Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families in Digos City, Davao del Sur
Maraming salamat sa ating Special Assistant sa kanyang pagpakilala, Secretary Anton Lagdameo.
[Please magsi-upo po tayo.]
Kasama din po natin lahat po ng mga iba’t ibang kalihim ng iba’t ibang departamento na kasama po dito sa programang ito na maghahatid ng tulong sa ating — lalo na sa ating mga magsasaka at saka sa ating mangingisda dahil po ay naramdaman talaga at talagang naging biktima ang ating mga magsasaka at saka mangingisda dito nga sa tagtuyot na dala ng El Niño.
Kaya po ang aming ginagawa, ang tinatawag namin na whole-of-government approach, lahat po ng pamahalaan. Hindi lamang isang departamento, kung hindi ipinagkakaisa namin kung sino man — sino man sa mga iba’t ibang departamento ay kailangan at makakatulong dito sa ating mga programa ay sila po ay kasama na tumutulong at kaya po sila nandito upang makita ang naging resulta ng ating programa dito sa inyo.
Nandito po ang DA, Department of Agriculture Secretary, Secretary Kiko Laurel [applause]; ang Secretary ng DSWD na bagong dating lamang galing sa Kanlaon dahil pinuntahan naman niya ‘yung mga nabiktima ng pagputok ng bulkan, nandiyan po ang DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian [applause]; lahat po ng aming ginagawa ay hindi namin kayang gawin — lahat ng aming nais gawin hindi namin mapaparating sa taumbayan kung hindi po maganda ang tulungan at ang ugnayan ng national government po at saka ng mga local government, kaya kasama din po natin ang Secretary ng DILG, Secretary Benhur Abalos [applause]; ang na-in-charge kung baga sa lahat ng mga development program dito sa Mindanao, ang ating Mindanao Development Authority Secretary, Secretary Leo Magno [applause]; ang aking classmate sa 9th Congress tayo di ‘ba? Noong una akong naging congressman po, ito siya po ang nakasama namin kaya’t masaya ang aming naging panahon habang kami ay congressman, ang Davao del Sur Lone District Representative — sorry — ang Davao del Sur Governor Yvonne Cagas [applause]; nandito rin po ang Davao del Sur Lone District Representative, John Tracy Cagas [applause]; Province of Davao Occidental Vice Governor, Lorna Bautista Bandigan; Digos City Mayor, Joseph Cagas; and to all elected officials dito [applause];nandito rin po ang Province of Davao del Sur, ang dating gobernador, ‘yun na nga ito ‘yung ating classmate, Governor Mark Cagas [applause]; ang pinakamahalaga at ang pinaka-importante na bisita na nakikilahok at nandito ngayon na kasama natin, kayo po ang mga beneficiary ng Presidential Assistance Program [applause]; ang aking mga kasamahan sa pamahalaan; ating mga kaibigan, magandang hapon po sa inyong lahat.
Sa araw na ito, ating binibigyang-pansin ang naging epekto ng El Niño sa buhay ng ating mga magsasaka, mangingisda, at ang kanilang pamilya dito sa Region XI.
Kasama [rin] natin ngayon ang ating mga kababayan mula sa Davao Occidental at iba pang [mga] bayan ng Davao del Sur.
Batid natin na ang tagtuyot ay hindi lamang nagdudulot ng matinding pinsala sa ating mga sakahan at palaisdaan. Ito rin ay nagiging sagabal sa kabuhayan at pagtupad sa pangarap ng maraming Pilipino.
Sa aming tala, umabot na sa mahigit apat na libong katao o lagpas isang libong pamilya ang naapektuhan ng tagtuyot sa ilang barangay ng Malalag at Sta.Cruz dito sa Davao del Sur.
Tinatayang halos limampung milyong piso na halaga ng mga pananim na ang nawala na sana ay naging kita ng ating mga magsasaka at mangingisda o magiging pagkain ng ating mga kababayan.
Kaya’t sa masisipag nating mga magsasaka at mangingisda — kayo ay nagsisilbing tagapangalaga ng sektor ng agrikultura.
Kayo rin ang bumubuhay sa inyong mga pamayanan dahil sa mga pagkaing inyong hinahain sa hapag ng bawat tahanan.
Kaya naman minabuti naming pumarito ngayon upang ipaalam sa inyo na hinding hindi namin kayo pababayaan. [applause]
Ang pamahalaan ay nandito at laging handang [umalalay] at magbigay ng tulong, lalo na sa panahon ng kagipitan.
Ang Kagawaran ng Agrikultura ay kasalukuyang nagsisikap sa pagtustos ng patubig sa mga taniman, sa paggamit ng tinatawag… Mayroon po tayong mga na-develop na bagong technique ng pagsaka.
Isa doon ang alternate wetting and drying technology, na napakaganda ang naging resulta sa ibang lugar sa Pilipinas. Nakakaabot — sinasabi nila ‘yung irrigated areas, pag ginamit itong wet and dry technique ay umaabot daw sila hanggang 12 tons. ‘Yung pinakamalaki 14 tons per hectare ang kanilang inaani.
Kaya’t dadalhin po natin, tuturuan po natin ang ating magsasaka. Kasabay niyan ang patubig para maging malaki ang ani natin. Mas maganda ang magiging kabuhayan ng ating magsasaka. [applause]
Ngayon, magbibigay din ang DA ng Hybrid Rice Seed Processing [Facility] na kinabibilangan ng warehouse at apat na unit [ng] recirculating dryer, isang unit ng combine harvester, dalawang unit ng farm tractor na may implement, dalawang unit ng truck, at isang unit ng seed cleaner sa ilalim ng DA Rice Program. [applause]
Sa ilalim naman ng Corn Program, magbibigay din kami ng tatlong unit ng mechanical corn husker-sheller.
Lahat po itong mga makinaryang ito ay binibigay po natin sa ating mga magsasaka upang hindi na — para ‘yung inyong inaani ay kaya ninyo i-process — mula sa inyo ay hindi na dadaan kung saan-saang processing. Ito’y deretso na sa merkado kaya’t wala ng middleman. Kaya’t lahat ng kita doon sa produktong ‘yun ay pupunta sa nagsaka para doon sa produktong ‘yun. [applause]
Ikinalulugod ko ring ibalita na ang Philippine Coconut Authority ay mamamahagi ng mga coconut seedling at pataba sa lupa, na nagkakahalagang higit sa tatlong milyong piso sa ilalim ng tinatawag na Coconut Hybridization Project.
Para naman sa ating mga magsasakang tuluyan na nasira ang mga pananim, hindi po namin kayo nakakalimutan.
Bilang bahagi ng ating programa sa pagtulong, ang TESDA naman ay [mamamahagi] ng mga [toolkits] para sa pag-aalaga ng Organic Hogs and Small Ruminants sa ilalim ng Special Training for Employment Program.
Maglalaan din sila ng allowance na nagkakahalagang higit dalawang libong piso bawat isa sa dalawanpu’t limang [trainees] ng organic agriculture production.
Hind po nagtatapos dito ang ating tulong. Alam po namin na hindi madaling bumangon mula sa epekto ng tagtuyot kung walang puhunan. Kaya po may inihanda rin [kaming] maliit na tulong para sa ating mga magsasaka, mangingisda, at ilang piling pamilya na tinamaan talaga ng epekto ng El Niño.
Halos animnapung milyong piso ang nakalaan sa pamamahagi ng tulong ng mga magsasaka, mangingisda, at inyong pamilya dito sa Davao region sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers, Fisherfolk, and Families.
Ito po ay galing po sa Office of the President. [applause]
Dahil po bukod sa programa ng DA , bukod sa programa ng TESDA, ng DTI, at ng DSWD ay sabi namin ay talagang kahit na lahat ng programa ay nabubuo’t maganda ang takbo, hanapan pa natin ng kaunti pang tulong ang mga — paano pa natin dagdaganang ating tulong.
Kaya’t ang ginawa ko po ay tiningnan ko, ay sabi ko, Office of the President, mayroon naman tayong kaunting budget diyaan na puwedeng gamitin kaya’t ‘yan na muna ang gagamitin namin para madagdagan naman ang dalang tulong namin. Para sa mga mangingisda at sa mga magsasaka.
Kasabay pa rito, ang DSWD ay magbibigay ng 10,000 bawat isa sa 10,000 piling benepisyaryo sa probinsya. [applause]
Ang DOLE naman ay magkakaloob ng higit dalawang milyong piso na halaga na tulong sa halos tatlong daang benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program, at karagdagang halos tatlong milyong piso sa lagpas anim na raang benepisyaryo ng TUPAD program. [applause]
Samantala, ang DTI ay magbibigay ng gabay at puhunan upang magkaroon kayo ng pagkakakitaan habang hinihintay ninyo ang susunod na panahon ng pagtatanim.
Kasama po rin natin ang Tanggapan ng ating House Speaker, House Speaker Martin Romualdez upang magkaloob ng limang kilong bigas sa bawat dumalo. [applause]
At sa lahat po ng ito ay buo ang aking pag-asa na [sa] sama-sama nating pagkilos ay malalampasan po natin ang kahit anong pagsubok.
Alam ko po na ang prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ng Davao del Sur ang patatagin ang mga sektor ng imprastraktura, kalusugan, kabuhayan, turismo, at agrikultura.
Nananalig ako na maisasakatuparan natin ang mga ito sapagkat nariyan ang mga ahensyang kabalikat natin sa muling pag-ahon.
Sa katunayan po, [sa] pangunguna ng DPWH, kasalukuyan nating tinatapos ang ilang proyekto tulad ng Matanao-Kiblawan-Padada Road at ang Junction Matti-Aurora Bypass Road. [applause]
Ang DOTr naman po ay kasama rin sa pagbabalangkas ng mga pasilidad tulad ng Tubalan at Poblacion Ports sa Malita; Balut Island Port at Mabila Port sa Sarangani; at Balangonan Port sa Jose Abad Santos. [applause]
Alam niyo po kung bakit napakahalaga itong mga puwertong ito, dahil kung minsan nauubos ang kita ng ating mga magsasaka sa kakabayad ng transport cost. Dahil mahal ang transport cost at kung saan-saan pa isasakay, sa truck, tapos isasakay sa barko, bago isasakay ulit sa truck, bago makarating sa merkado. Bago pa nakarating sa merkado, naubos na, ‘yung kinita ng ating mga magsasaka.
Kaya’t sabi natin ay tulungan natin, lagyan natin ng mga puwerto… Actually, ang tawag dito halos agricultural port talaga itong mga ito, para sa agricultural product.
Siyempre gagamitin din ito pang-ferry para sa mga pagbiyahe ng ating mga kababayan. Ngunit ang talagang sadya ng mga puwertong ‘yan ay para mula rito, mula sa probinsya ninyo at pagka na-process na ninyo ang inyong inani ay isasakay niyo kaagad sa barko, ‘yung barko deretso na ‘yun kung saan pupunta. Hindi na kung saan-saan pa dadalhin, hindi na isasakay sa truck. Kung sa Maynila dadalhin, tuloy-tuloy sa Maynila — bababa kaagad sa Maynila. ‘Yun lang ang babayaran ng ating mag magsasaka.
At ‘yung processing po, wala na pong middleman. Kayo po — ang mga magsasaka po, lahat po ng kikitain sa bawat hakbang hanggang umabot sa merkado ay imbis na pumunta sa middleman ay mapupunta na sa ating mga magsasaka. [applause]
Dagdag po rin natin ang Mindanao — napakalaking proyekto na Mindanao Railway Project Phase 1 na magsisimula [rito] sa Digos [applause] papuntang Davao hanggang Tagum, na kasalukuyan nating hinahanapan ng karagdagang pondo.
Layunin nitong mapabilis hindi lamang ang daloy ng transportasyon, kundi pati na ang pag-usad ng kaunlaran sa inyong lugar.
Asahan po ninyo, tututukan po natin [ito] upang makapagbigay ng bagong pag-asa sa inyo at sa mga susunod pang henerasyon.
Mahalaga ang pagkakaisa ng bawat Pilipino para sa mas mabilis at epektibong tugon sa El Niño at upang mapaghandaan ang [nakaambang] panahon ng La Niña.
Sa ating sama-sama na pagkilos, [nakatitiyak] ako na makakamit natin ang isang masaganang bukas at ang Bagong Pilipinas na matagal na nating pinapangarap. [applause]
Mabuhay ang ating mga magsasaka at mangingisda! [applause]Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
Maraming salamat po at magandang hapon po sa inyong lahat. [applause]
—END—