Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the distribution of presidential assistance in Zamboanga City
Maraming salamat sa ating DA Secretary, Secretary Kiko Laurel.
[Please, please take your seats.]
Ang ating Kalihim ng Department of — DILG, ang ating Secretary, Secretary Benhur Abalos; the Special Assistant na ipinakilala sa inyo ni Cong. Mannix, Special Assistant Congressman Anton Lagdameo; Representative Mannix Dalipe; and Zamboanga City Mayor John Dalipe; my fellow workers in government; lahat po ng mga bisita; ‘yung ating mga magiging benepisyaryo ngayong araw na ito. Magandang hapon po sa inyong lahat. [applause]
Alam niyo po sa kabila ng init ng panahon ay mas nadama ko ang napakainit ninyong pagtanggap sa akin dito sa Siyudad ng Zamboanga. Maraming, maraming salamat po. [cheers and applause]
Hindi ko na nabati ang ating mga governor at saka ‘yung ating mga congressman na nandito — galing dito sa Zamboanga Peninsula. Nandito po sila dahil alam po ninyo ang aming ginagawa ay hindi na namin…
Kaya’t nandito po ilang secretary. Nandito po si Secretary ng DSWD, Rex Gatchalian, nandito rin. At makita po inyo ay pinagsasama-sama po natin lahat ng puwersa ng ating pamahalaan dahil nakita naman natin na tayo ay may nararanasan na krisis sa agrikultura at sa ekonomiya dahil nga sa agrikultura.
Kaya’t pinagsasama-sama po natin ang kakayahan ng local government, pinagsasama-sama natin ang kakayahan ng ating mga legislator, mga congressman. Kasama na rin diyan ang siyempre ang galing ng ating mga iba’t ibang kalihim ng departamento upang mabuo ang mga proyekto, ang mga programa na aming dadalhin para sa taong-bayan.
Nandito po ako upang personal na masigurong makararating ang mga tulong ng gobyerno sa mga kababayan nating nangangailangan, lalung-lalo na ngayon na panahon ng krisis.
Kasama ko rin ang ilan sa mga kawani, ito nga ang ating mga department secretaries.
Kaming lahat ay patuloy na nakikipag-ugnayan at nagsasanib puwersa sa kagustuhang mapawi ang iniinda ninyong hirap dulot ng matinding tagtuyot.
Base po sa pinakahuling datos na ibinahagi sa akin, umabot na po sa 3.6 milyong katao ang lubhang naapektuhan ang kanilang kabuhayan dulot nga ng El Niño.
Tinatayang aabot na rin sa 5.9 bilyong piso ang halagang nasayang, nawala, o hindi kinita ng ating mga magsasaka at mangingisda.
Dito naman sa Zamboanga Peninsula, lampas tatlong libong hektarya (3,000 ha.) [ang] labis na naapektuhan dahil sa matinding init na ating nararamdaman ngayon.
Talaga naman pong nakakapang-hinayang ito at kaya naman kailangan natin ang agarang aksyon, lalo na po, ang agrikultura ang pangungahing pangkabuhayan ng ating mga minamahal na mga Zamboangueño.
Minabuti naming makapaghatid ng sari-saring tulong at suporta sa inyo dahil isa kayo sa pinaka-malubhang naapektuhan ng El Niño.
[Muli] kong ipinapaabot na ginagawa po ng inyong pamahalaan ang lahat ng aming makakaya upang maibsan ang matinding pinsala na dinala dito sa Pilipinas ng El Niño.
Hangad po namin na mabigyan kayong lahat ng maayos na buhay kaya naman po ay nagsisikap kami na bigyan ng pansin ang pangangailangan ng bawat probinsya at bayan sa buong bansa.
Ang DSWD po ay nandito ngayon, patuloy na handang magbigay tulong sa ating mga kababayan.
Ang DA naman, ang Department of Agriculture naman ay patuloy na nagmo-monitor at nag-aaral ng mga stratehiya at plano patungkol sa cloud seeding operations, sa mga irrigation systems, at sa paggawa ng climate-resilient infrastructure na projects.
Ang ating DOH din po ay nandito upang agapan ang mga sakit na kadalasang lumalabas sa panahon ng tag-init.
Nagsasagawa rin sila ng mga hakbang upang siguraduhing ligtas at malinis ang suplay ng tubig dito, at para sugpuin ang anumang sakit na dulot ng mainit na panahon.
Nais ko rin pong paalalahanan ang lahat na pangalagaan natin ang ating kalusugan.
Kasama din po natin ang ating House Speaker… [Bukas, bukas yata dadating]
Darating din po ang House Speaker na maghahatid din ng tulong sa pamamagitan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
At ang Tanggapan ng Unang Ginang na kanina, kaninang umaga, ang First Lady ang aking… Hindi ko alam anong tawag — sa Ilocano ay tawag kapisi ti puso. Ang First Lady, si Liza ay nandito kaninang umaga upang maghatid ng — ‘yung tinatawag na program niya na LAB for ALL dito sa Zamboanga City.
Ito po LAB for ALL, ibig sabihin laboratoryo po ay dinadala, ay nilalagay sa isang bus, isang malaking bus at doon po puwede na magpa-xray, doon po puwede magpatingin. Mayroon mga… Basta’t lahat ng pangangailangan tungkol sa healthcare ay ‘yan ang binubuksan ng ating First Lady.
Ang Tanggapan naman ng Pangulo at ang DSWD ay naririto ngayon upang maghatid ng kaunting tulong. Halagang sampung libong piso na para [sa mga] naitalang magsasaka, mangingisda, at ilang pamilyang nasalanta ng tagtuyot.
Kita niyo naman po, halos buong pwersa ng pamahalaan ang humaharap sa inyo ngayon dito.
Para sa akin kasi, hindi sapat na mabasa ko lang [sa] mga ulat ang mga suliraning na inyong [kinakaharap].
Hindi lang dapat umasa sa mga reports ng mga serbisyo at ayuda na dumadating sa inyo.
Kailangang personal kong makita at marinig ang inyong
mga hinaing, at makita ng aking sariling mata ang kalagayan ng ating mga kababayan. [applause]
At hindi lang Zamboanga ang ating hahatiran ng tulong. Hindi lamang Zamboanga ang hahatiran natin ng tulong kung hindi lahat ng rehiyon ay aking dadalawin.
Buong bansa ang tatamasa ng mga programa na ating ipinagkakaloob.
Lalarga tayo sa buong kapuluan. Walang rehiyon na maiiwanan, walang lalawigan na makakaligtaan.
Hindi ang lokal na pamahalaan ang dudulog sa Malacañang.
Ang Malacañang ang pupunta sa mamamayan. [applause]
Mga kababayan:
Ang buong mundo po ay [nahaharap] sa matinding pagsubok dulot sa tinatawag na climate change, pagbabago po ng panahon.
Extreme weather ang nararanasan natin. Matinding init ngayon at sa mga susunod na buwan naman ay asahan natin ay ang matindi naman na pag-ulan.
Kaya naman po, nananawagan ako sa lokal na pamahalaan ng Zamboanga at sa mga karatig-bayan [nito sa] buong rehiyon:
Maging handa po kayo sa lahat ng oras. Alamin natin ang pangangailangan ng ating mga nasasakupan at gumawa tayo ng mga programa na tiyak na makakatulong sa ating mga kababayan.
Ang pambansang pamahalaan, the national government, sa tulong ng lokal na pamahalaan, ay agarang tutulong sa lahat ng apektado ng El Niño. Kaya naman hinihimok po namin ang lahat ng apektado ng matinding tagtuyot na makipag-ugnayan sa inyong mga lokal na pamahalaan upang malaman at matugunan ang inyong mga pangangailangan at inyong mga hinaharap na problema.
Ngayon ang panahon na kailangan nating magkapit-bisig at magtulungan.
Sa ating pagkakaisa, tiyak na matutupad natin ang ating mga mithiin sa ilalim ng Bagong Pilipinas kung saan ang bawat pamilyang Pilipino ay ligtas, produktibo, at masaganang namumuhay.
Makakaasa po kayo na ang inyong pamahalaan ay walang humpay na magtratrabaho upang palaguin ang ating ekonomiya para makamtan natin ang isang masaganang buhay para sa bawat Pilipino. [applause]
Magsilbing patunay nawa ang pagdalaw ko rito sa inyo na hindi [nagpapabaya] ang pamahalaan. Kakampi po ninyo kami sa bawat laban at kaakibat sa bawat paghakbang tungo sa mas magandang bukas.
Maraming, maraming salamat muli sa inyong napakainit na salubong na binigay sa akin ngayong hapon at asahan po ninyo na ang inyong national government, lahat ng ahensiya ng gobyerno, lahat po ng ating mga congressman, lahat po ng ating mga local — lahat-lahat government officials ay nagkakaisa upang tulungan at tiyakin na kayo, ‘yung mga napinsala ay mabigyan ng tulong at tiyakin na patuloy tayo sa mas magandang bukas para sa bawat Pilipino.
Maraming, maraming salamat po at magandang hapon po sa inyong lahat. [applause]
— END —