Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential assistance to farmers, fisherfolk, and families in Romblon (Delivered by Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr.)
Maayong adlaw sa indo tanan!
Natutuwa akong makasama ang ating mga magsasaka, mangingisda, at ang inyong mga pamilya sa araw na ito upang maghandog ng tulong.
Tunay nga po na napakaganda ng lalawigan ng Romblon at [nakabibighani] ang inyong mga likas na yaman—magmula sa mala-kristal na karagatan hanggang sa mga luntiang kabundukan. Hindi ko po maiwasang mapahanga sa makapigil-hiningang tanawin ng inyong lalawigan!
Hindi rin po lingid sa kaalaman ng [nakararami] na ang Romblon ay natatangi sa masaganang deposito at kalidad ng inyong marmol.
Ito ang nagbigay-daan upang mahasa ang inyong galing sa [paglililok] at mapanatili ang inyong titulo bilang Marble Capital of the Philippines.
Kaya naman, ibig kong ipaabot ang aking taos-pusong suporta sa inyong mga industriya, kabilang ang sektor ng agrikultura at pangingisda, pati na rin sa ating mga kababayan [n]a nagsisilbing haligi nito.
Kaugnay nito, nagpapasalamat ako sa ating mga magsasaka at mangingisda na dumalo sa aking paanyaya ngayong araw.
Hiling ko na ang ayudang handog namin ngayon ay makatulong sa inyong hanapbuhay at lalong magpatibay sa inyo bilang isang lalawigan.
Batid ko ang bigat ng mga pagsubok ng El Niño.
Ayon nga sa datos na aming nakalap, ang sektor ng agrikultura sa inyong rehiyon ay nakaranas ng pagkalugi na mahigit sa tatlong bilyong piso at humigit kumulang tatlumpung apat na libong magsasaka at mangingisda ang naapektuhan nito.
Bukod pa rito ang halos limampung libong pamilya sa mga lalawigan ng Romblon, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro na nakaranas ng matinding pinsala dahil sa El Niño.
Kaya naman, asahan ninyo, simula [n]a lamang ito ng aming pag-agapay upang tuloy-tuloy na ang inyong pagbangon at pag-unlad. [applause]
Sa pangunguna ng DA, magbabahagi kami ng isang daan at dalawampung sako ng yellow corn seed, mahigit tatlong daan at animnapung bote ng organic liquid foliar fertilizer, at mga fertilizer discount vouchers.
Mamimigay din kami ng ilang yunit ng pump and engine set, corn sheller, power sprayer, grass cutter, hammer mill, hand tractor, feed pelletizing machine, at iba pang gamit pansaka.
Kasama rin dito ang pamimigay namin ng African Swine Fever indemnification na nagkakahalaga ng mahigit tatlong milyong piso.
Hindi naman magpapahuli ang National Irrigation na naghanda ng Operation and Maintenance Subsidy para sa mga irrigator’s association na nagkakahalaga ng higit isang milyong piso.
Dagdag pa rito, magpapagawa tayo ng irrigation system na nagkakahalaga ng dalawampu’t anim na milyong piso para sa Danao Sur, Dubduban, Gabawan, at Taboboan-Tulay.
Sa ilalim naman ng Survival and Recovery Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council, mamimigay kami ng tseke na nagkakahalaga ng sampung milyong piso.
Kasunod nito ang tulong sa ilalim ng Agri-Negosyo Loan Program na nasa limang milyong piso.
Kasama rin namin ang Bureau of Soils and Water Management na naghanda ng isang Composting Facility for Biodegradable Waste.
Sa pangunguna naman ng Philippine Coconut Authority magkakaloob kami ng dalawang libo at dalawang daang sako ng Agricultural Grade Salt Fertilizer.
Ang Agricultural Training Institute ay magbibigay [naman] ng financial assistance para sa pagpapatayo ng Farmers Information and Technology Services.
Kasama din natin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na magbabahagi ng dalawang induction cookers, halos tatlumpung gill nets, tatlong (3) payao, tatlong food processing equipment, dalawang boat repair materials, at tatlong fiberglass reinforced boats.
Narito din ang DOLE na magbibigay ng mahigit pitong daan at pitongpung libong (774,537) pisong assistance para sa Integrated Livelihood Program.
Samantala, naghanda naman ang TESDA o ang Technical Education and Skills Development Authority ng halos limampung starter tool kits, kasabay ng pagpapatupad ng kanilang Special Training for Employment Program.
At mula naman sa aking opisina, sa Office of the President, magbibigay po tayo ng sampung libong piso sa ilang mga magsasaka at mangingisda na ngangailangan ng tulong. [applause]
Sa kabuuan, ang total na ipapamahagi ay higit isang daan at labing anim na milyong piso para sa mga benepisyaryo galing sa Romblon, Oriental Mindoro, at Occidental Mindoro.
At ito pa importante. Bukod diyan, magbibigay din po ang DSWD ng tig-sampung libo sa ating mga magsasaka, mangingisda, at ang kanilang mga pamilya sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program. [applause]
Di rin magpapahuli ang opisina ng magiting na House Speaker Martin Romualdez, na magbibigay ng tig-limang kilo ng bigas sa lahat ng dumalo ngayong umaga. [applause]
Mga kababayan, ang okasyon natin ngayon ay bunga ng ating panawagan ng pagkakaisa. Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, ang bawat sangay at ahensya ng gobyerno ay nagtutulungan upang magbigay ng [karampatang] tulong sa ating mga mamamayan.
Kaya asahan po ninyo na simula pa lamang ng [ating] pinagkaisang lakas upang maging mas maayos ang pagbibigay ng serbisyo sa sambayanang Pilipino.
Ukol naman sa suliranin sa serbisyong pangkalusugan sa inyong lalawigan, ang Department of Health ay aktibong nakikipagtulungan sa inyong mga lokal na pamahalaan upang mapaayos at maging moderno ang inyong mga healthcare facilities at madagdagan ang mga medical professionals, specialists, at healthcare workers sa inyong lugar.
Sa katunayan, noong nakaraang Abril, na-ipagkaloob [na namin] ang isang Super Health Center sa bayan ng Magdiwang sa Sibuyan Island. [applause]
Umaasa kaming higit na malilinang pa ninyo ang mga hatid naming tulong upang mapagyayaman pa ninyo ang inyong lalawigan.
Nawa’y maging susi ito upang madoble ang inyong mga ani, matugunan ang pangangailangan ng mas maraming pamilyang Romblomanon, at mapasigla ang ekonomiya ng MIMAROPA at ng buong bansa.
Hangad ko na magsilbi itong inspirasyon upang mapalalim ang inyong kaalaman sa agrikultura, mapalawak ang [inyong] mga kasanayan, at mapaganda ang inyong mga buhay matapos [ang] tagtuyot.
Patuloy tayong magtiwala sa kakayahan ng bawat isa at magtulungan sa paglalakbay tungo sa isang Bagong Pilipinas—isang bansang puno ng liwanag, pag-asa at kasaganahan ng bawat isa.
Maraming salamat po!
Mabuhay ang mga Romblomanon!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]
— END —