Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families in Dumaguete City

Speeches 27 June 2024

Maraming salamat sa ating Special Assistant sa — Secretary Anton Lagdameo sa kanyang pagpakilala.

[Magsi-upo po tayo.]

At babatiin ko po, nandito po, kasama ko po, ang ating mga iba’t ibang miyembro, Kalihim ng mga iba’t ibang departamento na nandito upang tumulong sa atin para mabuo itong programa na pagbigay ng tulong sa mga nakaramdam o naging biktima sa tagtuyot na dala ng El Niño. Kaya naman po, nandito po, kasama po natin siyempre ang lead agency dito, ang Department of Agriculture, Secretary ng Department of Agriculture, Secretary Kiko Laurel [applause]; at ito ‘yung — siguro madalas na ninyong nakita dahil sa pagputok na nga ng Kanlaon at siya po ay — hindi na po natutulog ito, hindi na po kumakain ito at lagi kong… Kahit anong oras kong tawagan ito, kahit alas tres ng umaga, gising po. Hindi ko alam ang ginagawa pero gising. Ito po ang ating DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian. [applause]

Alam niyo po, lahat po ng programa ng pamahalaan ay hindi po natin mapapaabot sa taumbayan kung hindi po maganda ang ugnayan ng ating mga local government officials at saka ‘yung ating mga galing naman sa national government. Dahil po kahit na gaano kaganda at kagaling ang aming mga pinaplano, kung hindi po kami tulungan ng ating mga local government officials, hindi po namin mapaparating ang nais naming ipadala na tulong at programa para po sa inyo. Kaya po ang nakikipag-ugnayan sa national government at saka sa local government, ang ating Secretary of the DILG, Secretary Benhur Abalos. [applause]

Ang Congressman ng Second District ng Negros, Congressman Chiquiting Sagarbarria [applause]; ang First District naman, First District Representative ng Negros, [Congresswoman] Jocelyn Limkaichong [applause]; ang Siquijor Lone District Representative, Congressman Zaldy Villa [applause]; at ang ating ama ng Probinsya ng Negros Oriental, Governor Chaco Sagarbarria [applause]; ang Governor naman ng Probinsya ng Siquijor, the Governor of the Province of Siquijor, Governor Jake Vincent Villa [applause]; at ang host po natin dito sa programang ginagawa natin ngayong hapon, ang ating Mayor, Mayor ng Dumaguete City, Mayor Felipe Antonio [Remollo] [applause]; ang aking mga kasamahan sa pamahalaan na tumulong upang maging matagumpay itong programa na aming ginagawa; at ang pinakamahalaga at ang pinaka-importante na kasama natin dito ngayong araw, kayo po, mga beneficiary na makakatanggap ng tulong galing sa pamahalaan ngayong araw [applause]; mga minamahal kong kababayan, maayong hapon sa inyong tanan.

Una sa lahat, nais kong iparating sa inyo [na] patuloy nating binabantayan ang sitwasyon sa Barangay Liptong sa bayan ng Bacong dahil sa landslide doon, pati na rin ang mga pagbahang dulot ng [malalakas] na pag-ulan sa ilang lugar nitong nakaraang ilang araw.

Patuloy lamang din po ang ating ginagawa na clearing operations sa nasabing lugar.

At kahit na walang naiulat na nasawi o nasugatan sa mga insidenteng ito, pinaaalalahanan natin na ang mga mamamayan na mag-ingat po kayo at sundin ang payo ng ating mga lokal na pamahalaan na opisyal.

Maliban sa pangungumusta ko po sa inyo ngayong araw na ito, narito rin po tayo at nagtitipon upang magbigay pugay sa ating mga magsasaka, sa ating mga mangingisda, at sa kanilang mga pamilya na laging nakaagapay sa kanilang paghahanapbuhay. [applause]

Kayo ang bida ngayon sa ating kuwento ng tagumpay dahil sa bawat pagtatanim at pangingisda ninyo ay pinapanday din ninyo ang kinabukasang puno ng pag-asa at pangako para sa lahat. Hindi lamang para sa inyong sarili, hindi lamang para sa inyong pamilya, kung hindi po pati na sa bansang Pilipinas. [applause]

Kaya naman po, upang ipakita at ipadama ang aming pagkilala sa lahat [ng] inyong kontribusyon sa ating bayan, handog po namin ngayon ang mga tulong na ito:

Mula po sa Tanggapan ng Pangulo, magbibigay po tayo ng limampung milyong piso sa pamahalaang lokal ng Negros Oriental [applause] at mahigit dalawampung limang milyong piso naman para sa kalapit ninyong probinsya sa Siquijor. [applause]

Ito po ay dadag — nasa labas po ng programa ng ating mga iba’t ibang departamento at siyempre mayroon po tayong ayuda. Iyong DOLE may TUPAD, marami po tayong mga binibigay sa programa natin.

Ngunit nakita po namin — dahil sa pag-iikot ko sa buong Pilipinas, nakita ko po na talagang napakabigat ang naramdaman, lalo ng mga magsasaka at mangingisda. At malaki ang nawala sa inyong lahat dahil nga sa [tagtuyot] na dala ng El Niño.

Kaya naman po sinabi ko sa aking mga kasama, tingnan naman ninyo, baka mayroong pa tayong makuhang pondo sa Office of the President. Kaya po ‘yung ibibigay po natin sa ating mga governor ay ‘yun po ang pondo na nanggaling sa Office of the President upang pandagdag pa para sa tulong na ibibigay namin ngayon araw. [applause]

Bukod po riyan, mamamahagi rin po tayo ng [tig-sampung] libo sa mga piling benepisyaryo galing dito sa inyong lugar, na pangungunahan ng inyong lokal na pamahalaan.

Ngayong araw din po ay [ipamamahagi] ng DSWD ang tig-sampung libong piso para sa pitong libo at dalawang daang benepisyaryo ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program dito sa Negros Oriental. [applause]

Ang Department of Agriculture naman ay magbibigay ng isang Greenhouse with Hydroponics System dito sa Dumaguete at dalawa pa sa Tanjay City. Mayroon tayong sample dito, nasa labas. [applause]

Ang Department of Agriculture, ang PhilMech, at PhilFIDA ay mamamahagi rin ng mga makinarya at kagamitan tulad ng traktor, spindle-stripping [machines], at stripping [knives] habang ang BFAR naman ay magbibigay ng isang fishing boat, mga lubid, fishing [nets], at feeds para sa mga benepisyaryo dito sa Negros Oriental. [applause]

Sa pagtutulungan po ng Department of Agriculture at saka ng PhilFIDA, magbibigay tayo ng binhi para sa urban gardening dito sa Lungsod ng Dumaguete; dalawampung sako ng yellow corn seeds para sa Tanjay City; at tatlumpung libong abaca planting materials para sa Negros Oriental. [applause]

Mayroon ding pinansyal na tulong ang ilan nating ahensya tulad ng PCA — Philippine Coconut Authority po iyan at saka ACPC para sa pagtatanim ng niyog at pagsisimula ng agri-negosyo habang ang PCIC naman ay magbibigay ng danyos para sa mga magsasaka ng Tanjay City na nasalanta ang mga pananim.

Nandito rin po ang DOLE upang magbigay ng tulong pinansyal sa ilalim ng Integrated Livelihood Program at kasama rin diyan ‘yung sa programa na tawag natin ay ‘yung TUPAD Program. [applause]

At ang TESDA naman ay [magbibigay] ng [mga] kagamitan para masimulan at mapaganda pa ang organic farming at scholarship para sa mga magsasaka ng niyog at palay habang ang DTI, ang Department of Trade and Industry ay magbibigay ng mga gamit na pangnegosyo, vouchers, at sertipiko sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa Program. [applause]

At mayroon pang dagdag, dahil po kasama po ‘yung ating mga Congressman at nabalitaan po nila na tayo’y umiikot at nagdadala ng tulong para sa ating mga kababayan ay mayroon din namang kasamang handog ang Office of the Speaker of the House, si Speaker Martin Romualdez na tig-limang kilong bigas sa lahat ng dumalo sa okasyong ito ngayon. [applause]

Hindi po lamang galing sa tanggapan ko at ilang ahensya ng gobyerno ang hatid namin sa inyo ngayon.

Dala rin po namin ang mga magagandang balita tungkol sa mga proyekto ng pamahalaan na tiyak ay ikasasaya ninyo at pakikinabangan ninyo dito sa Lungsod ng Dumaguete at sa buong Negros Oriental.

Una na rito ang New Dumaguete Airport Development Project sa — para dito sa Negros Oriental na [nagkakahalaga ng] humigit-kumulang labimpitong bilyong piso. [applause]

Hindi lamang ito magsisilbi na bagong paliparan, bagkus ay isang bagong simbolo ng pag-asa para sa paglago ng turismo, kalakalan, at ekonomiya dito sa inyong lugar.

Sa kabilang dako, kasalukuyan nating pinaaayos ang Dumaguete Port Expansion Project na naglalayong palawigin ang kakayahan nitong tumanggap ng mga pasahero at kargamento.

Binibigyang-pansin din natin ang kalusugan ng ating mga mamamayan dito sa inyong lugar sa pamamagitan ng ating pagtatag ng Dumaguete City Super Family Health Center. [applause]

May kabuuang halaga [itong] 15 milyon na piso ang proyektong ito na magbibigay ng pangunahing serbisyong pangkalusugan, birthing clinic, botika, x-ray machine, at iba pang mga serbisyo para sa tatlumpung barangay.

[Pinatutunayan] lamang [ng] lahat na ito ang ating determinasyon na makapagbigay ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa bawat residente ng Dumaguete at ang mga karatig-pook. [applause]

Sa kabuuan, ang lahat ng ito ay hudyat ng bagong yugto para sa ating mga mamamayan dito sa Dumaguete, dito sa Negros Oriental.

Kasama na rito ang pagbuklod ninyo sa Negros Occidental upang itatag na ang Negros Island Region o NIR. [applause]

Batid ko po na may agam-agam ang marami sa inyo, ngunit matagal na po natin itong pinag-aaralan.

Matagal na rin po itong isinusulong at ngayon naman ay atin lamang isinakatuparan.

Sa tulong ng NIR, magkakaroon kayo ng magandang pagkakataon upang lalong mapaunlad ang inyong rehiyon at [maihatid] ang maayos at epektibong serbisyo sa ating mamamayan.

Magiging mas madali po ang paghahatid ng serbisyo mula sa national government dahil hindi na ganoon kalayo, at hindi na mahirap makapunta sa mga regional offices na kailangan natin puntahan paminsan-minsan.

Kaya’t kapit-kamay po tayo sa paglalakbay na ito, baon natin ang tiwala, pagkakaisa, at pagtutulungan sa ating mga puso, tungo sa katuparan ng ating pangarap ng Bagong Pilipinas.

Mabuhay ang ating mga magsasaka at mangingisda! [applause] Mabuhay ang Dumaguete at Negros Oriental!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]

— END —