namamahala sa retraining at saka reskilling, at saka sa pagpalawak ng kaalaman ng ating mga trabahador, ang ating Technical and Education Skills Development Authority o ‘yung TESDA, Secretary Teng Mangudadatu [applause]; ang host natin, the father of the province of Tawi-Tawi, Governor Yshmael Sali [applause]; Tawi-Tawi Lone District Representative, Dimszar M. Sali [applause]; at nagulat ako, mukhang magse-session yata ang House dito sa Tawi-Tawi at napakaraming congressman ang nandito. Malalayo… [cheers and applause] Kahit malalayo po ‘yung distrito nila, pumunta sila rito sa Tawi-Tawi para ipakita na ang kanilang tulong — makita nila… Dahil po siyempre sa appropriation dito nanggagaling — lahat ay nanggagaling sa House ay sa… Mabuti naman at ‘yung kanilang mga ipinapasa na appropriation, ‘yung mga kanilang pinapasa na tulong ay makita nila na talagang umaabot sa taumbayan [applause]; the officials and members of the Parliament of Bangsamoro Autonomous Region or BARMM; aking mga kasamahan sa pamahalaan, magandang umaga po sa inyong lahat.

Ikinalulugod ko po ang makapiling kayong lahat kahit na po naparito ako dahil sa suliranin at ang problema na ating dinadaanan dahil dito sa El Niño.

Subalit napakaganda po ng Tawi-Tawi at tunay pong mapalad kayo sa yaman na dulot ng lupang ito. [applause]

Kaya naman po talagang ninais kong magtungo rito, hindi lamang upang magbigay ng tulong sa mga kapatid nating nasalanta ng matinding tag-init, kung hindi upang makita rin nang personal ang pag-unlad [at] pagbabagong nagaganap sa Tawi-Tawi at napakalaking bagay na, napakarami na ang pagbabago dito sa Tawi-Tawi.

Ngayong araw, mamamahagi po tayo ng tig-sampung libong pisong assistance para sa mga napiling magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng El Niño sa inyong lalawigan at sa Basilan.

Ang DSWD naman po ay mamamahagi ng sampung libong pisong tulong para sa ilang pamilyang naapektuhan din.

Kasama rin namin ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Trade and Industry, ang DOLE, ang TESDA, DA para sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na ginaganap sa labas na handang magbigay ng serbisyo at tulong sa inyong lahat.

Ang pakay ko po sa pag-iikot ko sa iba’t ibang bayan at lalawigan sa bansa ay:

Una, upang personal kong makita kung ang tulong ng gobyerno ay natatanggap ng mga tao at kung ito ba ay [nakatutulong] sa mga pangangailangan ng mga nahihirapan dahil sa tagtuyot.

Pangalawa, andito rin po ako upang makausap kayo, nang maunawaan natin ang inyong sitwasyon, at makahanap tayo nang nararapat na solusyon sa inyong mga hinaharap na suliranin.

Dahil sa pagtutulungan at pakikiisa ng bawat isa sa inyo ay patuloy na uusbong ang kapayapaan at lalong uunlad ang ating bayan.

Ako po ay tunay [na] natutuwa sa kapayapaan na inyong tinatamasa ngayon. Upang pagtibayin ito, masaya kong ibinabalita na ang inyong pamahalaan ay patuloy na magsasagawa ng mga proyekto para sa inyong kaunlaran tulad ng Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project na [pinasinayaan] natin noong nakaraang taon.

Sa proyektong ito, tatlong tulay ang gagawin natin dito sa Tawi-Tawi na siyang tutulong [applause] — ito’y makakatulong sa inyong mga pangangailangan sa transportasyon at pagpaganda ng inyong hanapbuhay, pati na rin ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan dito sa inyong lugar.

Tuloy-tuloy din po ang mga social development programs ng DSWD. Nandiyan po ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o ang 4Ps na tinatawag na naglalayong isabay ang pag-unlad ng kalusugan at edukasyon sa pinansyal na paglago ng mga [mahihirap] na pamilya.

Nariyan din po ang ating Quick Response Fund at KALAHI-CIDSS Kapangyarihan at Kaunlaran sa Barangay, na [makapagbibigay] ng ayuda at trabaho sa panahon ng kalamidad.

Ang Bangsamoro Umpungan sa Nutrisyon o BangUn ay naglalayong din na [makatutulong] upang masugpo ang malnutrisyon [ng] mga bata, sa mga anak natin at kababaihang nagdadalang-tao.

Ang DOLE naman ay nagpaptupad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers o ‘yung tinatawag nating TUPAD Program. Mahigit tatlumpong libo na ang nakinabang dito mula noong Enero ng nakaraang taon sa ilalim ng TUPAD.

Bukas pa rin ito sa lahat ng mangangailangan upang [makapagsimulang] muli [sa] laban [ng] buhay.

Ngayon at bago ako [magtapos], hindi ko maaaring palampasin ang mga sitwasyon na nararanasan natin.

Alam naman natin na ang BARMM ay nasa state of calamity dahil sa El Niño.

Nais kong ipaalam sa inyo na nagsisikap ang inyong pamahalaan upang mabawasan ang tindi ng epekto nito sa ating pang araw-araw na buhay.

Sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na [naririto] — mula sa mga pinuno hanggang sa bawat empleyado — sisiguraduhin po namin na [makararating] ang lahat ng tulong, programa, [at] oportunidad sa ating mga mamamayan, lalo na sa pinakamalayong lugar tulad ng Basilan, tulad ng Tawi-Tawi. [applause]

Laging unahin ang kapakanan ng pinaka- nangangailangan, at mamuno nang may integridad.

Ito ay ang hinihingi natin at ito ang kailangan natin sa isang Bagong Pilipinas—ang adhikain na siyang isinusulong natin [at] sinusuportahan ng inyong mga gobernador at lider dito sa BARMM.

Sa lahat ng ating ginagawa at gagawin pa, ang pakikilahok ng bawat isa ang pinakamahalaga.

Saksi ako sa sipag at galing ninyo. Kaya asahan ninyong patuloy kaming magsisikap upang [maibigay] sa inyo ang nararapat na serbisyo at alaga upang makamit ninyo ang inyong mga pangarap sa buhay.

Asahan ninyong hindi ito ang huling pagkakataon na makikita ninyo ako, hindi ito ang huling biyahe ko [dito]. [applause] Babalik-balikan ko ang kagandahan ng Tawi-Tawi at ang init ng inyong pagsalubong na binigay sa akin. [applause]

Sa ating mga mga magsasaka, mga mangingisda, at inyong mga pamilya, salamat sa inyong sakripisyo para sa bayan.

Sama-sama tayong mangarap at kumilos para sa isang Bagong Pilipinas.

Mabuhay ang Tawi-Tawi! Mabuhay ang Basilan! Mabuhay ang BARMM! Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]

— END —