Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families in Iligan City (Region X)

Speeches 16 May 2024

Maraming, maraming salamat sa ating Special Assistant to the President Secretary Anton Lagdameo.

[Please take your seats.]

Kasama din po natin, andito po para magbigay at magdala ng tulong para sa mga napinsala dito sa krisis natin ng El Niño, kasama po natin ang Secretary ng Department of Agriculture, Secretary Kiko Laurel [applause]; at babatiin ko rin ang ating mga opisyal na galing sa Iligan City, the Lone District Representative Celso Regencia [cheers and applause]; Misamis Occidental First District Representative Jason Almonte [applause]; at lahat ng iba’t-ibang mga miyembro ng House of Representatives na nandito ngayon; of course, Misamis Occidental Governor, Governor Henry Oaminal [applause]; Lanao del Norte Vice Governor Allan Lim [applause]; ang ating Alkalde ng Lungsod ng Iligan, City Mayor Frederick Siao [cheers and applause] and all the elected officials; at… [cheers] sige na nga, ituloy na natin palakasan nga magkabila, tingnan natin kung…[cheers and applause]; ang pinakamahalaga na nandito ngayon ang ating mga beneficiary para sa presidential sssistance na ating ibibigay ngayong ngayong araw [cheers and applause]; ang aking mga kasamahan sa serbisyo publiko, sa pamahalaan at sa pribadong sektor; ating mga kaibigan, magandang araw po sa inyong lahat. [applause]

Nagagalak po ako na makarating dito sa inyong lugar upang makita at makasama na naman ang mga kababayan natin sa Iligan City at ang mga karatig-bayan dito sa Region 10.

Napaka-espesyal po ng Northern Mindanao para sa akin sapagkat isa po ang inyong lugar na nagbigay [ng] di matatawarang suporta sa akin noong nakaraang halalan. [cheers and applause]

Muli, maraming salamat po sa inyong tiwala. Asahan niyo po na itong suporta at tiwala na ipinakita ninyo para sa atin at sa ating mga kasamahan ay susuklian namin ng lahat ng trabaho at tulong upang pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino at pagandahin ang ating minamahal na Pilipinas. [cheers and applause]

Kahit po ngayon, talaga namang nakaka-antig [ng] damdamin ang makita kayo na patuloy na tumatangkilik at tumutulong sa pamahalaan.

Tunay na nakatatak sa aking puso na maging sa aking buong pamilya ang siyudad ng Iligan at ang buong lalawigan ng Lanao del Norte.

Kaya naman, masikap nating isinusulong ang mga inisyatibo na makakapagpabilis sa pag-usbong ng kaunlaran dito sa inyong siyudad at sa buong region.

Tuloy-tuloy po ang ating pamahalaan sa pagsisikap na maitaguyod ang mga proyekto at programang magbibigay ng oportunidad para sa lahat.

Sa pangunguna ng NEDA, inilatag na ang mga estratehiya at proyekto na gagawin sa inyong rehiyon sa ilalim ng Northern Mindanao Regional Development Plan ng 2023 hanggang 2028. [applause]

Hangad po nito na gawing “globally competitive” at “leading agricultural hub,” “major industrial, tourism, trade center” ang buong Region 10. [applause]

Ilan lamang sa ating mga prayoridad na proyekto ay ang walong bilyong piso na Panguil Bay Bridge na magkokonekta sa Tangub, Misamis Occidental at Tubod dito sa Lanao del Norte.

Dagdag po rito, nakapaglabas na tayo ng halos dalawang bilyong piso para sa implementasyon ng Iligan City Coastal Bypass Road… [applause] na naglalayong maibsan ang trapiko sa siyudad.

Nariyan din ang expansion, rehabilitation, at development ng mga paliparan sa Ozamiz, Camiguin, Lumbia, Bukidnon, at Laguindingan. [applause]

Ang mga proyektong ito ay naglalayong mapabilis ang daloy ng ekonomiya at oportunidad para sa mga mamamayan ng Region 10.

Atin din binibigyan ng karampatang pansin ang pagpapalago ng agrikultura. Kaya naman po nagbubuhos na po ang NIA, ang National Irrigation Administration ng mga proyekto pang-irigasyon.

Sa Lanao del Norte, prayoridad nating matapos ang dalawang solar pump irrigation projects sa bayan ng Salvador at Sapad kung saan halos tatlumpung milyong piso ang nabigay na na pondo para dito sa proyektong ito.

Mayroon pa rin po tayo, dahil po kailangan na pag tayo ay makikilahok sa bagong ekonomiya na lumitaw sa pagkatapos ng pandemya, pagkatapos ng Covid-19, naglalagay rin po tayo ng mga scholarship program at subsidy para eksklusibo na para sa mga naglalayong mag-aral ng agricultural at medical courses.

Kaya’t sa Academic Year 2023 to 2024, nakapagbigay tayo ng halos animnapung milyong piso para sa higit na apat na raang mga iskolar ng Medical Scholarship and Return Service Programng CHED dito sa Region 10. [applause]

Para naman po sa mga tinatawag na micro-, small- and medium- enterprises o [MSMEs], nandyan po ang ating Negosyo [Centers]at Shared [Service] Facilities ng Department of Trade and Industry upang tulungan kayong mas mapalago ang inyong mga negosyo.

Sa ilalim ng Negosyo Center Program, higit sa tatlumpung libo na MSMEs sa rehiyon ang ating natulungan simula noong nakaraang taon, 2023.

Dagdag po pa rito, ang halos tatlong libo na MSMEs ang ating natulungan sa ilalim ng Shared Service Facilities Project.

Isa rin sa mga programa ng DTI ay ang One Town One Product bilang suporta sa lokal na produkto ng rehiyon.

Dito sa Iligan, alam kong sikat na pasalubong ang toasted peanutat palapa. [cheers and applause] Kaya kung mayroon kayong dala diyan, picturan ninyo, mag-selfie kayo kasama ng produkto tapos i-post ninyo sa social media.

Simpleng bagay lang, pero napakalaking tulong niyan upang makilala at maipagmalaki ang inyong mga produkto at inyong lugar, lalo na at usong-uso ngayon ang social media sa karamihan sa atin ngayon.

Hindi maikaila ang ating pagiging malikhain at nakikita ito sa mga ipinagmamalaki nating mga lokal na produkto at serbisyo.

Sa parte naman ng pamahalaan, makakaasa po kayo na patuloy ang aming mga programa at proyekto upang mas mapabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan sa rehiyon. Ngunit, nahaharap din ang ating bansa sa matinding tagtuyot na balakid sa ating kaunlaran.

Kaya nga po ang ginagawa natin ngayon ay sinusuyod natin ang buong kapuluan upang maghatid ng tulong sa mga napinsala ng matinding tag-init at [tagtuyot] na nangyayari sa El Niño.

Kaya napansin ng aking maybahay, nagka-sunburn na raw ako sa kakabigay ng tulong. Pero wala tayong magagawa, ito talaga ang kulay ng mga Ilokano. Sanay mabilad sa araw lalo na kung ito ay para magsilbi sa taong bayan, para sa inyo. [applause]

Lahat po, marami po tayong pupuntahan pa. Walang rehiyon ang makakalimutan sa pagbibigay ng tulong. Walang sektor ang makakaligtaan.

Puwede ko naman po ihabilin sa aking mga kalihim ang pagdadala ng tulong.

Puwede ko rin iatas sa iba [ang] paghahatid ng serbisyo.

Ngunit kung gagawin ko iyon, hindi ko kayo makakasalamuha.

Hindi ko makikita ang inyong tunay na kalagayan.

Hindi ko maririnig ang inyong mga hinaing.

Higit sa lahat, hindi ko matutunghayan ang pag-unlad ng Iligan, ng Lanao del Norte na bunga ng sipag at tiyaga ng kanyang mamamayan. [applause]

Napakalaki po ang bilib, paghanga, at respeto ko sa inyong lahat. Kaya naman, minamarapat ko na isama ang buong lakas ng pamahalaan sa aking pagdalaw sa inyong rehiyon.

Mula sa Office of the President, mga iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, hanggang sa lokal na pamahalaan — lahat po kami ay nagkapit-bisig upang maging mabilis at mabisa ang paghatid ng mga ayuda sa inyo.

Pangungunahan po natin ang pag-aabot ng cheke sa ating mga lokal na pamahalaan para sa Presidential assistance ng mga magsasaka at mangingisdang apektado ng El Niño na nagkakahalaga ng sampung-libong piso bawat benepisyaryo. Ito po ay dagdag po sa mga ibinibigay ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ito ay galing mismo sa Opisina ng Pangulo upang magsilbing dagdag-tulong sa mga apektadong pamilya.

Nandito rin ang DSWD upang mamahagi ng pinansyal na tulong. Ang Opisina ng ating butihing House Speaker upang mamahagi ng bigas sa mga minamahal kong Pilipino.

Asahan po ninyo ang patuloy naming pag-iikot sa Mindanao at sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang masiguro na maihahatid namin ang tulong at serbisyo sa taong-bayan.

Narito po ang inyong pamahalaan sa lahat ng oras.
Sa panahon ng tagtuyot at [paparating na] tag-ulan, handa pokaming umagapay sa inyong lahat.

Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, walang manlalamang at walang malalamangan, walang mang-iiwan at walang maiiwanan.

Lahat po tayo ay sabay-sabay na hahakbang tungo sa mas maunlad na kinabukasan. [applause]

Tiyakin po natin na ang bawat Pilipino ay mabigyan ng pagkakataong umasenso at gumaan ang buhay ng kanilang sarili, at ng kanilang pamilya.

Maraming salamat, Iligan City! Mabuhay kayong lahat! [applause]

Asahan po ninyo na ang inyong pamahalaan ay laging naka-alalay sa inyo. Ang inyong pamahalaan ay laging pinapakinggan ang pangangailangan ninyo.

Ang ating pamahalaan ay laging nandito upang magbigay ng tulong para sa bawat sa inyo upang masabi naman natin dito sa kahirapan ay nakapagdulot ng kahit kaunting ginhawa.

Maraming, maraming salamat!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]

— END —