Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the distribution of Presidential Assistance to farmers, fisherfolk, and families in Legazpi City, Albay

Speeches 7 June 2024

Maraming salamat, Secretary Anton Lagdameo sa pagpakilala.

[Magsiupo po tayo.]

Kagaya ng nabanggit, nandito po ang iba’t ibang kalihim ng iba’t ibang departamento ng pamahalaan, ng national government at nandito po sila dahil po, ang aming ginagawa kapagka may programa mayroon po kaming ina-adopt na polisiya na tinatawag whole-of-government approach.

Ang ibig sabihin po ay pagka may programa kaming gagawin, hindi namin iniiwan lamang sa isang departamento at kailangan natin ng tulong ng mga iba’t ibang departamento kaya’t pinagsasama-sama — pinagtutulungan po ng ibang department lahat.

Kaya po nandito ang ating mga Cabinet Secretary. Unang-una, Secretary ng Department of Agriculture, Secretary Kiko Laurel [applause]; ang Secretary ng DSWD, Secretary Rex Gatchalian [applause]; at nanggaling po kami sa CamSur at namigay po kami ng titulo para sa ating mga Agrarian Reform Beneficiary kaya kasama po natin si Secretary Conrad Estrella ng Agrarian Reform [applause]; at alam niyo po napakahalaga ang pag-uugnay at pagkakaisa ng national government at ng local government kaya po — ang tumutulong po sa atin diyan ay natural ang DILG, nandito po si Secretary Benhur Abalos [applause]; ang aking kaibigan na matagal na nating kasama, ang First District Representative, Congressman Edcel Lagman [applause]; Second District Representative, Congressman Fernando Cabredo [applause]; ang nag-absent kasi lahat ng congressman ngayon ay nasa — lahat ng congressman ngayon nasa Davao kaya nag-absent ngayon ang isa pang Congressman dahil mayroon tayong programa dito, Congressman Zaldy Co [applause]; ang Party-List Representative ng Ako Bicol ay Congressman Raul Bongalon [applause]; ang Representative po ng Ang [Probinsyano] Party-List, Congressman Alfred Delos Santos [applause]; 1-Rider Party-List Representative, nandito rin po Congressman Rodge Gutierrez [applause]; ang ama ng lalawigan, Governor Edcel Greco Lagman. [applause] Siya po ‘yung ang aking text buddy lagi kaming nag-uusap sa text at marami siyang ibinabalita sa akin kaya’t nalalaman namin kung ano ‘yung mga sitwasyon dito sa inyo; Catanduanes Provincial Governor, Governor Joseph Cua [applause]; Masbate Governor, Governor Antonio Kho [applause];Provincial Governor ng Probinsya ng Sorsogon, Governor Jose Edwin Hamor [applause]; Legaspi City, ang bumati po sa atin, Legazpi City Mayor Carmen Geraldine Rosal [applause]; ang pinaka-importante po na bisita na nandito ngayon, kayo po ang mga beneficiary para sa Presidential Assistance na ibibigay natin ngayong araw [applause]; lahat po ng aking kasamahan sa pamahalaan, sa national at saka sa local; ating mga kaibigan, ladies and gentlemen, marhay nga aldaw sa indo gabos! [applause]

Bago ang lahat, nais ko pong magpasalamat sa napaka-init na pagtanggap ninyo sa akin dito sa Legazpi.

Kasing-init ng siling labuyo at kasing-sarap ng Bicol Express ang bungad ninyo sa akin kaya naman ako ay talagang natutuwang muling makabalik dito sa inyong napaka-gandang siyudad at makasama kayong lahat sa araw na ito. [applause]

Narito po ako ngayon — kasama ang ilang ahensya ng pamahalaan upang kumustahin kayo at personal na maghatid ng serbisyo at ng tulong.

Hindi po lingid sa kaalaman ng lahat na marami talaga ang tinamaan nitong nakaraang El Niño — na hinaharap pa rin natin na El Niño dito sa Albay pati na rin sa inyong mga karatig-probinsya.

Ayon sa aming nalalaman at sa Department of Agriculture, sa PAGASA, at sa DOST, halos labing siyam na libong pamilya sa mahigit tatlong daang barangay ang matinding naapektuhan ng El Niño sa Albay, Catanduanes, Masbate, at Sorsogon.

Karamihan po sa mga lubhang naapektuhan nito ay ang mga nagtanim ng palay at mais na talagang nahirapan nang isalba ang mga nasirang pananim.

Kaya naman, sa araw na ito, ay naglaan po ang Tanggapan ng Pangulo ng mahigit isang daang milyong pisong halaga ng assistance para sa [mga] lalawigan ng Albay, Catanduanes, Masbate, at Sorsogon. [applause]

Ito pong pondong ito ay [ipamamahagi] natin sa Provincial Government at makatatanggap ng [tig-sampung] libong piso ang bawat magsasaka, mangingisda, at ilang piling pamilya na lubhang naapektuhan ng tagtuyot na dala ng El Niño. [applause]

Bilang pauna, magbibigay po kami ng tig-sampung libong piso sa sampung benepisyaryo mula sa bawat probinsya.

Hindi rin magpapahuli ang DSWD na mamamahagi rin ng [tig-sampung] libong piso sa limang libong benepisyaryo ng AKAP na programa. [applause]

Mayroon pa pong magandang balita sa ating mga magsasaka at mangingisda—nandito po ang Department of Agriculture at saka ang Bureau of Fisheries na handang iabot sa inyo ang mga sari-saring tulong tulad ng: Hybrid rice and corn seeds, mga fertilizers, pumping sets, [mga] lambat, tatlong de-makinang 18-footer na bangka, at iba pang mga ibang tulong at suporta.

Mula naman sa opisina ng ating magiting na Speaker Martin Romualdez, naghanda rin sila ng tig-limang kilong bigas para sa lahat ng dumalo ngayon. [applause]

Titiyakin po natin na ang bawat ayuda na [ipamamahagi] namin ay [makararating] sa lahat ng mga pinaka-nangangailangan.

Ang hiling ko lang sa ating mga benepisyaryo ay samantalahin ninyo ang pagkakataon na ito upang makabangon at makapagsimula muli.

At, idadagdag ko rin na huwag kayong mahihiyang lumapit sa inyong mga barangay captain, sa inyong mga mayor, sa congressman, [o] governor at kung sino-sino pa na ahensya ng pamahalaan, kung nangangailangan kayo ng karagdagang tulong dahil patuloy din kaming nakikipag-ugnayan sa kanila para malaman kung ano pang karagdagang assistance ang maaari naming maibigay.

Basta lahat ng mga paraan na [makatutulong] sa inyong pagiging produktibo, suportado ko at ng inyong pamahalaan.

Magtulungan po tayo, at tiyak na lahat tayo ay sabay-sabay na babangon.

At dahil nasa usapin tayo ng “kahandaang umagapay,” nais ko ring ipaalam sa inyo na naghahanda na ang pamahalaan para sa nalalapit na panahon ng tag-ulan.

[Kayo] rin po, dapat maging handa sa posibleng pagtama muli ng mga malalakas na bagyo at pagbaha.

Dito po sa Region V ay maraming bagyo na [ang dumaan] pero dahil sa angking tapang at tatag ninyo, [nakababangon] kayo nang buong-lakas at buong-puso.

Kaya naman inaatasan ko ang lokal na pamahalaan at lahat ng ahensya ng pamahalaan dito sa Region V na suriing muli ang mga plano ninyo [inihanda] sa tuwing may banta [ng] sakuna. Siguraduhin na ligtas ang lahat.

At kung sakali mang kinakailangan na may ilikas, nararapat lamang na may sapat na suplay ng pagkain at pangunahing pangangailangan [ang] mga magiging apektado.

Sa bahagi naman po ng pamahalaan, patuloy kaming [nakasubaybay] at naka-agapay sa inyo.

Bilang suporta sa patuloy na pag-unlad ng inyong rehiyon, binibilisan na rin po ang pagbabalangkas [sa] ilang mga proyekto dito sa inyong lugar—tulad [na] lamang ng mga port [projects] natin sa Tabaco, sa Malinao, sa Tiwi, at sa Bacacay dito sa Albay.

Sa karatig-lugar naman, sa Sorsogon ay patuloy ang pag-usad ng implementasyon ng RoRo Terminal Port Expansion project.

Isusunod na din po natin na [ipatatayo] ang ilan sa mga port [projects] sa Catanduanes, Masbate, at Sorsogon.

Kaya po namin binigyan ng prayoridad ang mga puwerto dahil nakikita namin ang lagay ng ating mga magsasaka, kung minsan, kung ano man ang kikitain sana ng ating mga magsasaka ay nauubos dahil napakamahal para ilipat ‘yung inyong produkto at dadalin sa merkado. Isasakay sa barko, ibababa, isasakay sa truck, bago ibababa ulit. Sasakay uli ng barko bago makarating kung saan man pupunta.

Kaya’t ang — kaya namin pinaparami at pinapaganda ang mga pasilidad na tungkol sa puwerto para mula dito, mula sa maliliit na bayan ay kaya na natin, doon na isakay sa barko at deretso na na pupuntahan kung saan man ang merkado ng inyong mga agricultural product.

Ito pong mga proyektong ito ay naglalayong mapabilis ang kalakalan at pagbiyahe ng ating mga produkto, lalo na ang pagkain at produktong pang-agrikultura.

Malapit po sa puso ko ang sektor ng agrikultura dahil naniniwala po ako na ito ang susi sa paglago ng ating bansa.

At kailangan natin matulungan ang ating mga magsasaka dahil ang mga magsasaka sa Pilipinas ang bumubuhay sa ating mga kababayan.

Ngunit, nakakalungkot na kayo ang nagpapakain sa taumbayan ay kayo naman ay naghihirap.

Kung minsan hindi niyo kayang pakainin ang sarili ninyo at ang pamilya ninyo, kaya’t babaguhin po natin ‘yan at titiyakin natin na maganda ang magiging hanap buhay ng mga magsasaka at ng mga mangingisda. [applause]

Kaya naman nagbalangkas na tayo ng mga hakbangin upang mapalago ang sektor na ito. Ang Department of Agriculture ay nagtatayo ng mga sistema ng mga transport networks, farm-to-market roads,[at] tramlines sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Maliban pa riyan, ang DA ay kumikilos na upang palawigin ang mga lupang sakahan at palaisdaan, isaayos ang mga irigasyon, at patabain ang mga lupang sakahan.

Kabilang din sa ginagawa ng DA ang paggamit ng science-based at climate-resilient na teknolohiya sa pagsasaka; at pag-tatayo ng mga agro-processing facilities sa mga Strategic Agriculture and Fisheries Development areas.

Bakit po mahalaga ito? Dahil ang processing ay napupunta — hindi… Ang mga magsasaka ay hindi makapag-process dahil walang makinarya, walang gamit. At ang nangyayari ay napupunta sa middleman, magpo-process, ‘yun na naman, mababawasan na naman ang kita ng mga magsasaka.

Sa pagbibigay natin ng — itong mga makinarya, ‘yang pag-processing ay maiiwan sa magsasaka. Maiiwan sa kooperatiba, sa irrigation, irrigators associations nang sa ganon, ganon ulit. Kung ano man ang dapat kikitain, wala ng middleman, ay mapupunta ulit sa ating mga kooperatiba, sa ating mga irrigators association, sa ating mga magsasaka.

Pinaiigting din natin ang promosyon ng ating mga produkto upang dumami pa ang mga merkado na mapupuntahan nito. [Isinasaayos] din ng DA ang mga programang pautang, insurance, at [pamumuhunan] para sa mga magsasaka upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa kapital.

Ilan lamang yan sa mga hakbang na aming ginagawa upang sa ating — para sa ating mga magsasaka at para sa ating mga mangingisda.

Sa mga minamahal kong kababayan dito sa Legazpi at sa mga nanggaling pa sa iba’t-ibang karatig-bayan dito, muli ko pong ipinaaabot sa inyo ang aking taos-pusong pasasalamat sa tiwala at suporta na ipinagkaloob ninyo sa akin.

Asahan po ninyo na patuloy na nagsisikap kaming lahat sa — ng lahat sa pamahalaan upang maibigay ang lahat ng kailangan ninyo para mapagaan at mapa-unlad naman ang inyong mga buhay at mapaganda naman ang magiging kinabukasan ng inyong pamilya at ng inyong lugar.

Hangad po namin na maging masagana at produktibo ang bawat Pilipino. Nang sa gayon ay matupad na natin ang inaasam na isang maunlad, masagana, at mapayapang bukas.

Hindi po ito ang huling pagbibisita ko rito sa Albay. Babalik po kami upang muling kamustahin at alalayan kayo.

Kasama ng buong puwersa ng pamahalaan, tutuparin po namin ang pangako na walang Pilipinong maiiwan sa ating paglalakbay patungo sa isang Bagong Pilipinas. [applause]

Maraming salamat po sa inyong lahat!

Mabuhay po kayong lahat at magandang hapon po! [applause]

– End –